Andress 85 | Ang Natupad na mga Panalangin

108 14 42
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Natupad na mga Panalangin ||

Tahimik at nakangiting naka-abang ang lahat ng nakiki-isa sa pagdiriwang ng kaarawan ni Enthon para sa kanyang panimulang bati. Kasama niya akong tumayo sa harapan ngunit nanatili lamang ako sa kanyang likuran.

"Uhmm, magandang gabi sa lahat. Sa totoo lang ay hindi talaga ako magaling sa ganitong pagsasalita eh, mas mahusay ako kapag sa isang digmaan ang pupuntahan. Si Tanda kasi eh," panimula niya na umani kaagad ng tawanan, bumaling pa siya kay Guro na napa-iling na lang.

Kamot ulo muli siyang lumingon sa akin, hindi naman niya sinasadya na patawanin ang lahat dahil nagsasabi lamang siya ng totoo.

Nakangiti akong tumango sa kanya at mahinang bumigkas na, "kaya mo yan" naunawaan naman niya ito at muling humarap sa lahat.

"Kaninang umaga nang ako'y magising, nagpapasalamat ako sa Kanya dahil sa isang araw muli na ibinigay niya sa akin. Nagpasalamat ako sa Kanya dahil nadagdagan muli ng isang taon ang aking edad at ngayon ay humantong na ako sa edad ng isang tunay na ginoo. Eh, kahit naman noon pa eh isa na akong makisig na ginoo."

Muling nagtawanan ang lahat sa kanyang huling sinabi samantalang ako'y napangiwi na lang.

Maayos naman na ang umpisa niya tapos biglang sasamahan niya pa ng kayabangan sa dulo. Ugali na talaga ito ng isang Enthon na mukhang hindi na mababali pa.

"Siyempre, susunod sa gusto kong pasalamatan- kahit na nakapagpasalamat na ako sa kaniya kanina- ay ang taong nag-organisa at nagpahanda ng pagdiriwang na ito para sa akin— kay Pinunong Keba'an," turo niya kay Pinunong Keba'an na katabi ni Guro. Tumango naman ito ng nakangiti kay Enthon.

"Salamat po sa inyo at sa mga taong tumulong sa paghahanda rito sa magandang lugar na ito na pinagdarausan ngayon ng kasiyahan. Ganu'n din sa mga taong naghanda ng masasarap na pagkain. Tiyak na puputok ang tiyan ko ngayon sa kabusugan," dagdag pa niya na sinabayan niya ng paghimas sa kanyang tiyan saka tumawa ng malakas, maging ang lahat ay natawa rin.

"Matakaw!" sigaw mula sa aming mesa na pinanggalingan. Si Kuya Matias ang nakita kong sumigaw at nagtatawanan na sila ngayon.

Tumuro lang naman sa kanila si Enthon na parang sinasabi na, "humanda sila mamaya" bago siya muling nagpatuloy sa kanyang pagsasalita.

"Sa mga kaibigan ko at mga taong bumati sa akin, maraming-maraming salamat sa inyo. Abot hanggang dito sa puso ko ang lahat ng mainit na pagbati ninyo sa akin lalo na sa mga kaibigan kong halos balian pa ako ng buto kanina. Salamat sa inyo, mga ulol!"

"Ulol ka rin!" balik ni Gadriel kay Enthon. Muli, tawanan na naman ang lahat.

"Ahh, ayun lang! Wala naman na akong nakalimutan. Napasalamatan ko naman na ang lahat. Magandang gabi ulit sa lahat at magsaya tayo!" aniya sabay suksok ng kanyang mga palad sa bulsa ng kanyang pambaba.

Unti-unting nabura ang ngiti ko bagama't hindi ko pinapahalata. Nakatingin lang ako sa kaniyang likuran nang sabihin niyang wala na siyang nakalimutan.

"Talaga ba, Enthon!? Wala ka ng nakalimutan?' Wag kang magtataka kung tumumba ka padapa riyan sa kinatatayuan mo na may saksak sa likuran!" sigaw ni Asia at pinagdiinan pa ang salitang 'likuran'.

Dahan-dahan namang pinihit ni Enthon ang ulo niya sa akin. Hindi niya lubos na nilingon ang ulo niya, ginamit lang niya ang mata niya para sulyapan ako ng palihim pero kitang-kita ko naman.

Tumawa siya ng malakas noang humarap siya sa lahat at nakuha niya pang kumamot sa kanyang batok. Napailing ang lahat na tila dismayado ngunit hindi maalis ang ngiti sa kanilang mga labi. Isa na naman sa pakulo ni Enthon.

ANDRESSWhere stories live. Discover now