Andress 6 | Pagsugod ng mga naka-itim na Manto

564 36 8
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Pagsugod ng mga naka-itim na Manto ||


Nagkakagulo na ang lahat at wala na ni isa ang pumapansin sa akin. Kanina lamang ay buong baryo ang nakapalibot sa akin, lahat ay nais na ako ay tapusin ngunit ngayon, sa isang pitik lamang ng oras ay nagbago ang sitwasyon.

Kalat na sa buong paligid ang sigawan at mahihinang pagsabog. Hindi malaman ng iba kung saan sila tatakbo para lamang mailigtas ang kanilang mga sarili. Sa kabila ng nangyayaring kaguluhan sa paligid ay mag-isa naman akong nakikipagtagisan sa apoy na nakapalibot sa akin na malapit na akong tupukin. Ang sulo na hawak ng babae kanina ay sa mismong kumpol ng mga dayame na nakapaligid sa akin bumagsak kaya nagliliyab na rin ang mga tuyong kahoy na inilagay nila.

Napa-sigaw na lamang ako nang isa sa mga tuyong kahoy na nagbabaga na ang biglang natumba at bumagsak sa aking hita.

"A-ahh!!"

Hindi ko alam kung may nakarinig ba ng aking pagdaing. Sa ingay at nagkakagulong paligid ngayon mukhang wala ni isa. Napaluha na lamang ako at pawis na pawis na tiniis ang nakadikit pa rin na nagbabagang kahoy sa aking hita.

Napakasakit!

Halos magdugo na ang aking pang-ibabang labi sa pagtitiis, hinihiling ko na nga lang na mawalan na ako ng hininga upang matapos na ang aking paghihirap ngunit ang mainit na pakiramdam ay biglang humupa. Napadilat na lamang ako nang may bumuhos na tubig sa aking buong katawan.

Naglikha ng usok ang paligid ko matapos mabasa ang mga nagliliyab na kahoy, maging ako ay basa na rin. Ang tubig na bumuhos sa akin ay tila naghatid ng napakasarap na pakiramdam sa'kin. Nawala pansamantala ang init na nararamdaman ko lalo na sa aking hita.

"Nandito na ako, Andress," wika ng taong pumatay ng apoy na tutupok na dapat sa akin, walang iba kundi si Manong Gaper.

Nasa likuran n'ya lang si Lola Gana, parehong may takot at pagmamadali sa kanilang mga mukha habang kinakalagan ako sa pagkakagapos sa poste.

Nang makalagan ako sa pagkakatali ay dali-dali akong inalalayan ni Manong Gaper. Alam nilang 'di ko na kaya pang panatilihing nakatayo ang aking sarili dala ng walang tigil na pagpapahirap sa akin ng sunod-sunod at panghihina kaya't pinasan na lamang ako ni Manong Gaper sa kaniyang likuran.

"Kailangan nating maka-alis dito. Nagkakagulo na ang buong bary," may pagmamadaling sambit ni Manong Gaper.

Marami akong gustong tanungin, marami akong gustong sabihin ngunit maging ang dila ko ay 'di ko na talaga kayang pasunurin sa sobrang panghihina. Sinubukan ko na ring gamitin ang aking kakayahan para makausap sila sa kanilang isipan ngunit wala na talaga akong lakas, nahihilo lamang ako.

Pasan-pasan lamang ako ni Manong Gaper sa kanyang likuran habang kami'y tumatakas. Maging ang lahat ay wala ng paki-alam kung makita man nila akong pasan-pasan ni Manong Gaper, ang importante sa kanila ngayon ay makalayo sa mga biglang nanggugulo sa baryo.

Marami kaming kabahayan na nadaanang nasusunog na, mayroon ring mga sugatan pero pilit pa ring kumikilos makatakas lang.

Damang-dama ko ang matinding kaba ni Manong Gaper. Napakalakas ng kabog ng kanyang dibdib. Kung ano man o sino man ang mga pumasok sa amin baryo para manggulo ay talagang nakakatakot dahil ganito ang naidulot nila sa lahat.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon