Andress 1 | Ang Isinumpa

1.2K 45 20
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Isinumpa ||


Hapon na nang matapos ako sa pangungulekta ng mga kahoy sa loob ng kakahuyan, na-itali at napagsama-sama ko na rin ang mga ito upang mas madali na lang para sa akin na kunin.

Saktong palubog na ang araw, ang liwanag na tumatagos sa mga siwang ng mga nagtataasang punongkahoy ay kulay kahel na. Napakaganda at napaka-payapang pagmasdan.

Sandaling napapikit ako para damhin ang katahimikan na hatid ng paligid. Kahit na sa konting sandali lang ay nais ko ring makaramdam ng kapayapaan. Kapayapaan na rito ko lamang matatagpuan... mag-isa.

Langit-ngit ng mga punongkahoy na pinasasayaw ng hangin, kaluskos ng dahon at huni ng mga ibon ang naging musika ko sa katahimikan. Ang mga tunog na nililikha ng kalikasan ay may hatid na kaginhawaan sa akin, itinataboy ang anomang lungkot at alalahanin. Sa tuwing narito ako sa loob ng kakahuyan ay 'di pwedeng hindi ko gawin ang ganitong bagay. Sa tulong kasi nito, kahit papaano, bumubuti ang pakiramdam ko; emosyonal at maging sa pisikal.

Paghupa ng pagod dala ng halos ilang oras na pagkuha ng mga kahoy ay isa-isa ko naman itong inilagay sa maliit na kariton na aking dala. Saktong-sakto lang ang mga nakolekta ko sa dala kong kariton.

Matapos mailagay at maisalan-san ng maayos ang mga tuyong kahoy na panggatong sa kariton ay hinatak ko na ito upang mailabas na ng kakahuyan. Ang isang kariton ng panggatong na aking hila-hila ay may sapat na salaping kapalit kapag naibenta ko, sapat na para makabili ng makakain.

Halos kalahating oras rin ang ginugol ko sa paglalakad at paghahatak ng kariton palabas ng kakahuyan. May maliliit na sugat na rin ang magkabilang talampakan ko, pawisan at nadagdagan ang dumi sa suot kong damit ngunit 'di ko na ito pinansin pa, ito na rin kasi ang nakasanayan ko sa pang-araw-araw.

Sa malayo pa lang ay rinig ko na ang ingay na nagmumula sa maliit na pamilihan sa aming baryo. Marami sa mga bahay rito'y abandonado na, napakatagal na at halos pinaglipasan na ng panahon ang lahat. Ang makikita mo na lamang ay ilang guho at ang iba ay binabawi na ng kalikasan.

Walang ibang makikita sa paligid kundi mga nagtataasang puno. Pagtatanim at pag-aalaga ng hayop ang pinaka-pangunahing hanap-buhay rito sa aming maliit na baryo.

Malayo kami sa ibang  baryo at sa malalaking bayan, nakikipag-kalakal rin kami sa mga kalapit na baryo para may maiba naman sa amin. Wala naman na akong masyadong alam pa sa bagay na 'yun, basta ang gawain ko lang ay manguha ng mga kahoy na ibibenta bilang panggatong at maipambili ng makakain ang pinagbentahan.

Habang hila-hila ko ang kariton ay pansin ko ang pangingilag ng ilang nadadaanan ko. Sa tuwing titingin ako sa kanila ay aligaga silang nag-iiwas ng tingin at nagmamadaling lumalayo sa akin na para bang meron akong nakakahawa at nakakadiring karamdaman.

"Nandito na naman s'ya."

"Sumpa talaga ang hatid ng batang 'yan."

"Kaya siguro naging ganu'n ang kanyang ama."

Ilan lang 'yan sa mga naririnig ko sa kanilang isipan sa paglalakad-lakad ko. Wala ngang binibigkas ang kanilang mga labi ngunit dinig na dinig ko naman ang kanilang mga isipan.

Sa ordinaryong paningin tila wala silang sinasambit ngunit nagsusumigaw na panghuhusga naman ang nasa kanilang mga isipan. Ito ang mahirap kapag nasasakop ng "sumpang" sinasabi nila ang isipan ng sinoman. Lantarang sinasampal sa akin ng mga salitang nasa isip lamang nila ang mga nais nilang sabihin sa akin na hindi nila sinisigaw sa kanilang bibig.

ANDRESSWhere stories live. Discover now