Andress 30 | Pagdadalamhati

342 25 18
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Pagdadalamhati ||


Kahel na ang kulay ng buong paligid, ilang oras na lamang ay lulubog na ang araw at kakalat na ang dilim ngunit ang bilang ng mga tao sa paligid ay patuloy lang sa pagdami. Sa aking paglalakad-lakad ay sandali akong huminto sa tapat ng isang bukal (fountain). Ang tubig na ibinubuga pataas mula sa sentro ng bukal ay binabahiran na rin ng kulay dalandan ng dapit-hapon. Napakagandang pagmasdan.

Tawanan ng mga bata ang humila ng aking atensyon palayo sa bukal. Maraming mga bata ang naglalaro at nagtatakbuhan sa paligid. May ilang matatanda, dalaga, binata at pamilya na nakaupo naman sa mga kalat na upuan sa bahaging ito ng bayan. Sa aming baryo, kapag ganitong oras ay wala ka ng makikitang mga bata o tao sa paligid ngunit iba dito sa Bayan ng Mórdom ang lahat ay nagtatawanan at nagsasaya kasama ang kani-kanilang mga pamilya at hindi nababahala sa bantang maaaring dala ng takipsilim.

Tumingala ako at pinagmasdan ang mahiwagang proteksyon ng bayan. Sa tuwing sasapit ang dapit-hapon ay lumalabas ang harang ng bayan. Ito marahil ang dahilan kaya't walang pagkabahalang nararamdaman ang bawat isa rito sa loob ng bayan, dahil sila'y protektado.

Matapos pagmasdan ang proteksyon ng bayan at ang mga tao sa parke kung nasaan ako ay nagbalik sa aking isipan ang lahat ng aking mga nakita noong nakaraang gabi. Hindi ko maiwasang mabahala at makaramdam ng takot para sa lahat.

Walang kasiguraduhan ang lahat ng aking mga nakita, posibleng dumating ang araw na 'yun o 'di kaya naman ay hindi. Wala namang nakakaalam ng katiyakan nito maging ako na nakasaksi rito.

Kaya naman umaasa na lamang ako na kung sakaling pangitain man ang aking nasilip ay makahanap sana kami ng paraan para ito'y mapigilan.

Mahinang tapik sa aking likuran ang nag-ahon sa akin mula sa malalim na pag-iisip. Dali-dali naman akong bumaling dito.

"Andress, bakit bigla ka na lamang nawala? Kanina pa kita hinahanap." Si Asia.

"Paumanhin, naglibot-libot lang naman ako kanina tapos napagawi ako rito, hindi ko na napansin ang oras dahil sa ganda ng bukal," ang aking sagot naman bago muling bumaling sa bukal.

May parte ng aking sinabi na totoo ngunit ang tunay namang dahilan kaya ko hindi namalayan ang oras ay dahil sa dami ng aking mga iniisip.

Wala pa akong sinabihan ni isa sa kanila ng mga nakita ko. Darating naman siguro ang araw na ilalahad ko rin ang mga 'yun ngunit hindi pa ngayon. Masyado pang magulo ang lahat at halo-halo na ang aking iniisip kaya't ang mga mahahalaga at importante na lamang muna ang pinagtutuunan ko ng pansin.

Matapos sandaling tignan ang bukal ay muli akong humarap sa kanya at sa bayong na kayang dala na mukhang wala ng laman.

"Naibigay mo na ba ang lahat ng mga katas ng halamang-gamot na gawa mo?" tanong ko na lamang upang may mapag-usapan. Tumayo na ako at kami ay naglakad na.

"Oo. Katunayan nga ay may supot pa ng ginto akong nakita sa pinag-iiwanan ko ng mga halamang-gamot, siguro ay kabayaran para sa mga dinadala ko," aniya sabay pakita ng supot ng ginto na kaniyang sinasabi.

"Hindi ko na nga sana kukunin kaya lang baka may ibang kumuha kaya kinuha ko na lang. Magagamit din naman natin ang salapi para makabili ng ilang gamit sa Santuario, iilan na lang din kasi ang mga pinggan, baso at mga kubyertos natin. Ewan ko ba kung saan napupunta, baka pati ang mga 'yun ay kinakain pa nila. Uutusan ko na lang sila Gadriel para mamili bukas."

ANDRESSحيث تعيش القصص. اكتشف الآن