Andress 49 | Ashnev

213 16 12
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ashnev ||


Pagsabog at pagyanig ang maya-maya na naririnig at nararamdaman sa buong paligid— kaguluhan at walang tigil na sagupaan sa pagitan ng mga nasa panig ng liwanag at ng mga nasa dilim— ang mga Merlinians laban sa mga Morganians.

Walang tigil sa pagkabog ang aking dibdib dala ng kaba at pag-aalala habang pinagmamasdan ko ang magulong paligid. Hindi ako kinakabahan at nag-aalala para sa sarili ko o sa mga kasamahan ko dahil alam kong tulad ko ay handa ring makipaglaban ang mga ito, ang tanging nagpapakabog lamang ng aking dibdib ay baka madamay ang mga taong nasa loob ng bayan kapag nabigo kaming itaboy ang mga kalaban.

Apat na naka-itim na manto ang walang takot na sumugod sa akin. Binato nila ako ng itim na bola ng enerhiya na madali ko lang nadepensahan gamit ang aking harang. Matapos silang magbato ng atake ay mabilis kong ikinumpas ang aking kamay dahilan ng pagtalsik nila palayo.

Hindi nga ako kasing husay nila Enthon makipaglaban at kasing lakas nila Kuya Saturno ngunit handa naman akong isugal at itaya ang lahat sa akin maipagtanggol lang ang bayan. Ang Bayan ng Mórdom na ang naging ikalawang tahanan ko, masaya at maayos ang pamumuhay ng mga tao rito kaya hindi ko pwedeng hayaan na may makapasok ni isa sa tarangkahan na nasa likuran ko.

Abala ako sa pagdepensa at pagpapatalsik sa mga kalaban na nagtatangkang lumapit nang biglang dumaan sa harapan ko ang tumilapong katawan ni Enthon. Malakas siyang tumama sa mataas na batong-bakod ng bayan at naglikha ito ng bahagyang pagyanig.

"Enthon!"

Dali-dali akong tumakbo para daluhan siya. Nakahiga lang siya sa mga tipak ng bato na sa tingin ko ay galing sa pader ng bayan na nabitak gawa ng malakas niyang pagtama roon.

Kasalukuyan na siyang bumabangon habang hinihimas ang kanyang batok, mahinang dumadaing din siya kaya inalalayan ko kaagad siyang makatayo.

"Enthon, ayos ka lang?" tanong ko sa kanya habang ako'y naka-alalay sa kanya. Inalis niya muna ang suot niyang baluti na nasira dala ng pagtama sa pader bago siya tumingin ng masama sa akin.

"May gago na magbabato ng atake sa'yo kanina kaya lang hindi ka nakatingin. Tumalon ako at hinarang ang atake na iyon para sa'yo. Tinamaan ako— tumama ng malakas sa pader at halos mabasag ang bungo ko pero nakakatayo pa naman ako tapos tatanungin mo ako kung ayos lang ako, sa tingin mo ba ayos lang ako?" mahabang sabi niya na halatang inis at nasasaktan pa rin.

"Ituon mo kasi sa laban ang atensyon mo! Urgh! Kung hindi pa ako nakaharang baka sa'yo na tumama 'yung atakeng 'yun," dagdag niya pa. Hindi na lang ako nagsalita kasi hindi ko rin naman alam ang sasabihin ko.

Abala ako sa pag-alalay sa kanya nang may maramdaman akong mga atake na tatama sa amin. Madali akong humila ng kapangyarihan at bumuo ng harang bago pa ito tumama sa amin. Sinusugod na ulit kami ng mga kalaban.

"Ganyan! Putek. Kanina mo pa sana ginawa 'yan! Hinintay mo pa talaga akong masaktan," sigaw ni Enthon na may inis pa rin. Nagliwanag muli ang katawan niya upang magpalit ng baluti at sandata.

Sabay na naming sinugod ang grupo ng mga naka-itim na manto na palapit na rin sa amin. Si Enthon ang lumaban sa kanila ng harapan, samantalang ako nama'y nakasuporta lamang. Kakaiba ang bilis niya ngayon marahil ay dahil sa baluting suot niya. Kapag may lalapit sa kanya ay mabilis kong binabagsakan ng pwersa o kaya ay itinatapon sa malayo.

Marami na kaming napatumba sa kanila ngunit hindi pa rin sila nauubos. Mapatumba man namin ang isa ay mabilis naman silang napapalitan ng dalawa at ngayon nga ay napapaligiran na nila kami.

ANDRESSWhere stories live. Discover now