Andress 98 | Ang mga Mahiwagang Bisita

106 10 34
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang mga Mahiwagang Bisita ||


Nakatitig lamang ako sa mukha ng binatang nasa aking likuran. Halo-halong pagkamangha, pagtataka at gulat ang kasalukuyan kong nararamdaman habang pinagmamasdan siya.

Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na isang mahiwagang lahi na minsan ko lang nabasa sa mga aklat ay naririto ngayon sa aking likuran.

Sa tulong ng pag-alalay niya ay nagawa kong makatayo sa dalawa kong paa, hindi pa rin ako bumibitaw sa pagkakatitig sa kanya dala nga ng labis-labis na pagkamangha. Sa aking palagay ay kasing edad lamang siya ni Kuya Saturno o mas bata pa ng ilan. Hindi ko rin naman malaman kung 'yun nga ba ang tunay niyang edad dahil sa pagkakaalam ko ay imortal ang kanilang lahi tulad ng mga Engtos.

Nasa ganu'ng pagtitig ako sa kanya nang muli niya akong tignan. Ngumiti siya ng malaki kasabay ng pag-tapik sa aking noo, dahil doon ay nagising ang aking diwa at nahihiyang yumuko na lamang.

"Alam kong nakakalunod ang taglay kong kagwapuhan ngunit hindi ito ang tamang oras at lugar para matulala ka," sabi niya na sinabayan ng mahihinang pagtawa. Aliw na aliw itong pinagmamasdan ang aking kahihiyan.

Marahan akong gumalaw upang alisin ang kamay niyang nakahawak pa rin sa aking braso. Hindi pa rin kasi niya ako binibitawan simula nang sambutin niya ako sa pagkakahulog kanina.

Muli lang siyang natawa sa ginawa ko, gayunpaman, binitiwan na rin niya ako tulad ng aking nais. Nang makalayo ng konti sa kanya, roon ko lang napansin na naiga-galaw ko na muli ang aking katawan.

"Walang anuman," wika ng binatang Aetherian na nagpakilala bilang Axion.
Nakangiti pa rin ito sa akin at parang kumikislap pa ang kanyang kulay kalangitan sa umaga na mga mata.

"Ahh, s-salamat," nahihiyang sabi ko. Nauna na siyang magsabi ng walang anuman gayung hindi pa pala ako nakapagpasalamat.

"Hoy, ikaw!" sigaw na aming narinig kaya't dagling naputol ang pagtitig niya sa akin at ang aking pagkakayuko.

Nang tumingin ako sa harapan, si Enthon na nakataas ang hawak na espada ang aking nakita. Nakatutok ang sandata niya sa direksyon ni Axion at nagbabaga ang matatalas na mga mata.

"Wala akong pakialam kung sino ka o anong klaseng nilalang ka! Kung ayaw mong madamay sa kamatayan ng katabi mo, mas mabuti pang lumipad ka na lang at bumalik sa pugad na pinanggalingan mo, taong-ibon!" sigaw ni Enthon na punong-puno ng kayabangan.

Mapait na lamang akong napangiti hawak ang aking dibdib habang nakatitig kay Enthon. Nagbalot man ng kadiliman at naging masama ay nandoon pa rin pala ang natural niyang kayabangan.

Sa halip na tumalima tulad ng banta ni Enthon, tila nang-aasar pa na ikinampay-kamay ni Axion ang kanyang dalawang naglalakihang mga pakpak. Kada galaw nito ay mas nagliliwanag pa ito at parang may kakaibang dalang kaginhawaan sa pakiramdam ang bawat bagwis ng kanyang pakpak.

"Masyadong balot ng kadiliman ang paligid, makaka-apekto sa pagkilos at tamang pag-iisip ang pagkababad dito," bulong ni Axion na patuloy pa rin sa pagkampay ng kanyang mga pakpak. Maya-maya pa ay tumigil na rin ito at lumakad sa aking harapan upang itago ako sa kanyang likuran.

"Nananalaytay sa aking mga ugat ang dugo ng kauna-unahan at purong sagradong mandirigmang Arkanghel na si Ether. Ang pakpak naming mga Aetherian ang pinaka-kinatatakutan ng kadiliman. Sa nakikita ko, purong enerhiya mula sa karimlan ang nasa katawan ninyo. Sa palagay mo ba ay madadaan mo ako sa simpleng pagbabanta mo lang? Walang-wala ang Nether na nasa katawan niyo sa dami ng Nether na ilang beses kong ginapos pabalik sa ilalim," wika niya na parang naghahamon pa.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon