Andress 47 | Dalaw

225 17 6
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Dalaw ||


Tahimik lamang akong nakatayo at nakatanaw sa labas mula sa bintana ng aking silid. Kalat na ang dilim at nagsisimula nang mag-awitan ang mga panggabing insekto, bukod sa kapayapaan ng paligid ay nakakamangha rin ang mga nagliliparang mga alitaptap na nagbibigay liwanag sa madilim na paligid. Sa gitna ng aking pagtanaw sa labas ay bigla na lamang lumundag si Nelmi sa pasimano ng bintana. Nakangiting hinaplos ko na lamang ang kanyang ulo saka ako muling bumaling sa labas.

"Nag-aalala ka rin ba sa kanya?" tanong ko kay Nelmi.

Tumingin lang siya sa akin ng ilang sandali bago siya humikab at lumundag sa aking kama. Napabuntonghininga na lamang ako at muling nagmasid sa labas.

Hindi ko maiwasang isipin ang kalagayan ngayon ni Enthon. Simula nang dumating kami rito ay hindi ko na siya nakita pa dahil nga sa pinagbawalan na siya ni Guro na pumasok rito. Ilang beses kong kinausap at kinumbinsi si Guro ngunit mariin ang naging pagtanggi niya. Hindi rin nakatulong na hindi niya rin nagustuhan ang ginawa kong paglayo kaya muli niya akong ikinulong dito sa Santuario at hindi na pinayagang bumalik sa aking kubo.

***

Tahimik at nakayuko lamang akong nakaupo sa upuang nasa harapan ng mesa ni Guro. Hindi ko magawang tumingin sa kanya dala ng hiya.

Isang malalim na paghinga ang aking narinig mula sa kanya. "Hindi ko nagustuhan ang ginawa mo, Andress."

Hindi ako nakakibo sa kanyang sinabi kaya nanatili na lamang akong nakayuko. Alam ko namang patungkol ito sa pag-alis ko at inaasahan ko na ito.

"Napakadelikado ng ginawa mo. Tinakasan mo ang mga nagbabantay sa'yo at umalis ka ng walang pasabi kung saan ka magtutungo. Alam mo naman na kung ano ang katayuan mo, hindi ba, Andress?" kuro niya na nagawa ko lamang sagutin ng simpleng pagtango. Alam ko naman eh.

"Kung alam mo naman pala ay bakit mo ginawa? Anong pumasok sa isip mo para tumakas at talikuran ang iyong tadhana? Kung sinabi mo kaagad na hindi ka pa handa ay maiintindihan ko, lagi naman kitang iniintindi, Andress. Handa akong maghintay at sanayin ka hanggang sa maging handa ka."

Ilang sandaling katahimikan ang namayani matapos niyang magsalita. Hanggang ngayon kasi ay binubuo ko pa rin sa aking isipan kung ano ba ang mga pwede kong sabihin.

"Saan ka nagpunta?" tanong ni Guro pagkakuwan. Sa pagkakataong ito ay huminga na ako ng malalim bago sumagot sa kanyang tanong.

"P-pasensya na po, Guro. Alam ko pong mali, hindi ko na po kasi alam kung ano ba ang gagawin ko. Masyado po akong naguguluhan sa mga nangyayari kaya inisip ko na lang po na tumakas," simula ko.

"Inisip ko po na baka kapag umalis ako; kapag tinalikuran ko ang tadhana ko bilang Tagahawak ng libro ay magbabago ang pipiliin; baka mapunta sa mas karapat-dapat. Sa pag-alis ko po ay napunta ako sa isang lugar na bumuo ulit sa akin. Sa mga lumipas na araw na ako ay nandoon naging masaya at payapa ang aking isip at puso, ngunit hindi ako pinapatulog ng paulit-ulit na bangungot. Pakiramdam ko nakalayo nga ako, malayo sa libro at sa lahat ngunit hindi ko lubos na matatakasan ang aking tadhana. Ilan ang kumausap at nabigay liwanag sa aking madilim at magulong isipan. Sa mata ko at ng ilan ay hindi nga ako karapat-dapat ngunit ang tadhana ay ang siyang pumili sa akin at hindi ko siya magagawang takasan."

Habang nagsasalita ako para magpaliwanag kay Guro ay nagbabalik sa aking isipan ang mga naging araw ko sa Bayan ng Nebel 'yung mga bilin at aral na ibinigay sa akin ng mga tao roon. Sila ang nagbukas ng mata ko, sila ang nag-abot sa akin ng lampara para bigyang liwanag ang aking paligid na unti-unting nilalamon ng kalituhan.

ANDRESSWhere stories live. Discover now