Andress 60 | Lihim na Pagpasok

217 15 7
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Lihim na Pagpasok ||


Tahimik at walang imik ang bawat isa sa amin habang kami'y nakatanaw sa Bayan ng Bullis mula rito sa itaas ng bundok malapit sa naturang bayan. Ang dating sagana at buhay na bayan na madalas dayuhin ng mga mangangalakal ay nababalot na ngayon ng dilim at nakabibinging katahimikan. Tila ang buong bayan na dating puno ng buhay at kasaganaan ay iniwan na ng buhay.

Sandaling tinapunan ko ng tingin si Evan na nasa 'di kalayuan. Tulad namin ay tahimik din itong nakatanaw sa bayan- sa bayang kanyang pinagmulan.

Hindi ko maiwasang makaramdam ng awa at lungkot para sa kanya. Kitang-kita ko sa mata niya ang magkakahalong emosyon na pinipigilan niya. Tahimik na tao si Evan ngunit ang mata niya ay hindi maitatago ang tunay niyang nararamdaman. Alam kong nangingibabaw sa mga iyon ang kagustuhan at pagnanais niyang mabawi ang kanilang bayan kaya't sa abot ng aming makakaya, susubukan namin itong bawiin mula sa kamay ng mga kaaway.

Ang katahimikan at atensyon ng lahat na nasa bayan lamang ay naputol nang may sumulpot na liwanag. Mula sa liwanag ay humakbang palabas si Kuya Rigor at naglakad palapit sa amin.

"Nailagay ko na sa posisyon sila Ginoong Ludamus, ganu'n rin ang mga Bandido," ulat niya pagkalapit sa amin. Lumapit na rin ang lahat upang makinig.

"Sila Kuya Matias, Gadriel, at Kelyon?" tanong ko.

"Naka-posisyon na rin sila."

Tumango at nagpagsalamat sa kanya saka ako lumapit kanila Asia, Ava, at Luwayen. Ang dalawang babae ang sumalubong sa akin.

"Anong balita?" tanong ni Asia. Silang tatlo kasi ang nakahiwalay at hindi lumapit sa amin kanina.

"Hinihintay na lang natin ang paglubog ng araw," sagot ko bago bumaling kay Luwayen na nasa kanilang likuran. Kasalukuyan itong nakapikit at nakaupo sa gitna ng nagliliwanag na Sirkulo.

"Hindi pa rin ba handa si Luwayen?" tanong ko habang pinagmamasdan namin siya.

"Ilang sandali na lang ay matatapos na siya sa pagkonekta sa mga Espiritu sa paligid. Hintayin na lamang natin," si Ava ang sumagot.

Ang ginagawa kasi ngayon ni Luwayen na pakiki-isa sa mga Espiritu sa paligid ay bahagi ng plano at napakahalaga nito para sa ikatatagumpay namin.

Kung tutuusin, madali lamang para sa akin na sakupin ang buong bayan gamit ang aking kapangyarihan upang makakuha ng impormasyon. At sa isang pitik lang naman ni Kuya Rigor, maaari niyang maidadala kami kaagad sa loob at mailalabas. Kung ganu'n lang sana kadali ay mabilis namin itong magagawa at matatapos kaagad ngunit hindi, kailangan naming maging maingat at masusing sumunod sa plano dahil alam namin na hindi basta-basta ang bayan na papasukin namin, maaaring may patibong sa loob. Tulad ng sabi ni Guro, kung handa kaming sumugod malamang ay mas handa rin ang mga kalaban sa mga maaaring sumugod.

Habang naghihintay kay Luwayen ay pumikit muna ako at gisingin ang aking kapangyarihan. Binuksan ko ang isa sa kakayahan ko na palawakin ang aking kamalayan at hinanap ang mga diwa nila Ginoong Ludamus, Adelos at ni Gadriel. Hindi na ito mahirap sa akin kahit pa malayo ang distansya, patunay lang ito nang patuloy na paglakas at bunga ng aking mga paghihirap sa pagsasanay.

"Si Andress ito, kamusta ang paligid ninyo?" tanong ko sa kanila nang mai-ugnay ko ang aking kamalayan sa kanilang tatlo.

Unang sumagot si Ginoong Ludamus, "Wala akong maramdamang kakaiba sa paligid. Kanina ay inutusan ko rin ang ilan sa mga kasamahan ko na suyurin ang paligid, sa ngayon ay wala namang mga nakakalat na kalaban dito sa lugar namin."

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon