Andress 75 | Ang Makasaysayang Pagtitipon

140 11 13
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Makasaysayang Pagtitipon ||

Abala ang lahat sa baba dahil sa malaking kaganapan na mangyayari ilang sandali lamang. Ang lahat ay nakabihis ayon sa kanilang nais at makikita ang galak sa mukha ng lahat. Kaiba sa akin, hindi na mawala ang kaba ko mula pa kanina nang magising ako.

"Andress, dinalhan na kita ng pagkain, hindi ka pa kasi bumababa mula pa kanina," ani Asia bitbit ang isang plato na naglalaman ng pagkain. Inilapag niya ito sa mesa malapit lang sa bintana at sa aking higaan bago tumabi sa akin.

"Hindi ko na kailangan tanungin kung bakit ka hindi bumaba. Kinakabahan ka."

Isang malalim na paghinga ang aking pinakawalan upang maibsan kahit papaano ang kaba na aking nararamdaman.

"Asia, hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangan pang idaos ang pagpapasa ng libro sa akin sa isang napakalaking pagtitipon. Kinakabahan ako dahil napakaraming tao ang dadalo," sabi ko na hindi mapigilang mapangiwi sa kaba. Natawa naman si Asia at bahagya pa akong siniko.

"Ikaw talaga napaka-mahiyain mo, hindi ka na nagbago," aniya matapos akong sikuhin. "Alam mo naman kung para saan ang idaraos na pagtitipon, 'di ba? Hindi lang ito para sa pagpapakilala sa'yo bilang bagong Tagahawak kundi upang pormal na itatag ang pag-iisa ng bawat bayan at baryo sa buong Istenföld."

Oo, ngayong araw gaganapin ang pagpapasa ni Guro ng libro sa akin at ang pormal na pagpapakilala sa akin bilang bagong Tagahawa, ngunit hindi ko inaasahan na sa sobrang laking pagtitipon pala ito. Hindi ko alam na kahapon pala, bago kami punta ni Guro sa sagradong kweba kung nasaan nakatago ang itim na rebulto ni Morgana ay nagtungo na ito sa Bayan ng Nebel upang kausapin si Pinunong Keba'an patungkol sa pagpapasa na mangyayari kaya napagkasunduan nila— sa suhestiyon na rin ng mga ibang pinuno— na sa Bayan ng Nebel na kunin ang pagkakataon upang pormal na itatag ang Union ng bawat bayan at baryo sa buong Istenföld, isasabay nila ang pag-iisang iyon sa pagpapasa sa akin upang mas patibayin ang samahan ng bawat bayan at baryo at upang bigyan ng pag-asa ang lahat sa pagpapakilala sa akin.

Kaya nga ngayon ay hindi ko maiwasang makaramdam ng labis na kaba dahil hindi lang ibang tao ang mga dadalo kundi mga pinuno ng bawat bayan at baryo kasama na ang ilang mga nakaupong namumuno sa ilalim nila. Ang pinuno nga ng Bayan ng Mórdom ay inimbitahan din ni Guro lalo pa't mabuting kaibigan pala niya ito.

Isang mahinang pagtapik sa aking braso ang humila sa aking atensyon, sa lalim ng pag-iisip at kabang nararamdaman ko ay nakalimutan ko na nandito nga pala si Asia sa tabi ko.

"'Wag kang masyadong kabahan. O sige, ganito na lang, isipin mo na lang na ang gaganaping pagtitipon ay maisusulat sa kasaysayan bilang pinakamalaki at mahalagang pagtitipon, 'yun ay dahil sa'yo. Ikaw ang dahilan ng pagtitipon at ng pormal na pagtatatag ng Union," nakangiti niyang sabi na tila nananaginip pa ng gising sa pagkasabik. Napangiwi na lamang ako at mas lalong kinabahan.

"Parang hindi nakatulong ang sinabi mo, Asia," sabi ko naman na nagpangiwi rin sa kanya.

Gumawi sa pagkain na dala ni Asia ang aking tingin, napahawak ako sa aking sikmura dahil kanina pa nga rin ako nagugutom. Ngunit ewan ko ba, bigla na lang pumasok sa isip ko si Enthon habang tinitignan ko ang pagkain.

ANDRESSWhere stories live. Discover now