Andress 43 | Ang Lihim na Bayan sa Ilalim ng Bundok

85 9 12
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Lihim na Bayan sa Ilalim ng Bundok ||


Magkasabay na lumapit sa amin sina Lola Gana at Manong Gaper. Si Lola, pumagitna sa amin ng babae samantalang si Manong ay nasa likuran lang ni Lola.

"Apo, ipinapakilala ko sa'yo si Binibining Kae'an— anak ng pinuno ng bayang ito," pagpapakilala sa kaniya ni Lola. Bumaling siya sunod sa dalaga. "At siya naman si Andress, ang aking apo na madalas kong ikinukuwento."

Nakangiti siyang kumaway sa akin at inilahad ang kaniyang kamay. "Ikinagagalak kitang makilala sa wakas, Andress."

Tipid na ngumiti rin ako bago tinanggap ang kaniyang kamay. Hindi ko mailayo ang aking mga mata sa kaniya, hindi dahil sa maganda siyang tunay na may morenang kutis at itim na itim na buhok kundi dahil sa pakiramdam na parang nakita ko na siya.

At nasagot nga ang katanungan sa aking isipan nang sumingit si Manong Gaper at nagsalita.

"Siya at ang kanyang nakatatandang kapatid ang nagligtas sa inyo, Andress. Sila ang nagdala sa inyo rito."

Nang marinig ko 'yun ay biglang bumalik sa aking ala-ala ang pader na tubig at ang taong nakatayo sa ibabaw nito, maging ang pagkalat ng hamog sa paligid bago ako nawalan ng malay.

"I-ikaw 'yung nagmanipula ng tubig sa ilog?!" mangha kong turo sa kaniya. Medyo nahiya lang ako nang tawanan niya ako kaya ibinaba ko kaagad ang aking kamay.

"Oo, ako nga," tugon niya. Natunganga ako sa kanyang sinagot. Kung ganu'n ay isa siyang malakas na Biniyayaan.

"Kung gano'n ay napakalaki ng utang na loob ko- namin, sa iyo; sa inyo ng kapatid mo. Maraming-maraming salamat, Binibining Kae'an," taos puso kong pasasalamat. Yumuko rin ako ng bahagya ngunit kaagad niya akong hinila upang tumayo ng maayos.

"Naku! Wala 'yun at kung maaari ay huwag kang yuyuko sa akin," nakangiwi niyang sabi. "Hindi ko mabatid ngunit pakiramdam ko'y hindi ako karapat-dapat yukuan ng isang tulad mo. At kung maaari ay Kae'an na lang itawag mo sa akin, alisin mo na ang Binibini. Gusto ko na maging magkaibigan tayo."

Nagsalubong ang aking mga kilay sa kaniyang winika. Hindi ko rin siya maintindihan kaya hindi na lang ako umimik at alanganing tumango na lamang.

Laking pasasalamat ko na lamang kay Lola Gana nang magsalita siya, dahil doon ay naputol ang pagkailang na aking nararamdaman.

"Marami kayong oras upang makapagkwentuhan ngunit sa ngayon, kailangan na muna nating magpatuloy dahil baka naghihintay na ang iyong ama, Kae'an," ani Lola. Tila natauhan naman ang dalaga.

"Hala! Oo nga pala, nakalimutan ko! Tara na po at baka umuusok na ang ilong ni Kuya. Mamaya niyan ay mapuno ng hamog ang paligid," ang kanyang sabi na sinundan ng pagtawa. Maging sina Lola at Manong ay natawa rin. Hindi ko naman alam kung ano o sino ang pinatutukuyan ng biro niya kaya hindi ko magawang tumawa tulad nila.

"Tayo na!" Nauna na siyang lumakad kaya sumunod na lang kami sa kaniya. Parang si Asia lang din itong si Kae'an ngunit higit naman siyang mas maligalig at madaldal kesa kay Asia.

Habang naglalakad kami ay hindi ko alam kung saan ko ipapaling ang aking ulo. Sobra akong namamangha sa paligid. Hindi ako makapaniwala na ang bayan na ito ay nasa loob ng lang ng isang bundok. Kakaiba ang liwanag sa paligid, parang umaga lang ngunit iba't-ibang kulay ng liwanag ang makikita.

Ang mga kabahayan ay maayos na nakahanay at may pagkakapareho ng istraktura, gawa sa pinaghalong bato at pinatigas na luwad. May mga napapansin rin akong mga kalat na kristal sa paligid na nagliliwanag. Kahit saan ako tumingin ay meron. Sa lupa man, sa pader ng kweba at maging sa itaas na nagbibigay ng nakakamanghang liwanag sa paligid. Ang mga nagliliwanag na mga kristal na iyon ang nagbibigay liwanag.

ANDRESSWhere stories live. Discover now