Andress 13 | Bayan ng Mórdom

503 36 28
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Bayan ng Mórdom ||

Takbong walang tigil ang aking ginawa makalayo lamang sa humahabol sa akin. Nangangatog na ang aking mga pagod na binti at tagaktak na ang aking pawis katulad ng aking mga mata na walang tigil na rin sa pagluha.

Sandaling tumigil ako para punasan ang aking mga matang puno na ng luha at hinarap ang direksyon na aking tinatakbuhan.

Sinubukan kong gamitin ang aking kapangyarihan. Nagawa kong palawakin ang sakop ng aking diwa ngunit bigla na lamang may gumuhit na matinding kirot sa aking sintido kaya't itinigil ko na lamang ito.

Napahawak ako sa puno ng agoho na malapit sa'kin upang suportahan ang aking sarili. Walang ibang taong mahihingan ng tulong sa paligid. Sobrang dilim ng gubat at wala ni isang liwanag mula sa bilog na buwan ang tumatagos sa mga nagtataasang punongkahoy sa kagubatan na ito kung nasaan ako.

Nakakapangilabot.

Ang lamig na hatid ng gabi at ang makakapal na hamog na kalat sa paligid ang isa pa sa naging problema ko. Ang ingay na maririnig lamang sa paligid ay ingay na likha ng mga uwak na ang hatid naman sa aki'y matinding kilabot.

Sa aming baryo, pinaniniwalaan na ang mga itim na ibon o ang mga uwak ay Mensahero ni Kamatayan. Ang kanilang pag-awit ay nangangahulugan ng kapahamakan banta mula kay Kamatayan.

Ang isa ay kakila-kilabot na, ano pa kaya ang sandamakmak na bilang nila na umaawit ngayon?

Muli, ipinagpatuloy ko ang walang katiyakang paglalakad sa masukal at madilim na kagubatan upang hanapin ang daan palabas.

Hindi ko nga alam kung paano ako napunta rito at kung nasaan ba ako. Basta ang tanging natatandaan ko lamang ay may mga anino na humahabol sa'kin nang imulat ko ang aking mga mata.

Nakakakilabot sila!

Habang naglalakad ako ay nakakita ako ng isang nakatayo sa 'di kalayuan. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang mapunta ako rito, ngayon lamang ako nakakita ng isang tao liban sa mga anino na humahabol sa akin kaya't gano'n na lamang ang galak na aking nararamdaman.

Sa wakas, may mahihingan na rin ako ng tulong.

"M-Manong, mawalang galang na po." Lumapit ako sa kaniya upang kunin ang kaniyang atensyon.

"Hindi ko po alam kung nasaan ako at kung saan ang daan palabas. Pwede niyo po ba akong tulungan? Nais ko lamang pong malaman kung saan ang daan palabas."

Nahinto siya sa kanyang ginagawa at mabilis na humarap sa'kin. Sa pagkakataong iyon, ako naman ang nahinto at ang lahat ng lakas at pag-asa na ako'y may mahihingan na ng tulong ay sing bilis ng pilantik ng daliri na naglaho. 

Napa-upo ako sa lupa at napatakip ng aking bibig. Sa malayo, pag-aakalain mo na siya'y isang normal na tao lamang ngunit ngayon na nakaharap siya sa akin, parang pinagsisihan ko na lumapit dahil hindi siya isang tao kundi halimaw.

Wangis tao siya, buo ang katawan ngunit walang s'yang mga mata at matatalas ang kaniyang mga ngipin na may bahid ng dugo tulad ng kaniyang bibig. Doon ko lang napagtanto kung bakit gano'n ang kaniyang bibig, iyon ay dahil sa isang putol na braso na kaniyang kinakain. Parang umikot ang aking sikmura at nanlamig sa aking nakita.

ANDRESSWhere stories live. Discover now