Andress 50 | Ang Puting Harang

267 17 21
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Puting Harang ||


Ilang sibat na nilikha mula sa aking liwanag ang aking binuo at walang pag-aalinlangang pinaulan kay Ashnev. Ngunit gamit ang kanyang patalim at bilis na kanyang taglay, mabilis lang niyang nababasag ang mga ito at nadepensahan ang kanyang sarili.

"'Yun na ba 'yun!? Mahina!" sigaw niya matapos ubusin ang aking mga sibat. Akmang lilikha akong muli nang bigla siyang sumulpot sa aking likuran at inundayan ako ng malakas at magkasunod na tadyak.

"Ahhh!"

Malakas na bumagsak ang aking katawan sa lupa, sa lakas nito ay naglikha ito ng maliit na bitak. Tulad kanina ay hindi naman ako masyadong nakaramdam ng sakit dahil balot din ako ng proteksyon mula sa aking liwanag ngunit nakakapanghina ang epekto nito sa akin at nakakahilo.

"Walang kwenta! Hanggang ganu'n lang ba ang lakas mo?" ani Ashnev na lumapag sa aking tabi. Walang pasabi niyang inapakan ang aking ulo at idiniin sa lupa kung nasaan ako nakasadlak.

Nakadapa lamang ako at nakapaling sa direksyon kung nasaan ang aking katawan-lupa at si Enthon na kanina pa sumisigaw habang walang tigil na pumapana sa babaeng nakatapak sa aking ulo. Ngunit tulad ng ilang subok ay hindi niya magawang saktan ito dahil tumatagos lamang ang kanyang mga palaso.

"ANDRESS!" Itinigil ni Enthon ang kanyang ginagawa at dali-dali dinaluhan ang katawang-lupa kong nanginginig. Marahil nga na hindi ako nakararamdam ng gaanong sakit ngunit ang panghihina at mga tinatamo naman ng aking Astral na katawan ay sinasalo ngayon ng aking katawang-lupa.

Isang matalas na titig ang ibinato ni Enthon kay Ashnev, kitang-kita sa mata niya ang labis na galit.

"Layuan mo si Andress!" sigaw niya bago siya tumayo at sumugod kay Ashnev.

Binalot ng sandaling liwanag ang buo niyang katawan, nang maglaho ang liwanag ay suot na niyang muli ang baluti na bigay sa kanya mula sa Bayan ng Nebel.

Bilang alam na ni Ashnev ang kayang gawin ng baluti'ng suot ngayon ni Enthon, dali-dali siyang nag-anyong usok at lumayo sa akin. Paglapit ni Enthon ay lumuhod kaagad siya sa aking tabi at inalalayan ako.

Inalis niya ang suot niyang maskara upang mapagmasdan ako. "Bumalik ka na sa katawan mo at magpahinga. Ako na muna ang haharap sa kanya. Pinagbigyan na."

"H-hindi pwede. Hindi mo pa-"

"Kaya ko na. Kakayanin ko," putol niya sa akin. Walang pagbibiro sa kanyang mga mata at kapag ganito siya ay wala ng makakabali ng kanyang nanaisin.

"Malakas siya, Enthon. T-tutulong ako," subok ko pa ngunit sinamaan na niya ako ng tingin at marahas na itinayo.

"Pwede ba, 'wag na masyadong makulit, Andress! Mahusay siya sa malapitan at mano-manong laban, hindi ka bihasa roon kaya hayaan mo na ako. Isa pa'y napagbigyan na kita sa nais mo kanina, ako naman." Binuhat niya ako at maingat na itinabi sa aking katawang-lupa na tumigil na sa pangingisay.

"Bumalik ka na sa katawan mo at magpahinga. Huwag ng matigas ang ulo kung ayaw mong makatikim pa sa akin, Andress," banta pa niya na sinabayan pa ng masamang tingin.

At dahil alam kong ako lang din naman ang matatalo sa huli ay wala na rin akong nagawa kundi ang tumalima. Hindi man ako sang-ayon ay hindi na rin ako nagreklamo.

"Magpapahinga lang ako, mag-ingat ka." bilin ko na lang sa kanya. Sumilay na rin ang ngiti sa labi niya, marahil ay dahil hindi na ako nagmatigas pa.

"Syempre naman, ako yata ito, si Enthon na Pulang Mandirigma ng Kanluran. Wala ka yatang bilib sa akin eh," ang medyo mayabang niyang wika bago siya tumayo.

ANDRESSDonde viven las historias. Descúbrelo ahora