Andress 102 | Kinatawan ng Pag-asa

103 13 29
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Kinatawan ng Pag-asa ||

Matapos ang ilang sandaling pananatiling nakahiga, nagpasya na rin akong bumangon lalo pa't naririnig ko na ang pagdaing ni Enthon na nagsisimula na ring bumangon matapos itong tumilapon.

Pinunasan ko ang mga luha sa magkabila kong pisngi at huminga ng malalim. Inalis ko na muna ang lahat ng aking isipin at nararamdaman, maari kasi itong makasagabal sa aking piniling pasya.

"Matigas ka, Tagahawak," wika ni Enthon na hinihilot ang kaniyang leeg. "Binigyan na kita ng pagkakataon ngunit sa ginawa mo, pinili mo na rin na maghukay ng sarili mong libingan!"

Nanatili lamang akong nakatitig sa kaniya, pinapanood ko ang bawat galaw nito hanggang sa muling humarap sa akin.

"Sigurado ka na ba sa iyong pasya, Andress? Ayaw mo na ba sa akin? Hindi mo na ba ako mahal? Handa ka na bang patayin ako?" mga tanong niya na sandaling nagpatigil yata ng pagtibok ng aking puso.

Sigurado ako sa aking pasya, handa akong isakripisyo ang pansarili kong kasiyahan at inaasam kapalit ng kaligtasan ng lahat.

Kung susundin ko ang aking puso, babagsak ang lahat ngunit kung susundin ko naman ang aking tungkulin... ako lamang ang babagsak— babagsak sa walang katapusang pangungulila.

Para naman sa tatlong katanungan niya— kung ayaw ko na ba sa kaniya? Kung hindi ko na ba siya mahal? Kung handa na ba akong patayin siya? Ang kasagutan ay hindi.  Hindi kailanman.

Huminga ako ng malalim at tumitig sa kaniyang mga mata.

"Hinding-hindi kita aayawan at susukuan. Hinding-hindi kailanman mawawala ang pagmamahal ko sa'yo rito sa aking puso at hinding-hindi kita magagawang patayin."

Nawala ang pagkakangisi nito at muling sumeryoso.

"Panghabambuhay kang nakatatak dito sa aking puso, Enthon at hindi na mawawala pa. Ngunit kung uunahin ko ang aking puso, mababalewala lamang ang mga sakripisyo at hirap ng lahat ng mga taong sumama sa aking paglalakbay at misyon at isa ka na roon, Enthon. Kaya kung kailangan kong isuko ngayon ang aking inaasam kapalit ng aking tungkulin, handa ako kahit na alam kong sa huli ay ako pa rin ang talo masiguro ko lang ang kaligtasan ng lahat."

Masakit sa akin ang pasya ngunit iyon ang tama. Kung si Enthon man ang aking tatanungin— ang totoong Enthon— ay alam kong ganito rin ang kaniyang nanaisin.

Muling binalot ng malakas na enerhiya ang buong katawan ni Enthon habang nakatitig ng napakatalas sa akin. Alam kong hindi nito nagustuhan ang mahabang litanya na aking winika.

"Kung iyan na pala ang iyong pasya ay ihanda mo na ang iyong sarili," seryosong wika nito sabay tutok ng sandatang lumabas sa kaniyang kamay.

"Kung hindi ka magiging isa sa amin, mas mabuti pang ibaon na lamang kita sa lupa!"

Inihanda ko ang aking sarili at muling humila ng lakas sa libro. Nang tumakbo si Enthon pasugod sa akin ay tumakbo na rin ako pasugod sa kaniya.

Lalabanan ko siya ngunit hindi ko siya magagawang papatayin.

"Itatarak ko sa katawan mo lahat ng sandatang meron ako! Kahit itong nasa loob ng aking salawal ay itatarak ko rin sa iyo! Papatayin muna kita sa sarap bago kita papatayin ng literal!" sigaw ni Enthon kasabay ng malakas na pagtawa.

May bahagi ng aking isipan na parang ang tunay na Enthon nga ang kaharap ko lalo na ang kapilyuhan nito. Ngunit kung pagmamasdan ko naman ang kaniyang mga ngiti at mata ay masasabi kong hindi na ito ang ngiti at mata ng taong minahal ko ng totoo.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon