Andress 40 | Ang Walang Hanggang Laban

291 23 39
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Walang Hanggang Laban ||


Ang huni ng mga ibon at tunog ng mga na-a-apakang sanga at tuyong dahon lamang ang tanging ingay na maririnig sa paligid pagka't wala ni isa sa aming dalawa ng aking kasama ang nagsasalita habang kami'y naglalakad.

Nakayuko lamang ako habang naglalakad sa bandang likuran ni Enthon, sapat lamang ang distansya sa aming dalawa at siya nga ang nauuna.

Kahit na ako ay nakayuko, ilang beses ko pa rin itong nahuli na pasimpleng lumilingon at tumititig sa akin. Ngunit kapag titignan ko naman siya ay bigla na lang siyang iiwas ng tingin at sisipol na parang wala lang.

Napabuntonghininga na lamang ako at nagpasya na tumigil muna sa paglalakad at ganu'n din naman ang ginawa niya.

"Enthon." Sinalubong ko ang titig niya. "Bumalik ka na sa bayan. Mag-aalala si Guro at sila Asia sa iyo."

Ilang sandali siyang naging tahimik matapos akong magsalita, nakatitig lamang kami sa isa't-isa at tanging ang ingay ng gubat lamang pumapagitna sa amin. Maya-maya ay tumalikod ito at muling nagpatuloy sa paglalakad.

"Hindi ako babalik ng hindi ka kasama. Sasamahan kita kahit saan ka pa magpunta at hindi mo ako mapipigilan pa sa aking pasya," ang kanyang wika habang siya'y naglalakad palayo sa akin.

Habang pinagmamasdan ko siya muling nagbalik sa aking isipan ang aming naging pag-uusap kanina.

***

Matapos kumain ay nanatili lamang ako sa kinauupuan ko. Hindi ako makatingin sa kanya kahit na ang atensyon naman niya ay na kay Nelmi lang na kalaro niya ngayon.

"Oh? Tapos ka nang kumain, bakit ang tahimik mo pa?" tanong nito na alam kong para sa akin. Kinakausap niya rin kasi si Nelmi kanina pero sigurado akong para sa akin na ang tanong niyang iyon.

Nang tignan ko siya ay seryoso na itong nakatingin sa akin, tila naghihintay ng aking sasabihin ngunit parang ayaw naman bumuka ng aking bibig. Hindi ko mahanap ang aking boses, ako'y parang naputulan ng dila at hindi makapagsalita. Sa huli ay yumuko na lang ako para umiwas sa mga titig niya.

"Kung wala kang sasabihin, ako meron," aniya bago ko narinig ang kanyang malalim na paghinga.

"Noong isang gabi, alam kong binisita mo ako," panimula niya na umagaw ng aking atensyon kaya't mabilis akong napatitig sa kanya.

"Hindi ako mahina para hindi maramdaman ang presensya mo, Andress. Nagpapahinga lamang ako sa aking silid matapos akong hatiran ng tubig ni Asia nang maramdaman ko ang biglang pagsulpot ng pamilyar na presensya at oo, alam kong sa'yo iyon. Nang maramdaman ko ang presensya mo ay nagpanggap akong tulog dahil alam kong bibisitahin mo ako. Balak ko lang sanang lokohin at gulatin ka ngunit hindi 'yun ang nangyari."

Para akong nakalunok ng bato sa mga narinig ko. Kung tunay na gising siya noong mga oras na 'yun, ibig sabihin ay-

"Narinig ko lahat ng sinabi mo- lahat, mula simula hanggang dulo," kumpirma niya sa aking hinala saka ito tumanaw sa malayo.

"Kahit minsan hindi sumagi sa aking isipan na isisi sa'yo ang lahat ng nangyari. Hindi sumagi sa aking isipan na sisihin ka dahil alam ko sa sarili ko na wala kang kasalanan at 'yun ang totoo. Kahit na ilang beses kang malagay sa panganib handa pa rin akong sumaklolo sa'yo kahit na ano pa ang mangyari. Noong mga oras na inaakala mong tulog ako, gustong-gusto ko nang bumangon para batukan ka sa mga iniisip at mga pinagsasabi mo."

ANDRESSWhere stories live. Discover now