Andress 63 | Ikalawang Plano: Pagbawi

140 15 12
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ikalawang Plano: Pagbawi ||

"ANDRESS!"

Kasabay ng malakas na pagtawag sa akin ni Luwayen ay pagsugod na ng mga halimaw sa amin. Dala ng kaba at pagkabigla ay naikumpas ko ang dalawang kamay ko at nagpakawala ng malakas na pwersa. Sa sobrang lakas ng aking napakawalan ay nasira ang bahagi ng bahay kung nasaan sila.

Nahulog at tumilapon sila sa labas ng bahay, parang wala lang sa kanila ang pagkakahulog mula sa ikalawang palapag. Mabilis silang tumayo mula sa pagkakasadlak at sabay-sabay na tinubuan ng mga itim na pakpak na kawangis ng sa paniki. Lumipad ang mga ito at nagtungo sa iisang direksyon.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakikita. Sumisikip ang aking dibdib habang pinagmamasdan ang mga ordinaryong tao— mga walang kalaban-laban na ginawa nilang mga halimaw.

"Andress, kailangan na nila tayo sa baba," muling tawag ni Luwayen sa akin. Hindi pa rin ako makapagsalita dala ng gulat, galit at takot. Halo-halo na ito at para na akong nalulunod.

Isang malakas na pagyanig at pagsabog muli ang naganap. Napakapit kami ni Luwayen sa dingding ng bahay, pakiramdam ko ay guguho na rin ito dahil na rin sa sira na naidulot ko kanina.

"Tayo na!" tawag ko na kay Luwayen at sabay naming tinakbo ang daan palabas.

Paglabas nga namin ay naabutan pa namin sila Adelos na abala sa pakikipaglaban. Higit sampung mga naka-itim na manto ang kalaban nila at hindi maipagkakaila na malalakas ang mga ito at may mga taglay na kakayahan.

May dalawang pinagtutulungan na ang isa sa kasamahan ni Adelos na gumagamit ng espadang nagliliyab sa asul na apoy. Pinakatitigan ko ang mga ito at itinaas ang aking mga kamay. Binalot sila ng sandaling liwanag at nang maglaho 'yun ay hindi na sila nakagalaw pa.

Kinuha naman ng Bandidong 'yun ang pagkakataon, gamit ang espada niyang balot sa asul na apoy ay winasiwas niya ito sa dalawa. Matapos niyang mapabagsak ang dalawa ay tinulungan na niya ang iba pa niyang kasama.

Sumumpa ako na walang maiiwan rito— walang mababawas sa amin. Kahit na alam kong imposible dahil sa kami ay nasa isang matinding labanan, gagawin ko pa rin ang lahat mailigtas lang ang lahat at walang mamatay sa kanila.

"Andress!" boses ni Luwayen ang aking narinig. Tinapos ko muna ang pakikipaglaban sa kaharap ko na nagiging ahas ang mga kamay bago ko siya hinarap.

Takot siya. 'Yun ang unang nakita ko sa kanya. May mga gasgas at sugat na rin siya dahil sa pakikipaglaban. Mabilis akong lumapit sa kanya dahil halos hindi na siya makalakad.

"Anong problema?" puno ng pag-aalalang tanong ko sa kanya. Hindi siya nagsalita sa halip ay may itinuro ito.

Parang hinampas ng mabigat at matigas na bagay ang aking dibdib. Mula sa kinatatayuan namin, kahit na madilim ay kitang-kita ang isang malakas na itim na enerhiya na pumapailalang sa madilim na kalangitan.

"N-nakakaramdam ako ng hindi maganda. D-delikado na tayo." Sa haba ng kanyang pananahimik, ang mga binitiwan niyang salita ang gumising sa akin.

Isang mabilis na alaala ang nagbalik sa aking isipan— 'yung bangungot ko bago kami nagtungo rito. Isang malaking itim na bato na naglalabas ng malakas at nakakakilabot na enerhiya. Nangyayari na.

"W-walang mangyayari. Magiging ayos ang lahat." Sa ganitong sitwasyon namin ay mahirap na paniwalaan ang aking binitiwan pero tulad nga ng dala namin, kailangan namin magtiwala.

"Alam ko kung saan nagmumula ang malakas na pwersang iyan," paglalahad ko habang tinitignan ito.

"Sige na, Andress. Kami na ang bahala rito!" sigaw na narinig ko kay Adelos. Apat na naka-itim na manto ang nakaluhod sa harapan nya at nakatulala. Nasa ilalim sila ng kaniyang ilusyon.

ANDRESSWhere stories live. Discover now