Andress 106 | Huling Panaginip

82 11 29
                                    


Malakas na ang buhos ng ulan at ang bagwis ng mabalasik na hangin. Basang-basa na rin ako at nanunuot na rin ang matinding lamig na nagpapanginig sa aking katawan.

Hindi ko alam kung nasaan na ako, bukod kasi sa napakadilim ng kapaligiran ay nanlalabo na rin ang aking paningin. Walang ibang nagbibigay liwanag sa kapaligiran kundi ang sandaling pagguhit lamang ng kidlat mula sa nagwawalang kalangitan.

Ilang beses na akong natumba at gumulong sa putikan ngunit makailang beses muling pinipilit na bumangon. Gustuhin man ng aking katawan na tila kandilang nauupos na magpahinga, hindi naman sumasang-ayon ang aking isipan.

Alam kong nakasunod lang sila sa akin at kung titigil ako ay tiyak na magtatagumpay na sila. Upang maiwasan ito, ang tanging kailangan ko lang gawin ay tumakas at ilayo ang bagay na hawak ko na kanilang nais—

ang libro.

📖 ANDRESS 📖

|| Huling Panaginip ||

Tapik sa aking balikat ang pumutol sa aking malalim na pag-iisip at gumising sa aking nalulunod na diwa.

"Kakain na raw tayo," wika ni Ama. "Kanina pa kita tinatawag pero hindi mo ako nililingon. Ayos ka lang ba?"

Huminga ako ng malalim at sandaling itinago ang pagkabahala na aking nararamdaman mula pa noong mga nakaraang araw bago ako humarap sa kaniya.

"Ayos lang po, Ama. May iniisip lang po ako," sagot ko ng may ngiti upang ikubli ang tunay kong nararamdaman.

"Iniisip mo na naman ba 'yung paglalakbay mo? Eh noong nakaraang linggo ka pa naman nakapaghanda, 'di ba? Ano pa ang iniisip mo?" mga tanong ni Ama na sinagot ko muna ng ngiti. Muli akong tumanaw sa ilog na siyang humahati sa Bayan ng Nebel na kitang-kita mula rito sa itaas ng palapag na bubungan ng bahay nila Lola Gana.

"Wala naman, Ama. Iniisip ko lang kung ano ang mangyayari kapag nagkaharap kami muli ni Enthon," sagot ko.

Hindi man talaga iyon ang iniisip ko kanina at noong mga nakaraang araw pa pero may parte pa rin naman na iniisip ko rin ang bagay na ito.

Tumabi sa akin si Ama at tumanaw din sa ilog na tinatanaw ko. Inilapit niya ang kaniyang katawan at isinandal ako sa kaniyang dibdib.

"Oh? Ano bang balak mo kapag nagkaharap na kayo?" tanong niya.

"Babawiin siya, Ama," sagot ko bago isinandal ang aking ulo sa kaniyang dibdib. "Gagawin ko ang pinangako ko sa kaniya noon pa na babawiin ko siya. Dalawang taon na nga ang napalipas ko eh, kaya kailangan ko nang tuparin ang pinangako ko kasi baka mainis na siya at sigawan na ako ng 'engot'."

Natawa naman si Ama sa aking sinabi. Ginulo niya ang medyo mahaba kong buhok bago muling umakbay sa'kin.

"Malamang nga ay ganu'n ang sabihin ni Enthon. Eh, ang tagal mo kasing gumising, anak!" biro rin ni Ama dahilan para kami ay magtawanan.

"Natulog ka ng labing-pito ka tapos gigising ka na lang na labing-siyam ka na. Aba! Baka si Enthon ay nasa dalawampu't isa na, baka mas lalo na ring naging ginoo at makisig ang binatang iyon. Kaya bukod sa pagharap sa kaniya ay paghandaan mo rin iyang puso mo dahil baka kapag nakita mo siya, mahimatay ka at makatulog ulit ng matagal kapag nakita mo na ang pasaway na binatang iyon," dagdag pa ni Ama.

Napahimas na lamang ako sa aking batok sa mga halakhak ni Ama.

"Si Ama naman," tanging nasabi ko na lamang.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon