Andress 24 | Pagbubuklod ng Diwa • Gabi ng Lagim

387 26 15
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Pagbubuklod ng Diwa • Gabi ng Lagim ||

Tahimik kaming nakamasid mula sa madilim na sulok ng kagubatan, mula rito ay tanaw namin ang madilim na malaking bahay na bato na siyang base ng mga Bandido. Wala na ang liwanag na kanina ay makikita lang mula sa mga bintana. Mukhang nagpapahinga na ang lahat.

"Andress." Isang pagtapik sa aking balikat ang sinundan ng pagtawag sa akin. Nilingon ko si Enthon na nasa kaliwa ko lang.


"Oras na."

Huminga muna ako ng malalim, pinapakalma ko ang aking sarili na binabagabag na ng tensyon ngayon. Matapos ang ilang sandali ay muli akong tumingin sa kanya at sa mga kasamahan namin na nag-aantay na lang ng tamang pagkakataon upang kumilos.

"Handa na ako. Gawin na natin ito," sa aking winika ay isa-isa silang nagsitayuan upang maghanda na.

Tumitig kaming lahat kay Kuya Rigor na nakatunghod na sa damuhan at nakapikit. Kita sa mukha niya ang malalim na konsentrasyon hanggang sa isa-isang nagliwanag ang mga kasamahan namin na nakagrupo-grupo na.

"Hintayin niyo ang hudyat namin bago kayo sumugod. Gawin lang natin ang nasa plano at magtatagumpay tayo," bilin ni Enthon sa tatlong grupo na nakatayo na sa nagliliwanag na sirkulo na gawa ng kapangyarihan ni Kuya Rigor.

Matatag silang humarap sa amin at tumango patunay na nauunawaan nila ang mga bilin ni Enthon.

"Mag-iingat kayong lahat. Maging alerto kayo sa paligid niyo at bantayan ang likod ng bawat isa," huling bilin ni Enthon bago sila naglaho kasabay ng liwanag.

"Nailipat ko na sila sa mga nakatalagang pwesto nila," ani Kuya Rigor na nakatayo na. Makikitaan ng pagod ang mukha noya ngunit matikas pa rin itong tumindig.

Nakakamangha talaga ang kaniyang taglay na kapangyarihan.

Mula sa kanya ay natuon naman sa akin ang atensyon ng lahat ng naiwan. Alam ko ang bawat tumatakbo sa kanilang isipan kahit hindi ko ito basahin kaya naman naupo na ako at hinanda na rin ang aking sarili.

"Ikaw na ang bahala, Andress," sabi ni Enthon, nasa tabi siya ni Kuya Rigor at ng isa pa nilang ka-grupo na babae. Sunod siyang bumaling kanila Gadriel at Asia na nanatili naman sa aking tabi.

"Kayo na ang bahala sa kanya. Kung magkaroon man ng problema, humingi lang kayo ng tulong, darating kaagad ako. Gadriel, ikaw ang aasahan ko rito," pakiusap niya sa dalawang kaibigan.

"'Wag kang mag-alala, ako nang bahala sa kanila. Mag-ingat din kayo," tugon naman ni Gadriel na sinagot na lang ng pagtango at tapik ni Enthon sa kaniyang balikat.

Dumistansya sila Enthon sa amin, maya-maya ay binalot na sila ng liwanag mula kay Kuya Rigor at ilang sandali pa nga ay naglaho na sila sa aming paningin.

Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa pagitan naming tatlo nila Asia at Gadriel na tanging naiwan. Ang lahat ay seryoso para sa misyon na ito.

"Andress," untag sa'kin ni Asia.

Lumuhod ito sa aking harapan upang mapantayan ako saka ako hinawakan sa magkabilang balikat. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang labis na pag-aalala para sa mga posibleng mangyari.

ANDRESSWo Geschichten leben. Entdecke jetzt