Andress 95 | Tunay na Misyon

81 11 11
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Tunay na Misyon ||


Mabilis lang na dumaan ang bawat araw ng hindi ko namamalayan, masyado kasi akong naging abala sa pagsasanay at paghahanda sa gagawin kong misyon ng mag-isa.

Sa mga nagdaang araw din na iyon ay mas nagiging mabuti na ang kalagayan ng lahat, wala na akong masyadong nakikitang lumuluha sa tuwing bumabati kaming lahat sa uma [urn] ni Guro sa umaga o kaya ay kapag nag-aalay kami ng panalangin sa gabi bago matulog.

Ang mga nakagawian na naming iyon ay araw-araw na naming ginagawa bilang respeto at pag-alala sa kanya, gayunpaman, may mga gabi naman na nagigising pa rin ako sa kalagitnaan ng paghimbing na umiiyak.

Kahit na inaabala ko na ang sarili ko sa pagsasanay at pagtulong sa Santuario at sa ibang bayan na nagpapatawag sa akin ay hindi ko pa rin naiiwasang maluha kapag naaalala ko sina Guro at Enthon.

At ngayon nga, habang ako'y nagpapahinga matapos ang maghapong walang humpay na pagsasanay, payapa na lamang akong nakaupo habang nakatanaw sa kalangitan na pinipintahan na ng liwanag ng takipsilim. May hatid na magkahalong kaginhawahan at kalungkutan ang tanawin ngayon na aking natatanaw mula rito sa itaas ng bundok.

Sa aming baryo, ang takipsilim ay nangangahulugan ng pagpapaalam kaya't bilang lumaki ako sa paniniwala ng aming baryo ay nadala ko pa rin ito.

Sa katunayan, wala rin namang pagkakaiba ang paniniwala ng aming baryo sa kasalukuyang nararamdaman ko dahil ito ay pareho lamang. Sa linggo na nagdaan ay ngayon ko lamang napagmasdan ng ganito katagal ang palubog ng araw. Hindi sa iniiwasan ko ito, sabihin na lang natin na may ibinabalik lang kasi itong emosyon na pilit kong tinatakasan.

'Kalungkutan at pangungulila'

Nang maramdaman ko ang nagbabadyang luha na papatak na naman sana sa aking mga mata ay nagpasya na akong tumayo at bumalik na sa Santuario. Nangako ako sa sarili ko na hindi na ako iiyak; na wala na akong luha na masasayang at pipilitin kong ibabangon ang aking sarili. Iyon nga ang dahilan kaya't madalas ang pagtungo ko sa bundok ng mag-isa.

Ganap nang kalat ang dilim nang ako'y makarating sa Santuario, bumati kaagad sa akin ang ilang na nasa labas at ganu'n din ang mga nasa loob. Paakyat na nga sana ako sa itaas upang maligo at makapagbihis nang tawagin ako ni Asia na nasa kusina.

"Halika rito sandali," aniya kaya't agad akong tumalima at lumapit sa kanya.

"Bakit? May kailangan ka ba?"

Hinila niya ang aking kamay at pinaupo sa upuang hinila niya. "Maupo ka sandali at may pag-uusapan lang tayo."

Iniwan niya muna ako sandali upang pagtuunan ng pansin ang niluluto niya. Nang pumasok na rin sa kusina si Raquel ay sa kanya na pinasa ni Asia ang niluluto upang makabalik na sa akin.

Dalawang baso na naglalaman ng katas ng prutas ang dala niya, isa roon ang inalok niya sa akin bago siya naupo sa upuang kaharap lamang ng akin.

"Asia, ano ba ang nais mong-"

"Aalis ka mamaya, tama ba?" dagli niyang tanong na pumutol sa aking pagsasalita. Masyadong seryoso si Asia at masinsinan ito kung tumingin.

Si Asia 'yung tipo na kapag tinanong ka niya ay hindi mo magagawang makapagsinungaling dahil alam niya kung nagsasabi ka ba ng totoo o hindi.

Tumagal ang masinsinan at seryosong pagtitig niya sa akin, hindi ko na rin ito kinaya kaya yumuko na lamang ako sa baso na nasa aking harapan.

"Sinabi ni Kuya Saturno sa'yo," wika ko. Hindi ako nagtanong, malakas kasi ang pakiramdam ko na alam na rin niya at kay Kuya niya ito nalaman.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon