Andress 39 | Hamog • Pagsunod

259 20 40
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Hamog • Pagsunod ||


Kinaumagahan ay dumaan muna ako sa pamilihang bayan ng Mórdom. Sa pananatili ko rito at sa pagdadala ko ng mga gulay na aking tanim doon sa burol ay nakaipon din ako ng kaunting salapi kahit papaano. Ito ang ginagamit ko para ipangbili ng aking mga gamit at pangangailangan sa araw-araw.

Ngayon nga ay nandito ako at nag-iikot-ikot. Mamimili kasi ako ng mga gagamitin ko bago ako magpatuloy sa paglalakbay. Ang kasama ko lamang ay si Nelmi. Napakaraming tao ngayon dito dahil araw ng pamimili ngayon at maraming mga mangangalakal na galing pa sa labas ng bayan.

Sa pag-iikot-ikot ko ay nabili ko na rin ang lahat ng mga importanteng kakailanganin ko katulad na lamang ng pagkain, maiinom, mapa, patalim at ilang bagay na pwede kong magamit sa paglalakbay maging maliit na tolda na maaari kong itayo upang magsilbing pansamantalang masisilungan habang ako'y naglalakbay. Ang lahat ng ito ay nasa isang matibay na sisidlan na gawa sa tela at nakapasan ito sa aking likuran katulad ng mga manlalakbay na aking nakikita.

"Maraming salamat, hijo." pasasalamat ng matandang mangangalakal na binilhan ko ng patalim.

"Napakarami mong dalahin. Maglalakbay ka ba?" dagdag niyang tanong matapos makita ang mga bitbit kong gamit.

"Opo," tanging sagot ko na lamang matapos i-ayos ang mga pinamili ko sa kustal.

"Mukhang napakabata mo pa, hijo. Wala ka bang kasama sa iyong gagawing paglalakbay?"

Magalang akong umiling at ngumiti ng tipid. "Wala po. Ako lamang pong mag-isa."

Sandali itong natigilan habang nakatingin sa akin.

"Murang edad ngunit may tapang na maglakbay ng mag-isa. Sa mundong ito, tanging mga may biyaya lamang ang may ganyang lakas ng loob," wika niya habang seryosong nakatingin sa'kin. Hindi na ako nagsalita pa. Tama naman kasi siya.

Kung hindi mahuhusay na mandirigma at may lubos na katapangan, mga taong may kapangyarihan tulad ko lamang ang may lakas ng loob maglakbay lalo na ng mag-isa.

"Kung ganu'n ay hangad ko ang isang mapayapa at ligtas na paglalakbay para sa'yo. Nawa'y gabayan ka ng mga nasa itaas. Mag-iingat ka, hijo, dahil kalat na ang kasamaan ngayon sa paligid." Matapos niyang magpayo ay yumuko ito at parang may kinukuha.

"Ito. Tanggapin mo. Sana ay 'wag mong magamit sa iyong paglalakbay ngunit kung sakali man, makakatulong ito ng malaki." Nakangiting inabot niya sa akin ang isang maliit na sisidlan'g kristal. May laman itong likido sa loob.

"Ito ay katas ng isang mahiwagang prutas. May kakayahan itong paghilumin ang anomang sugat kahit gaano pa ito kalala."

Gulat lamang akong nakatingin sa hawak niyang sisidlan na yari sa makinis na kristal na inaabot niya sa akin. Manghang-mangha ko naman itong tinanggap.

"A-ahh maraming salamat po. M-magkano po ba ito?" tanong ko saka kinuha ang supot na naglalaman ng aking salapi.

"Hindi na. Sa iyo na lamang 'yan, hindi mo na kailangang bayaran. Labis lamang akong natutuwa at humahanga sa iyong katapangan. Sana kung ano man ang nais mong makamtan sa iyong paglalakbay ay marating mo ito at mapagtagumpayan," wika niya ng nakangiti. Tila may humaplos sa aking puso dahil sa narinig.

"Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay, hijo."

"M-maraming salamat po." Yumuko ako sa kaniya bilang pagbibigay galang at pasasalamat na rin sa kaniyang binigay bago ako nagpaalam.

ANDRESSDonde viven las historias. Descúbrelo ahora