Andress 104 | Paggising

92 11 14
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Paggising ||


Malakas na liwanag ang sumabog at kumalat sa buong paligid nang isara ko ang nakabukas na pintuan. Sobrang lakas nito kaya wala akong ibang nagawa kundi maupo at ipikit ang aking mga mata.

Makalipas ang ilang sandali ay bigla akong nakaramdam ng hilo at sakit sa aking kasukasuan. Napahiga na lamang ako sa aking kinauupuan at pigil na dumadaing.

Tumagal ang ganu'ng pakiramdam at ang nakakabulag na liwanag, para na akong sinusunog ng buhay hanggang sa tila naglaho ang aking kinahihigaan at nahulog ang aking katawan.

Hanggang doon na lamang ang aking naalala. Dumilim ang paligid at nawala ang aking pandinig.

Nang bumalik ang aking malay ay nagawa ko na ring maimulat ang aking mga mata at kisame na gawa sa bato ang agad kong nabungaran.

Nanlalabo pa ang aking paningin at habol-habol ko pa ang aking paghinga. Hindi ko magawang maigalaw ang aking katawan na para akong isang paralisado.

"Argh... H-hmm..."

Tanging mahihinang pagdaing at ungol lamang ang nagagawa ng aking tuyong-tuyo na lalamunan, pakiramdam ko nga ay nasusugatan pa ito kapag gumagasgas sa panunubok kong magsalita.

Ilang sandali rin ang itinagal na tanging pag-ungol lamang ang aking nagagawa hanggang sa luminaw na rin ang aking paningin at unti-unting na ring nawawala ang pagkaparalisa ng aking katawan.

Dahan-dahan kong ginalaw ang aking mga daliri na nakapatong sa ibabaw ng aking dibdib. Makalipas ang ilang sandali ay buong kamay ko na ang nagawa kong pagalawin.

Nang magawa ko nang makagalaw ay dahan-dahan naman akong bumangon at umupo sa malambot na higaan na tingin ko'y yari sa bulak. Kapansin-pansin din ang nakapaligid na mababangong bulaklak sa aking higaan na tingin ko ay nasa kalagitnaan na ng pagkalanta.

Ang aking suot naman ay puting damit na may mahabang manggas at ang pambaba ay mahabang puti rin gawa sa malambot na tela.

Habang pinagmamasdan ko ang aking suot ay biglang nalaglag at tumakip sa aking mukha ang medyo mahaba kong itim na buhok. Tanging paghaplos lamang ang nagawa ko rito bago ito sinuklay gamit ang aking mga daliri para ibalik sa likod.

Matapos suriin ang aking kinalalagyan ay ang ang buong paligid naman ang aking pinagmasdan.

Bukod sa isang malaki at malambot na higaan kung nasaan ako, wala na akong ibang makikitang kagamitan sa paligid. Napakalawak ng silid na tingin ko ay yari rin sa makintab na bato o marmol.

Habang pinagmamasdan ko ang buong paligid at ang ilang pagbabago sa aking sarili ay napakaraming katanungan ang tumatakbo sa aking isipan. Pilit kong inaalala ang mga nangyari at kung nasaan ba ako ngunit wala akong malinaw na kasagutang nakuha sa aking isipan, para akong nangangapa sa dilim na tanging malabong anino lamang ang nakikita.

Nasa ganu'ng pag-iisip ako at pilit na pagbabalik sa aking isipan ng mga nangyari nang may narinig akong bagay na bumagsak at nabasag sa marmol na sahig. Nang tignan ko ang direksyon ng pintuan ay isang babaeng nakatayo roon ang aking nakita na tila gulat na gulat na nakatitig sa akin. Sa paanan niya ay isang nabasag na paso, nagkalat tuloy ang mga lupa at bulaklak na tingin ko'y nakatanim doon bago ito nabasag.

ANDRESSWhere stories live. Discover now