Part 48

47.2K 1.2K 141
                                    

Almost eight months later...

KAILANMAN ay hindi pa kinabahan si Ryan to the point na halos hindi na siya makahinga sa lakas ng kabog ng kanyang dibdib maliban sa araw na iyon. Hindi siya mapakali at pakiramdam niya ay mababaliw na siya sa labis na pag-aalala.

"Ryan, calm down," malumanay na saway ni Draco na kasama niya sa lobby ng ospital. Ang kanyang pinsan ang sunod niyang tinawagan pagkatapos ng mga magulang nila ni Jesilyn nang papunta sila roon.

"Tama siya, hijo. Kumalma ka, wala pa," sabi naman ng papa ni Jesilyn na nakaupo sa bench at nakaakbay sa asawa.

"I'm trying," sagot ni Ryan na bumuntong-hininga na lamang.

Kanina ay pina-admit na nila si Jesilyn sa ospital. Due date na kasi ng kanyang nobya. Mabuti na lang at magkasama sila nang sumakit ang tiyan nito kaya naitakbo niya kaagad sa ospital. Isasailalim si Jesilyn sa caesarian operation at kasalukuyang nasa operating room. Kasama ni Jesilyn ang OB-GYN nito at ang cardiologist na nalaman ni Ryan sa mga nakaraang buwan na ama pala ni Apolinario.

Mayamaya ay bumukas ang pinto ng operating room at sumungaw ang isang nurse. "Gusto raw makausap ng pasyente ang ama ng anak niya."

"That's me," mabilis na sagot ni Ryan at lumapit sa nurse. Pumasok siya sa operating room at napahugot ng hangin nang makitang nakahiga si Jesilyn. Halata na may nararamdamang masakit ang kanyang nobya pero may sumilay na ngiti sa mga labi nang makita siya. Bahagya nitong iniangat ang kamay at iminuwestra siyang lumapit.

Lumayo naman ang mga doktor at nurse para marahil bigyan sila ng espasyo at pagkakataong makapag-usap.

Nag-init ang mga mata ni Ryan at parang puputok ang kanyang dibdib nang lumapit kay Jesilyn. Ginagap niya ang kamay nito at hinalikan. "How are you feeling?" masuyong tanong niya.

"I'm okay. Gusto ko lang makita ang mukha mo bago ako manganak," mahinang sagot nito.

May bumikig sa lalamunan ni Ryan nang umangat ang isa pang kamay ni Jesilyn at haplusin ang mukha niya. Pinakatitigan siya ng nobya na para bang minememorya ang hitsura niya. Hinayaan niya ito at pinakatitigan din ang mukha nito.

Hindi naging madali pero naging masaya ang mga nakaraang buwan para sa kanilang dalawa. Bawat sandaling magagawa ni Ryan ay nasa tabi siya ni Jesilyn. Halos hindi na nga siya nakikita sa common area dahil umuuwi lang siya sa Bachelor's Pad kapag matutulog na. Naipakilala na rin niya si Jesilyn sa kanyang mga magulang at mga kaibigan.

Kahit hindi naging madali ay unti-unti ring nawala ang tensiyon sa pagitan nila ni Apolinario Montes. Sa katunayan, dahil kay Jesilyn ay nagkaroon sila ng mas malalim na pagkakaunawaan ng lalaki. Maybe because they both loved Jesilyn, magkaiba man ang klase ng pagmamahal nila para sa babae.

Araw-araw ding sinusuyo ni Ryan ang mga magulang ni Jesilyn at makalipas ang ilang buwan ay nakuha rin niya ang tiwala ng mga ito.

Ang mahirap ay ang madalas na pagsumpong ng puso ni Jesilyn. Napadalas ang pagkapos ng paghinga nito at pagsisikip ng dibdib. Dahil palagi silang magkasama ay nakita niya kung paano nahihirapan ang nobya sa pagbubuntis. For the first time since he became an adult, he felt powerless. Ang tanging nagawa lang niya sa mga nakaraang buwan ay siguruhing palagi siyang nasa tabi ni Jesilyn, haplusin ang buhok nito, at halikan kapag nahihirapan; ibigay ang lahat ng gusto nito noong naglilihi, bigyan ng masahe at damayan sa napakaraming parenthood classes, at ipaalala sa araw-araw na mahal na mahal niya ito at hindi niya iiwan kahit ano ang mangyari.

Sa tingin ni Ryan ay hindi sapat ang mga ginagawa niyang iyon para maibsan ang paghihirap ng nobya. Pero sa tuwina, kapag sinasabi niya iyon ay ngingiti lamang si Jesilyn at hahalikan siya bago sasabihing, "It's more than enough. Sobra-sobra na para sa akin na nandito ka sa tabi ko."

Ang naging magandang balita para sa kanila ay nang malaman nila mula sa ultrasound na malusog at walang problema sa puso ang baby sa sinapupunan ni Jesilyn. Isa kasi iyon sa labis na pinag-aalala ni Jesilyn sa mga unang buwan ng pagbubuntis nito.

"Ryan," mahinang usal ni Jesilyn.

"Yes?"

"Do you love me?"

Yumuko si Ryan at hinalikan ang mga labi ng kanyang nobya bago sumagot. "Like crazy."

Masuyo itong ngumiti. "Kung ganoon, kahit ano'ng mangyari, make sure my baby will be okay."

"Jesi..." garalgal na saway niya.

"Mangako ka sa akin, Ryan."

"I promise." Humapdi ang kanyang mga mata at muling hinalikan ang nobya. "You will be fine, too. Umpisa pa lang ito ng buhay natin na magkasama. Magpapakasal pa tayo at pupunta sa lahat ng lugar na gusto mong puntahan. Magsusulat ka tungkol sa mga lugar na iyon at siguradong marami rin ang magugustuhan ang mga isusulat mo katulad ng una mong isinulat. We will still do everything you want, travel the world if that's your wish, after you get better. Isasama natin ang ating anak."

"Akala ko ba ayaw mo ng unnecessary luxury? Magastos ang naiisip mo," mahinang sagot ni Jesilyn na medyo ngumiwi.

Awtomatikong hinaplos ni Ryan ang tiyan ng nobya dahil alam niyang humihilab iyon. "Sinabi ko na sa iyo dati, hindi ba? Basta tungkol sa 'yo, tungkol sa anak natin, hindi unnecessary luxury para sa akin ang mga ginagawa ko. It will be my pleasure."

Napalingon si Ryan nang maramdaman ang kamay ng cardiologist sa kanyang balikat.

"Kailangan mo nang lumabas, Ryan. Kailangan na niyang ilabas ang bata."

Tumango siya at muling hinalikan si Jesilyn. "You will be fine. I'm just outside. I will wait for you."

"Okay," usal nito.

Bantulot na pinakawalan niya ang kamay ng nobya at lumabas ng operating room. Muli siyang umupo sa tabi ni Draco. Nang lumiwanag ang sign sa labas ng operating room, tanda na ongoing na ang caesarian operation ay tensiyonado na lamang silang naghintay roon.

Ilang minuto ang nakalilipas ay dumating si Apolinario Montes. Sunod na dumating ang mga kaibigan ni Jesilyn na sina Sheila at Sylve na nakilala na rin ni Ryan.

Pagkatapos ay dumating ang mga magulang ni Ryan kasama ang kanyang tiyahin na ina ni Draco na may kasamang babae. Si Janine.

Pakiramdam niya ay napakatagal na nilang naghihintay roon. And then, he heard something inside the operating room. Iyak ng isang sanggol. Natigilan silang lahat at napalingon sa pinto ng operating room. Lumakas ang iyak ng sanggol.

"Lumabas na ang apo ko!" umiiyak na bulalas ng ina ni Jesilyn.

Mayamaya ay bumukas ang pinto ng operating room at lumabas si Tito Basil. Napatayo si Ryan at lumapit sa cardiologist. Bago pa siya makapagsalita ay ngumisi na ang doktor at tinapik siya sa balikat.

"Relax. Your daughter is a very healthy baby. And her mother is okay. Makikita mo sila mamaya."

Napabuga siya ng hangin sa relief. Pagkatapos ay nag-init nang husto ang kanyang dibdib at namasa ang mga mata. "Thank God."

Nakangiti pa ring tumango si Tito Basil. "Indeed. Congratulations for being a father, and a soon-to-be husband."

Napangiti na rin si Ryan at hindi na napigilan ang kagalakang lumukob sa kanya. Namamasa man ang mga mata ay napahalakhak siya. "Yeah. Thanks." Puwede na silang magpakasal ni Jesilyn. At last.

Ah... It was the best time of his life. Nakokornihan pa siya dati sa kanyang mga kaibigan, pero nang makilala niya si Jesilyn ay saka lamang niya nalaman...

It felt so good to love someone.



-WAKAS -


A/N: At dito po nagtatapos ang story ni Ryan at Jesilyn... well actually not really the end kasi mababasa niyo pa rin ang tungkol sa kanila sa mga susunod na story ng Bachelor's Pad. marami pong salamat sa pagsubaybay at hanggang sa susunod na bachelor. :)


ps: kung wala pa po kayong copy ng book, sana po makabili kayo. mas kumpleto po roon at mas malinis na kasi edited na. as siyempre tulong na rin sa aking manunulat hehe.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now