Part 31

25.4K 620 12
                                    

HUMIGPIT ang hawak ni Jesilyn sa mga kubyertos dahil pakiramdam niya, kapag hindi niya iyon ginawa ay mahahalata ang panginginig ng kanyang mga kamay. Hindi siya makapaniwala na nasa harap niya si Ryan, na lumapit sa kanya ang binata. Hindi niya maalis ang pagkakatitig sa mukha nito. At kahit pa sinabi nito na magkunwari siyang mag-isa pa rin ay imposible, lalo na kung abot-kamay lamang niya ang lalaking sa loob nang dalawang linggo ay laman ng kanyang isip.

"Sasamahan mo akong kumain?" tanong ni Jesilyn.

Nanatiling nakahalukipkip si Ryan pero sumulyap sa kanya at tumango.

"Pero paano ang... date mo?" lakas-loob na tanong niya nang maalala ang babaeng kasama nito kanina.

Kumunot ang noo ng binata. "Date? Kung ang tinutukoy mo ay si Maxene, hindi ko siya date. Kasama na niya ang asawa niya sa mesa. They can just go on a date without me," sagot nito na may itinuro pa sa likuran nito.

Sinundan ni Jesilyn ang itinuro ng binata at sa malayong bahagi ng restaurant ay nakita niya ang babaeng kasama ni Ryan kanina. May guwapong lalaki na sa tabi ng babae na pamilyar sa kanya ang hitsura pero hindi lamang niya maalala kung saan niya nakita. Nakatingin ang pareha sa kanila at nang tila mapansin na nakatingin siya ay malawak pang ngumisi ang dalawa at nag-thumbs-up. Alanganing gumanti siya ng ngiti bago ibinalik ang tingin kay Ryan.

"Akala ko... date mo siya," nahihiyang sabi ni Jesilyn dahil nakaramdam siya ng guilt na nagselos siya sa babae kanina.

"Max is one of my best friends. Kaibigan ko rin ang asawa niya," sagot ni Ryan.

"Oh, okay," naiusal niya na nakahinga nang maluwag. Sa katunayan ay natagpuan niya ang sariling napangiti sa nalaman. At nang makitang natigilan si Ryan at bumaba ang tingin sa kanyang mga labi ay tumamis pa ang ngiti niya.

"Bakit ka nakangiti nang ganyan?" tanong ng binata na sinalubong ang kanyang mga mata.

"I'm just glad that you are not dating someone," pag-amin niya.

"But you are dating someone, remember?"

Bahagyang napalis ang ngiti ni Jesilyn sa sarkastikong komento ni Ryan. Tila nilamutak ang kanyang puso. Mukhang nabasa ng binata sa ekspresyon niya na nasaktan siya sa sinabi nito dahil sandaling kumislap ang pagsisisi sa mga mata nito. Ayaw niyang makaramdam ng ganoon si Ryan dahil may rason naman itong maging sarkastiko. After all, she was the one at fault.

Pilit na hinamig ni Jesilyn ang sarili at ngumiti. "Kumain ka na ba? Kung hindi pa, um-order ka na rin para sabay na tayo," aniya sa pinasiglang tinig.

Muling bumaling sa kanya si Ryan at napatitig sa mukha niya. Mukhang may gusto itong sabihin pero hindi magawang ibuka ang mga labi. Alam niya na gusto nitong humingi ng tawad sa nasabi. Kilala niya si Ryan. Hindi ito ang tipo ng lalaking sasadyaing manakit ng damdamin ng isang babae kahit pa isang tulad niya na may ginawang malaking kasalanan.

Nakangiti pa ring umiling si Jesilyn. "It's okay. Kumain ka rin, ha? Sabay na tayo. I realized that it's not really that fun to eat alone. Please?" Mukhang tatanggi pa si Ryan kaya dumeretso na siya ng upo at tinawag ang atensiyon ng waiter na agad namang lumapit sa kanila. Pagkatapos ay nakangiti pa ring tiningnan niya ang binata. "Come on, order ka na."

Bumuntong-hininga si Ryan at inabot ang menu na ibinigay ng waiter. Tumamis ang ngiti ni Jesilyn. Pero sa halip na um-order agad ay nakita niyang napatingin ang binata sa bote ng wine na kanina lamang ay ibinigay sa kanya ng waiter, galing daw sa isang customer sa bar area. Dumilim ang mukha ni Ryan at tiningala ang waiter.

"Before I order, bring that bottle back to whoever bought it," malamig na utos nito.

Napakurap si Jesilyn at nakita niyang nabigla rin ang waiter.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon