Part 16

26.4K 590 8
                                    


PARANG binibiyak ang ulo ni Jesilyn nang maalimpungatan kinabukasan. Napaungol siya at nang subukang imulat ang mga mata ay lalo lamang tumindi ang sakit ng ulo.

So, ito ang tinatawag na hangover, iyon ang unang pangungusap na sumagi sa kanyang isip. Nagdesisyon siya na hindi na uulitin ang pag-inom nang husto. Ang asim ng kanyang sikmura at hindi siya makagalaw sa takot na baka lalong sumakit ang kanyang ulo.

May narinig siyang katok mula sa pinto ng hotel room. "Jesi? Gising ka na ba?" Tinig iyon ni Ryan na muling kumatok.

Dahan-dahang dumilat si Jesilyn at lumingon sa pinto. "Y-yes," garalgal at mahinang sagot niya. Napahinga siya nang malalim dahil sigurado siyang hindi narinig ni Ryan ang boses niya. Mabuti na lang at bahagya nang napawi ang sakit ng kanyang ulo kaya nagawa niyang bumangon at maglakad palapit sa pinto. Binuksan niya iyon at tumambad sa kanya si Ryan na mukhang bagong ligo at fresh na fresh. Hindi tulad niya na malamang ay mukhang basura dahil hindi siya nakapaghilamos man lang kagabi. Sigurado siya roon dahil nakita niyang natigilan ang binata nang makita ang mukha niya.

"I knew it. You will look like this after getting wasted last night," sa wakas ay sabi ni Ryan.

Sa sinabi nito ay naramdaman na naman ni Jesilyn ang pangangasim ng sikmura na para bang maduduwal siya ano mang sandali. Sa sobrang sama ng pakiramdam ay nag-init ang kanyang mga mata. "Ryan, I don't feel good," usal niya at humakbang paatras para makapasok ito sa kanyang silid.

Bumakas ang simpatya sa mukha ng binata. "I know." Pagkatapos ay itinaas nito ang kamay at noon lang niya napansing may hawak pala itong plastic bag. "Kaya binili kita ng gamot. Kung nasusuka ka, mas magiging mabuti ang pakiramdam mo kung ilalabas mo 'yan," dugtong pa nito at tuluyan nang pumasok sa kanyang silid.

Tila na-trigger ng sinabi ng binata na umangat sa kanyang lalamunan ang pangangasim sa sikmura. Mabilis siyang tumakbo patungo sa maliit na banyo at lumuhod sa harap ng toilet bowl. Inilabas niya lahat ng laman ng kanyang sikmura. Namasa sa pawis at luha ang mukha niya.

Shucks, ano ba ang sumagi sa isip ko at inilagay ko sa listahan ko ang magpakalasing? Hindi na talaga ako uulit. Mas matindi ang hirap nang wala na siyang mailabas pero naduduwal pa rin siya. Halos gusto na niyang bumunghalit ng iyak.

Subalit napigil ang luha ni Jesilyn nang maramdaman ang paghagod ng masuyo at mainit na palad sa likod niya. Noon lang siya naging aware na nasa tabi na pala niya si Ryan. Ang isa pa nitong kamay ay hinawi ang buhok niya palayo sa kanyang mukha at hinawakan upang hindi na iyon kumawala.

Unti-unting na-relax ang katawan ni Jesilyn. Maging ang sikmura niya ay tila kumalma hanggang sa mapaupo na siya sa tiled floor at napahinga nang malalim. Humatak si Ryan ng tuwalya mula sa cabinet at ito mismo ang nagpunas sa kanyang mga labi at buong mukha, pagkatapos ay ito pa ang nag-flush ng toilet.

Tinamaan siya ng labis na pagkapahiya. He just saw her vomit! Hinawakan niya ang tuwalya at isinubsob doon ang kanyang mukha. "I'm sorry. This is embarrassing," usal niya.

Hinaplos ni Ryan ang kanyang ulo. "Huwag mong alalahanin iyon. Kaya mo na bang tumayo para makapagmumog ka?" masuyo pa ring tanong nito.

Muli siyang humugot ng malalim na hininga at tumango. Kumilos siya para tumayo at inalalayan siya ng binata hanggang nasa harap na siya ng sink. "Kaya ko na. Magsha-shower na rin ako. Hintayin mo na lang ako sa labas," pagtataboy niya rito.

"Okay. Huwag kang magtatagal para makainom ka ng gamot," sabi ni Ryan bago tuluyang lumabas ng banyo at isinara ang pinto.

Nakarinig uli si Jesilyn ng pagbukas-sara ng pinto sa labas kaya nasiguro niyang lumabas na si Ryan ng kanyang hotel room. Ilang sandali pa siyang nanatiling nakatayo sa harap ng sink bago nagmumog at naligo. Matagal siyang nagbabad sa ilalim ng shower.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon