Part 42

25.2K 649 40
                                    


SA MGA sumunod na araw ay nagkaroon ng kakaibang purpose at excitement ang buhay ni Jesilyn. Mula kasi nang mapag-usapan nila ni Ryan na ilalabas sa magazine ang isinulat niya ay napakaraming ideya ang nagsimulang maglaro sa kanyang isip para sa susunod niyang isusulat. Lalo na nang ipadala ng assistant ng binata na si Kirsten ang layout draft ng kanyang artikulo. Nakita niya kung paano ang magiging hitsura niyon kapag inilabas na ang magazine.

Bigla siyang nagkaroon ng goal at ng passion. Dahil sa wakas ay nagkaroon siya ng isang bagay na gagawin na gusto talaga niya.

Siyempre, nagtatrabaho pa rin si Jesilyn nang maayos sa Happy Mart at patuloy niya iyong gagawin para sa kanyang mga magulang. Pero ngayon ay mayroon na siyang masasabing ginagawa na nagbibigay sa kanya ng labis na kaligayahan at satisfaction.

Masasabi ni Jesilyn na halos perpekto na ang mga araw niya kung hindi lamang napapadalas ang pagkahilo at pangangasim ng kanyang sikmura tuwing umaga. Idagdag pa ang mas napapadalas na pagsumpong ng abnormal na tibok ng kanyang puso at kakapusan ng paghinga. Wala siyang sinasabihan dahil ayaw niyang mag-alala ang mga tao sa kanya. Ayaw niyang ipaalam kahit kanino na sumasama nang ganoon ang pakiramdam niya.

Subalit isang umaga, habang nasa labas at patungo sana sa coffee shop na nasa kabilang kalsada lamang mula sa Happy Mart ay biglang nahilo si Jesilyn. Nawalan siya ng balanse at muntik nang matumba kung hindi lamang may babaeng nakalapit sa kanya at inalalayan siya.

"Jesilyn? Are you okay?" tanong ng tinig na pamilyar sa kanya kahit sa pandinig niya ay parang sa ilalim ng tubig nanggagaling ang boses ng babae.

"Sylve," usal niya. "Nahihilo ako." Kahit ang sariling tinig ay hindi niya masyadong marinig dahil sa sama ng kanyang pakiramdam.

"Dadalhin kita sa ospital. Hang in there," narinig niyang tarantang sabi ni Sylve.

Malabo kay Jesilyn ang mga sumunod na pangyayari. Basta ang alam lamang niya ay naisakay siya ni Sylve sa taxi. Nang humimpil sila sa tapat ng pinakamalapit na ospital ay medyo maayos na ang pakiramdam niya dahil napawi na ang pagkahilo niya.

"Okay na ako. Bumalik na lang tayo sa Happy Mart, Sylve. Hindi ko naman kailangang magpaospital."

Pinanlakihan siya ng mga mata ng kaibigan at hinatak palabas ng taxi pagkatapos nilang magbayad. "Tumigil ka. Natakot ako nang makita kang matutumba kanina. Kailangan mong magpa-check up. Tara na."

Napabuntong-hininga si Jesilyn at tumalima na lamang. After all, sigurado naman siya na may kinalaman sa puso ang magiging resulta ng checkup niya. Dahil ano pa ba ang puwedeng maging dahilan ng masama niyang pakiramdam sa mga nakaraang linggo?

"Mabuti na lang talaga at dumaan ako sa Happy Mart para kumustahin ang bakasyon mo. Kung hindi, walang makakakita sa iyo na mawalan ng malay sa kalsada," sabi ni Sylve habang hinihintay nila ang doktor na titingin sa kanya.

Puno ng pasasalamat na ngumiti si Jesilyn. "Salamat, Sylve. Hindi lang sa pagtulong mo sa akin ngayong umaga, kundi para sa pagtulong mo sa akin na makapagbakasyon. I owe you so much because my trip changed my life."

Ngumiti si Sylve at mukhang magsasalita pa pero dumating na ang babaeng doktor na titingin sa kanya. Sandali pa ay abala na siya sa pagsagot sa mga tanong nito. Pagkatapos ay tiningnan ng doktora ang kanyang pulso at pinakinggan ang tibok ng kanyang puso. Mayamaya ay may isinulat ito sa papel bago nagsalita.

"Well, base sa mga sintomas at sa pulso mo ay alam ko na kung ano ang kalagayan mo. But you still need to take the test to confirm it."

"Test? Anong test?" sabay pa nilang tanong ni Sylve.

Nag-angat ng tingin ang doktor at ngumiti. "Pregnancy test. I think you're pregnant."

"MUKHANG binago talaga ng bakasyon ang buhay mo. My God, Jesi. Ano'ng nangyari?" manghang bulalas ni Sylve nang makaalis sila ng ospital at nakapuwesto na sila sa dulo at tagong mesa ng isang restaurant.

Mariing napapikit si Jesilyn at paulit-ulit na huminga nang malalim. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang dumilat at muling niyuko ang papel na kinasusulatan ng resulta ng kanyang pregnancy test. Positive.

Halos anim na linggo na siyang buntis. At hindi na niya kailangang mag-compute para malaman kung paano nabuo ang nasa sinapupunan dahil isang gabi lang naman siya nagpadala sa bugso ng kanyang damdamin. At mukhang nadala rin si Ryan. Nawala sa isip nila ang gumamit ng proteksiyon.

At dahil masyadong maraming iniisip si Jesilyn sa mga nakaraang linggo ay binale-wala niya ang pagkahilo at pagsama ng sikmura. Noon nga lang din niya na-realize na hindi dumating ang buwanang dalaw niya.

Wala sa loob na napahawak si Jesilyn sa kanyang tiyan. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na ginawa iyon mula nang makumpirmang buntis siya. Magkakahalong emosyon ang nararamdaman niya. Pag-aalala at kaba, dahil hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ng kanyang mga magulang kapag nalamang buntis siya; pero may kasama ring kakaibang saya at mas malalim na emosyong hindi niya mabigyan ng pangalan.

Naisip niya, iyon ba ang tinatawag na maternal love? Dahil kahit alam niya na hindi magiging madali na ipaalam sa mga kakilala ang kalagayan ay siguradong paninindigan niya ang bata sa kanyang sinapupunan.

"I'm going to keep this baby," usal ni Jesilyn na bahagya nang nakangiti.

"Aba, dapat lang! Sasabunutan kita kung may iba kang plano. Pero paano nga nabuo 'yan? Magpaliwanag ka nga sa akin. Dali na, habang hinihintay natin si Sheila," sabi ni Sylve.

Tinawagan ni Jesilyn si Sheila. Ang sabi na lang niya ay magbilin muna sa manager ng main branch nila. Sa ganoong pagkakataon kasi niya mas kailangan ang kanyang mga kaibigan.

Sinabi niya kay Sylve ang lahat ng nangyari. Nang matapos magsalita, pakiramdam niya ay luluwa na ang mga mata ng kaibigan at mukhang hindi alam kung ano ang sasabihin. Sa kabila tuloy ng lahat ay hindi niya napigilan ang amused na ngiti. Sa buong panahong magkaibigan sila ni Sylve, noon lang ito tila nawalan ng sasabihin.

"Jesi!"

Napalingon sila nang hinihingal na lumapit sa kanila si Sheila. Umupo ang babae sa tabi ni Sylve at tumingin sa kanya. "Bakit bigla mo akong pinapunta rito? Ano'ng problema?"

"Hay, Sheila. Buntis siya," bulalas ni Sylve.

"Ano?!" bulalas ni Sheila na halos lumuwa rin ang mga mata.

Iniabot ni Jesilyn kay Sheila ang papel na naglalaman ng resulta ng pregnancy test.

Sandaling binasa iyon ni Sheila bago namumutlang napatingin sa kanya. "Paano mo ito sasabihin sa parents mo?"

"Aba, bago 'yon ay kailangan muna niyang sabihin sa lalaking 'yon. Dapat dalawa silang humarap sa mga magulang niya kasi dalawa silang gumawa niyan," sabi ni Sylve.

Napangiwi si Jesilyn at muling hinaplos ang kanyang tiyan, pagkatapos ay napabuntong-hininga. Hindi pa niya alam kung paano kakausapin ang kanyang mga magulang. Pero nang maisip si Ryan at ang magiging reaksiyon nito kapag sinabi niya na buntis siya ay medyo napangiti na. May palagay siya na matutuwa ang binata. Baka nga bigla pa siya nitong yayaing magpakasal dahil hindi ba at nagpahaging na ito noong huli silang nagkita na magkasama pa rin sila kahit umabot na sila sa edad na sesenta?

Bigla ay sumagi sa isip ni Jesilyn ang hinaharap na kasama si Ryan at ang kanilang magiging anak. Napawi ang takot at pag-aalinlangan niya na mag-asawa at itali ang binata sa kanya. Napawi ang takot niya sa maaaring kahantungan ng abnormalidad ng kanyang puso. Dahil binigyan siya ng Diyos ng isang milagro. Magkakaroon na siya ng anak. Siguro naman, itutuloy-tuloy na ng Diyos ang blessing sa kanya at sisiguruhing mabuti ang kalusugan niya para sa kanyang baby, hindi ba?

Lord, please naman po. Let this happiness last forever.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now