Part 29

24.6K 611 14
                                    

"NAMUMUGTO na naman ang mga mata mo. Ano ba talaga ang nangyayari sa 'yo, Jesi?"

Napakurap si Jesilyn sa sinabing iyon ni Sheila pagpasok pa lamang niya sa opisina sa Happy Mart main branch. Dalawa lamang sila ni Sheila na sa loob ng store ang opisina. Ang ibang nagtatrabaho sa iba pang department ng Happy Mart ay nasa kanugnog na gusali lamang ng branch na iyon, kasama ng kanyang ina. At sa mga nakaraang linggo ay naipagpasalamat ni Jesilyn na magkahiwalay ang mga opisina nila ng mama niya. Kung hindi, malamang ay mapapansin na rin nito ang napapansin ni Sheila kapag pumapasok siya sa umaga.

Huminga siya nang malalim at naglakad patungo sa mesa niya. Nakapamaywang na sumunod sa kanya ang kaibigan.

"Jesilyn, tatlong linggo na mula nang bumalik ka galing Singapore at habang lumilipas ang mga araw, palala nang palala ang hitsura mo. Puwede mong sabihin sa akin," patuloy ni Sheila sa mas malumanay nang tinig.

May bumikig sa kanyang lalamunan at hindi na nakatiis. Mabilis siyang humarap sa kaibigan at niyakap ito nang mahigpit. Nagulat si Sheila pero sandali lamang ay gumanti na ng yakap.

"Ano ba'ng nagpapaiyak sa iyo sa mga nakaraang linggo, Jesi?" masuyong tanong nito at inakay pa siya paupo sa couch.

Humikbi si Jesilyn at natagpuan ang sariling sinasabi kay Sheila ang lahat. Maging ang huli nilang pag-uusap ni Ryan at ang pakikipaghiwalay niya kay Apolinario. Ang hindi lang niya sinabi ay tungkol sa pag-amin niya kay Apolinario tungkol sa iniinda niyang abnormalidad sa kanyang puso dahil ayaw niya na maging iyon ay alalahanin pa ni Sheila. Tahimik na nakinig lamang sa kanya ang kaibigan.

"Do you know that feeling? Iyong parang ang tagal na ninyong magkakilala? When I met him, I felt as if everything fell into place. Like I had been living all these years just for that moment, just to meet him."

Matagal na tinitigan siya ni Sheila bago nagsalita. "But it's wrong."

May bumikig na naman sa kanyang lalamunan. "Alam ko." Itinakip niya ang mga kamay sa kanyang mga mata at muling napahikbi. "Why does something that feels so right be so wrong?" puno ng sakit na bulalas niya.

Bumuntong-hininga si Sheila. "Kaya hindi ka dapat pumapasok sa isang relasyon dahil lang convenient o dahil sa udyok ng mga tao sa paligid mo. Paano kung nasa isang relasyon ka na at saka dumating ang taong para talaga sa iyo?"

Malungkot na ngumiti si Jesilyn. "Alam ko na 'yon ngayon."

Matagal na namayani ang katahimikan sa pagitan nila. "At si Apolinario? Nakapag-usap na ba uli kayo?" mayamaya ay tanong ni Sheila.

Napabuntong-hininga si Jesilyn at umiling. "Sinusubukan ko siyang tawagan sa nakaraang dalawang linggo pero hindi niya sinasagot."

"So technically, hindi pa kayo magkahiwalay dahil hindi pa siya pumapayag," sabi ng kaibigan. Pumalatak ito nang tumango siya. "Matigas talaga ang loob ng lalaking 'yon. Sigurado akong tinamaan siya nang sabihin mong hindi ninyo mahal ang isa't isa pero siya ang tipo na kung hindi mo sasabihan nang harapan ay hindi nare-realize ang tungkol sa mga usaping-emosyonal. Sigurado akong alam na niya na dapat na kayong maghiwalay pero nagmamatigas siya dahil masisira ang mga plano niya. Ang dali lang namang baguhin ng mga iyon, ewan ko ba kung bakit hirap na hirap siyang gawin," litanya pa ni Sheila.

Napangiwi si Jesilyn. "Ayaw lang ni Apolinario na nabibigla. He hates surprises. Alam ko 'yon kaya hinahayaan ko siyang umiwas sa akin. Ibig sabihin lang niyon, hindi pa siya handang baguhin ang mga plano niya," pagtatanggol niya sa lalaki.

"Fine," bulalas ng kaibigan kahit mukhang hindi kumbinsido. "Pero paano ang mga magulang mo? Sinabi mo na ba sa kanila ang desisyon mo?"

Nalaglag ang kanyang mga balikat at umiling. "Gusto ko muna na makapag-usap uli kami ni Apolinario bago ako magsabi sa mga magulang ko."

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now