Part 39

23.6K 580 2
                                    


HUMINGA nang malalim si Jesilyn at maingat na tumayo. Bumalik muna siya sa couch na katapat ng kinauupuan ng kanyang mga magulang bago sumagot. "Yes." Kahit kumakabog ang dibdib sa kaba ay sinabi niya sa mga ito ang tungkol kay Ryan. Siyempre, hindi niya sinabi ang lahat. Baka sa halip na matanggap ng kanyang mama at papa ang desisyon niya ay lalo pang magalit kapag wala siyang itinagong detalye ng tungkol sa kanila ni Ryan.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila nang matapos siyang magsalita. Ang kanyang ama ang unang nagsalita. "Naiintindihan ko na espesyal ang isa't isa para sa inyo ng lalaking 'yon. Pero, Jesilyn, hindi tama na pumasok ka agad sa isang relasyon na kahihiwalay n'yo pa lang ni Apolinario."

"Alam ko po, Papa. Ang sabi niya, hihintayin niya na maging handa ako. Isa pa, ayoko ring mag-isip ng hindi maganda sa kanya ang mga tao sa paligid namin nang dahil sa akin."

"Alam ba niya ang kalagayan ng puso mo? Na kailangan mo ng regular checkups at preventive medicines? Na kahit nagpaopera ka na noong bata ka pa ay may posibilidad na magkaroon ka uli ng ibang problema sa puso kung hindi mo nababantayan ang kalusugan mo?" seryosong tanong ng kanyang ina.

May bumikig sa lalamunan ni Jesilyn at marahang umiling. "A-ang sinabi ko lang sa kanya ay matagal na akong magaling."

"See? Kapag nalaman niya na kahit kailan ay hindi ka magiging ganap na magaling, na buong buhay mo ay aasa ka sa checkup at gamot, iiwan ka niya. Si Apolinario lamang ang alam ang tungkol sa kalagayan mo at nagdesisyong pakasalan ka. Jesi, we just want what's good for you. You don't need heartache," litanya ng kanyang ina.

Malungkot na ngumiti si Jesilyn. "Mama, ang totoo, kaya hindi ko sinasabi sa kanya ang kalagayan ko ay hindi dahil natatakot ako na iiwan niya ako. Mas natatakot ako na kapag nalaman niya na may sakit ako ay lalo niya akong hindi iwan. And I don't want that. I don't want him to suffer because of me. I just want him to be happy."

"Ano'ng ibig mong sabihin? Natural hindi ka niya dapat iwan lalo na kapag nagpakasal kayo," manghang bulalas nito.

Huminga siya nang malalim at lakas-loob na sinalubong ang mga mata ng kanyang ina. "Hindi ako magpapakasal kahit kanino, Mama. Ayokong maging pabigat sa magiging asawa ko pagdating ng panahon. Ayokong matulad siya kay Papa, na natataranta at kinakabahan at iiwan ang trabaho sa salitang 'emergency.' O sa iyo, na maraming takot at nagkakasakit sa pag-aalala kapag nalayo lamang ako. Hindi ko kayang isa na namang taong mahal ko ang mararanasan ang mga naranasan ninyo ni Papa nang dahil sa sakit ko."

Umawang ang mga labi ng kanyang ina at tila may sasabihin pa pero inakbayan ito ng kanyang papa.

"Tama na, hon. Hayaan mong magdesisyon si Jesilyn para sa sarili niya. Hayaan mo siyang mag-isip. Hindi na siya bata. She grew up even before we noticed it. Ngayon, ang role na lang natin ay suportahan siya at maging sandigan niya kapag kailangan niya tayo. Come on, relax."

Sunod-sunod na huminga nang malalim ang mama ni Jesilyn bago humalukipkip at tila sumusukong nagsalita. "Fine. Do what you want. Pero huwag mong isipin na sakripisyo para sa amin na naging anak ka namin. We never regretted having you. Kahit na mahirap, walang sinabi roon ang kaligayahan namin na nakapiling ka namin sa buhay. Kung sa tingin mo ay mahal ka talaga ng lalaking 'yon, huwag mong ipagkait sa kanya ang kaligayahang naranasan namin. Kapag niyaya ka niyang magpakasal, huwag mo siyang saktan by telling him no."

Namasa ang mga mata ni Jesilyn at napangiting tumayo. Pagkatapos ay muli siyang lumapit sa kanyang mga magulang at yumakap nang mahigpit. "Salamat po sa pag-intindi at pagmamahal n'yo sa akin, Papa, Mama. Mahal na mahal ko kayong dalawa."

Agad na gumanti ng yakap ang kanyang ama habang ang kanyang ina ay bantulot na pinaikot ang isang braso sa kanya.

Mayamaya ay tumayo na ang kanyang mga magulang. Kailangan nang bumalik ng kanyang mama sa trabaho at ganoon din ang kanyang papa. Inihatid niya ang dalawa sa labas ng opisina. Naunang umalis ang kanyang ina dahil kanugnog lang naman ng Happy Mart ang headquarters nila kung saan ito nag-oopisina. Samantala ay inihatid naman niya hanggang sa kotse ang kanyang ama.

Pasakay na ito sa kotse nang tila may maalala at muling bumaling sa kanya. "Alam na ba ng Tito Basil mo na naghiwalay na kayo ni Apolinario?"

Umiling siya. "Balak ko pa lang pong sabihin."

Kumunot ang noo ng kanyang ama. "Bakit ikaw ang magsasabi at hindi si Apolinario?"

"Dahil ako ang nakipaghiwalay. Papa, alam mo naman, hindi ba? Pol doesn't want to let his father down. Ako ang magsasabi kay Tito Basil."

Ilang segundong pinagmasdan lamang si Jesilyn ng kanyang ama bago bumuntong-hininga at tinapik ang braso niya. "Halika. Sumama ka sa akin sa ospital. Kausapin mo na ang Tito Basil mo. Hindi mo puwedeng patagalin ang lahat. Puwede kitang samahan kung gusto mo."

Nabagbag ang damdamin ni Jesilyn sa alok ng kanyang papa. Papayag na sana siya nang biglang maalala na baka makita niya si Apolinario sa ospital. Hindi pa niya alam kung paano muling haharapin ang binata at natatakot siyang makita ang magiging reaksiyon nito.

Mukhang nahulaan ng kanyang ama ang inaalala niya dahil muli itong nagsalita. "Huwag mong alalahanin na baka magkita kayo ni Apolinario. Nang magkasalubog kami kanina sa ospital ay paalis siya. May talk siya sa isang medical school kasama ang ibang resident nutritionists. Mamaya pa ang balik nila."

Pasimpleng napabuntong-hininga si Jesilyn. "Okay. Sasabay na po ako sa inyo papuntang ospital. Pero hindi n'yo ako kailangang samahan kapag kinausap ko si Tito Basil. I will be okay because I need to take responsibility for my decision alone," determinadong sabi niya.

"Very well," sagot ng kanyang ama. Kumislap sa magkahalong lungkot at pride ang mga mata nito bago hinaplos ang buhok niya. "Malungkot ako na hindi matutupad ang pangarap namin ni Basil na maging magbalae pero ngayong nakikita kitang ganyan, hindi ko maiwasang maging proud. You are turning into a mature person who can make decisions for yourself. Tandaan mo lang na ang gusto namin ng mama mo ay maging masaya ka."

Nag-init ang mga mata ni Jesilyn at tumango. "Alam ko po, Papa."

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang