Part 44

24.7K 603 24
                                    

KAHIHIMPIL pa lamang ni Ryan ng sasakyan sa parking lot ng Bachelor's Pad nang gabing iyon nang tumunog ang kanyang cell phone. Napangiti siya nang makita ang pangalan ni Jesilyn sa screen. Kung hindi nga lamang siya tambak ng trabaho at meetings kanina ay baka siya na ang unang tumawag sa dalaga.

Ngiting-ngiti na sinagot ni Ryan ang tawag. "Hey," malambing na bati niya.

"Hi... Busy ka ba?" tanong ni Jesilyn mula sa kabilang linya.

Bahagyang napalis ang ngiti ni Ryan dahil may nahimigan siyang kakaiba sa tinig ng dalaga. Para bang pilit lamang nitong pinasisigla ang tinig at parang may itinatagong lumbay.

"Kauuwi ko lang galing sa trabaho. Why? Did you miss me?" pabirong tanong niya upang pagaanin ang loob ni Jesilyn kahit hindi niya alam kung bakit ganoon ang tinig nito.

Mahinang tumawa ang dalaga sa kabilang linya bago masuyong sumagot, "Oo."

Pakiramdam ni Ryan ay may sumipa sa kanyang dibdib. Bumuhos ang matinding pagnanais na makita ang dalaga. Humigpit ang hawak niya sa cell phone. "Let's meet. Now," aniya at muling pinaandar ang kotse palabas ng parking lot.

"Okay. Hihintayin kita sa restaurant na pinuntahan natin noong huli tayong magkita," sagot ni Jesilyn.

"Okay. Wait for me. I'm on my way now."

Kahit kanina pa natapos ang tawag ay tila naririnig pa rin ni Ryan ang boses ng dalaga. Malakas ang kutob niya na may dinaramdam ito. At hindi siya matatahimik hangga't hindi niya nalalaman kung ano ang dahilan ng lumbay sa tinig nito.

NAKITA ni Ryan si Jesilyn na nakapuwesto na sa mesang inokupa rin nila noong huli silang nagpunta sa restaurant na iyon. Nakatingin ang dalaga sa labas ng glass wall. Mukhang malalim ang iniisip nito dahil nakailang hakbang na siya palapit sa mesa ay tila hindi pa rin nito nararamdaman ang kanyang presensiya. Kumabog sa kaba ang dibdib niya.

"Jesi," masuyong usal ni Ryan nang makalapit sa mesa.

Napalingon sa kanya ang dalaga at tumayo. "Ryan."

Bahagyang kumunot ang kanyang noo. "May problema ba? You didn't sound okay nang magkausap tayo sa phone kanina."

Sandali itong natigilan bago may sumilay na bahagyang ngiti sa mga labi. "I just... wanted to see your face so badly."

May bumikig sa lalamunan ni Ryan sa biglang buhos ng kanyang emosyon dahil sa sinabi ni Jesilyn. Hinid na niya napigilan ang sarili. Tinawid niya ang natitirang espasyo sa pagitan nila at mahigpit na niyakap ang dalaga. Huminga siya nang malalim at katulad ng dati ay nalanghap niya ang mabangong amoy ng vanilla mula rito. Nang maramdamang pumaikot din ang mga braso nito sa katawan niya upang gumanti ng yakap ay napahinga siya nang malalim.

Ah. This feels good.

"Inaamoy mo na naman ako," bulong ni Jesilyn mula sa pagkakasubsob sa kanyang dibdib.

Bahagyang natawa si Ryan at humigpit pa ang yakap sa dalaga. Pagkatapos ay pinagbigyan na niya ang sarili at masuyong hinalikan ang tuktok ng ulo nito. "I can't help it. You always smell good. Sigurado ako na sa susunod, kapag nakaamoy ako ng vanilla ay ikaw ang maaalala ko. And I'm sure, it will always make me want to see you."

Humigpit ang yakap ni Jesilyn sa kanya. "Bakit ka ganyan? Lately, kapag nagsasalita ka, para kang..."

Umangat ang mga kilay ni Ryan nang hindi tapusin ng dalaga ang sasabihin. Ikinulong niya sa mga kamay ang mukha nito at maingat na iniangat para magtama ang kanilang mga mata. "Para akong ano?"

Sandaling lumunok muna si Jesilyn bago pabulong na sumagot, "Kapag nagsasalita ka, para kang nagpo-propose."

Napangiti si Ryan at hinaplos ng hinlalaki ang gilid ng mga labi ng dalaga. "Ah. You noticed."

Umawang ang mga labi nito at namilog ang mga mata.

Lumuwang ang kanyang ngiti. Jesilyn looked adorable. Hindi tuloy siya nakatiis at tinawid ang pagitan ng kanilang mga mukha at hinalikan ang dalaga sa mga labi. Ang intensiyon niya ay magaan at sandali lamang ang halik. Pero nagulat siya nang ipulupot nito ang mga braso sa kanyang batok at gumanti ng halik.

Humigpit ang yakap ni Ryan sa dalaga at pinalalim ang halik. Gumanti ito ng halik sa kaparehong intensidad at... may halong desperasyon. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay hinaplos niya ang mga pisngi ni Jesilyn at pinakatitigan. "Jesi. Natatandaan mo ba noong nasa Fountain Of Wealth tayo? Alam mo ba kung ano ang hiniling ko?"

"Ano?"

Muli ay magaan muna niyang hinalikan ang mga labi ng dalaga bago sumagot, "Humingi ako ng sign. Na kapag natapos na ang bakasyon natin at naghiwalay tayo, kapag nakita uli kita sa Pilipinas, ibig sabihin ay hindi kita dapat pakawalan. That you are the person I will spend the rest of my life with. Kaya nga nang muli tayong magkita at malaman ko na pag-aari ka ng iba ay sobra akong naapektuhan. Pero ngayon, okay na tayo, Jesi. Hindi ba?"

Nakita ni Ryan na namasa ang mga mata ng dalaga.

"Oh, Ryan. I—"

Hindi naituloy ng dalaga ang sasabihin dahil biglang tumunog ang cell phone niya. Noong una ay binale-wala niya iyon at hindi inalis ang pagkakatitig sa mukha ni Jesilyn. Subalit ayaw tumigil ng kung sino man ang tumatawag sa kanya.

"Sagutin mo na. Baka importante," usal ng dalaga.

"Pero importante rin ang sasabihin mo sa akin, hindi ba?" seryosong sagot niya.

Pilit na ngumiti si Jesilyn at umiling. "Hindi. Makakapaghintay naman ako. Sige na, sagutin mo na 'yan."

Marahas na napabuntong-hininga si Ryan at inis na dinukot ang cell phone sa bulsa. Si Maxene ang tumatawag. "Max, bukas na tayo mag-usap," agad na sabi niya.

"Hindi puwede. May problema tayo sa cover story ng Everything Sports. Gustong mag-back out ng sportsonality natin at ayaw niyang ipalathala ang article na isinulat natin tungkol sa kanya. Hindi ko siya makumbinsi at ayaw niyang sabihin sa akin kung bakit gusto na niyang mag-back out. Ikaw na lang ang puwedeng kumausap sa kanya. Ryan, we have to finish printing the magazine this week," natatarantang sagot ni Maxene sa kabilang linya.

"What? That's insane. Malinaw ang pag-uusap namin at ng manager niya," kunot-noong bulalas niya.

"Kaya nga kailangang ikaw ang kumausap sa kanya. I knew that female tennis player had a bad personality. Please, Ryan... Ikaw na lang ang makakasalba ng isang buwang pinaghirapan ng buong team," pakiusap ni Maxene.

Napatingin si Ryan kay Jesilyn nang maramdamang ginagap ng dalaga ang kanyang kamay at nakauunawang ngumiti.

"Go. Mag-usap na lang tayo sa susunod. Importante sa iyo ang trabaho mo, hindi ba? Don't neglect it. Go," udyok nito.

Tumiim ang kanyang mga bagang bago tumango at muling kinausap si Maxene sa kabilang linya. "Okay. Papunta na ako ng opisina. Saka mo idetalye sa akin." Iyon lang at tinapos na niya ang tawag. Huminga siya nang malalim at tiningnan si Jesilyn. "I have to go. I'll call you, okay?"

Tumango ang dalaga.

Hindi siya nakatiis at siniil ng halik ang mga labi nito bago siya tumayo, muling nagpaalam, at labag man sa loob ay umalis.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now