Part 18

24.1K 642 27
                                    

"What?" disoriented na usal ni Ryan. Hindi huminto ang dalaga sa paglalakad kaya tuluyan na niyang hinawakan ang braso nito, pagkatapos ay hinigit paharap sa kanya. Sa kabila ng dilim ay nakita niyang namumula ang mukha nito subalit may kislap ng determinasyon ang mga mata. Patunay na mukhang hindi siya nagkamali ng dinig. "You need to what?"

Huminga nang malalim si Jesilyn at matapang na sinalubong ang kanyang mga mata. "To kiss a stranger. Para sa courageous things to-do list ko."

Umawang ang mga labi ni Ryan. "Wala akong nabasang ganyan sa listahan mo."

"Hindi mo nabasa kasi isa iyon sa dalawang isinulat ko pagkatapos mong ibalik sa akin ang listahan," paliwanag ng dalaga, na para bang hindi big deal ang makipaghalikan sa kung sinong estranghero!

Isipin pa lamang ni Ryan na may kung sinong hinahalikan si Jesilyn ay para nang sasabog ang pagrerebelde at galit sa kanyang dibdib. No, he would never allow her to kiss a stranger.

"Burahin mo sa listahan mo 'yan. Mag-isip ka na lang ng iba," sabi niya na pilit kinokontrol ang emosyon.

Kumunot ang noo ng dalaga at kumalas mula sa pagkakahawak niya. Humakbang ito paatras at humalukipkip. "Ayoko nga. It took me so much courage just to write it down. At ngayong determinado akong gawin iyon bago pa ako maduwag ay hindi ako papayag na pigilan mo ako."

Tumiim ang mga bagang ni Ryan at naikuyom ang mga kamay. "No."

Namilog ang mga mata ng dalaga. "Ang sabi mo sa akin, hindi mo ako pipigilang gawin ang nasa listahan ko!"

Naningkit ang mga mata niya. "Kahit na. My decision is final. You will not kiss a stranger."

Ilang sandaling nagtitigan lamang sila. Pagkatapos ay kumislap ang pagrerebelde sa mga mata ni Jesilyn at tinalikuran siya. "Kung ganoon, hindi na tayo magkaibigan. I will still do what I want. Good-bye." Iyon lang at malalaki ang hakbang na naglakad ito palayo.

"Jesilyn!" malakas na tawag ni Ryan pero hindi ito lumingon. Tuluyan nang naputol ang pasensiya niya. Mabilis na sinundan niya ang dalaga. Bago pa sila tuluyang makalayo sa dalampasigan at makarating sa bahagi na maraming tao ay nahablot na niya ang braso nito. "Jesi."

Inis na pumihit ito paharap sa kanya. "Ryan, huwag mo akong pigilan."

Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi. "Walang magandang maidudulot sa 'yo ang gagawin mo. Natatandaan mo ba nang magpakalasing ka kagabi? Hindi ba sinabi mo sa akin kanina na hindi mo na iyon uulitin dahil hindi pala masaya? Kissing a stranger is the same. Pagsisisihan mo rin 'yon pagkatapos mong gawin. I can tolerate all your antics but I want you to set limitations, too."

"Hindi ko sinabing nagsisisi akong naranasan kong malasing. Sinabi ko lang na hindi ko na uulitin. Hindi ba mas maganda kung marami akong maranasan para alam ko kung ano ang dapat ulitin at ano ang hindi? Mas madali iyong tumimo sa isip kaysa kapag sinasabi lang ng iba na bawal at hindi ang isang bagay," katwiran ni Jesilyn.

"May mga bagay na alam mong hindi makakabuti kahit hindi mo maranasan. Besides, ano ang magiging epekto sa iyo kung manghahalik ka ng kung sino?" naiinis nang balik-tanong ni Ryan.

"Malaki!" malakas na sagot ng dalaga na ikinagulat niya. Lalo na nang may kumislap na desperasyon at mas malalim na emosyon sa mga mata nito na nagpasikip sa kanyang dibdib. "It will make a whole lot of difference to me. Hindi ko pa maipapaliwanag sa iyo pero kailangan ko itong gawin. Alam ko na siguro ang ibang tao ay may ibang paraan pero para sa akin na walang masyadong karanasan sa halos lahat ng bagay, ito lang ang naiisip ko para maayos ko ang takbo ng isip at puso ko."

Noon bumaha ang realisasyon sa isip ni Ryan. Napatitig siya sa dalaga at lumuwag ang hawak sa braso nito. Suddenly, it made sense. Hindi siya nahihirapan na harapin ang nararamdaman para kay Jesilyn dahil madali para sa kanyang malaman na espesyal ang namamagitan sa kanila. Iyon ay dahil marami na siyang nakilala at nakarelasyon kahit pa sabihing walang naging seryoso sa mga iyon. He could easily compare what he was feeling right now to what he never felt with all the women from his past. Subalit si Jesilyn ay walang ganoong karanasan.

Napabuntong-hininga si Ryan. Nawala na ang kanyang galit. "Fine. Naiintindihan ko ang gusto mong gawin. You want to compare so that you can be sure of what you are feeling right now. Tama ba ako?"

Tumango si Jesilyn at bahagya nang ngumiti. "Mabuti naman at naiintindihan mo ako."

Namaywang siya at nag-isip dahil ayaw pa rin niyang humalik ng kung sino ang dalaga. Hindi niya kakayaning manood lamang sa isang tabi habang may ibang humahalik dito. Siya nga ay ni hindi pa nahahalikan kahit pisngi man lang nito.

Napaderetso ng tayo si Ryan nang may maisip. Bumaba ang tingin niya sa mga labi ni Jesilyn at tumahip ang kanyang dibdib.

"Ryan?"

Nag-angat siya ng tingin hanggang magtama na ang kanilang mga mata. "Kung ayaw mo talaga magpapigil, fine," sabi niya na naging determinado na sa naisip na ideya. Mukhang nakahinga na nang maluwag ang dalaga at akmang magsasalita pero inunahan na niya. "Then kiss me."

Napaderetso ito ng tayo at umawang ang mga labi. "Ano?"

"Hindi ba sinabi mo kanina na hindi na tayo magkaibigan? Now, I am just a stranger to you, right? So kiss me," sabi niya at bahagya pang inilapit ang mukha sa dalaga. "If you want to confirm your feelings, don't kiss anyone else. Kiss me."

Namilog ang mga mata ni Jesilyn at namula ang mukha.

Umangat ang gilid ng mga labi ni Ryan at kahit nanghihinayang ay sigurado siyang hindi makakaya ng dalaga na halikan siya.

"Go on, kung kaya mo. Kung hindi mo ako kayang halikan, ibig sabihin hindi mo rin makakayang humalik ng kung sinong estranghero. Then you should erase that from your list," nakangiti pa ring sabi niya.

Bumakas ang realisasyon sa mga mata ni Jesilyn, patunay na alam ng dalaga na isang hamon ang sinabi niya. Na hindi siya naniniwalang kaya nitong gawin iyon.

Subalitnapalis ang ngiti ni Ryan at parang hinalukay ang kanyang sikmura nang biglangipatong ni Jesilyn ang mga kamay sa magkabila niyang balikat at tumiyad. Andthen she kissed him.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now