Part 33

24.4K 585 8
                                    

"RYAN, nandito ka nga."

Lumingon si Ryan nang marinig ang boses ni Jay at maramdaman ang pagtapik nito sa likod niya. Hindi niya namalayang nasa likuran na pala niya ang kaibigan kasama ang kanyang pinsan na si Draco.

Nasa counter siya ng club kung saan ilang taon ang nakararaan ay muli silang nagkita ni Jay matapos ang matagal-tagal na kawalan nila ng koneksiyon. Sa totoo lang ay matagal na siyang hindi napapadpad doon. Pero mula nang aksidente silang magkita ni Jesilyn sa restaurant ay bigla siyang nagkaroon ng udyok na magpunta roon at magpakalunod sa ingay at uminom. Hindi na kasi siya puwedeng magbabad sa kanyang opisina mula nang araw na iyon na nagkita sila ni Jesilyn dahil isang linggo nang sinisiguro ni Maxene na nakalabas na siya ng kompanya bago umuwi ang babae.

"Hey," bati ni Ryan sa tinig na mas malamya kaysa sa intensiyon niya. Napailing siya. Shit, lasing na yata ako. Not good. Pabuntong-hiningang inilayo niya ang baso ng alak na dapat ay iinumin pa niya. Kahit araw-araw na parang may mabigat na nakadagan sa kanyang dibdib, lalo na at palagi niyang nakikinita si Jesilyn sa kanyang isip ay wala siyang balak na magpakalunod sa alak. Usually, umiinom lang siya para maging maayos ang tulog niya sa gabi.

Nagkatinginan sina Jay at Draco bago muling tumingin sa kanya.

"You look like shit, Ryan," sabi ni Draco.

Mapait na natawa siya. "And I feel like shit. Thanks for pointing out the obvious, cousin."

Bumuga ng hangin si Jay. "Ilang linggo ka nang hindi napapadpad sa common area at marami na ang nakakapansin. Pero mas mabuti nga yata na hindi ka nila makitang ganyan dahil siguradong magtatanong sila. This is about the girl you met in Singapore, right?"

Sumikip ang kanyang dibdib at nag-iwas ng tingin. "Yeah. At dahil matalas ang pakiramdam ninyo nina Ross at Keith, alam ko na may ideya na kayo kung sino siya."

"Oo. Iyong girlfriend ni Apolinario. Nabanggit mo sa amin ang pangalan niya at nakita namin ang reaksiyon ninyong dalawa nang magkaharap kayo," walang pagdadalawang-isip na sagot ni Jay.

"What? If she's off-limits, then forget about her," kunot-noong sabi ni Draco.

Bumuntong-hininga uli si Jay. "Ah, ganyan din ang naisip ko tungkol kay Cherry noon. Madaling sabihin pero mahirap gawin."

Tumiim ang mga bagang ni Draco at naningkit ang mga mata. "Alam ko. But what can you do if it's forbidden to like her?"

Napatitig si Ryan sa kanyang pinsan at napailing. "Hindi na lang yata ako ang tinutukoy mo, Draco."

Hindi kumibo si Draco at sabay pa silang napabuntong-hininga.

Nagulo ni Ryan ang kanyang buhok at mariing pumikit.

"Wow. Depressing. Tumayo ka na nga diyan, Ryan, at umuwi na tayo sa Bachelor's Pad," sabi ni Jay na muling tinapik ang kanyang likod.

"But it's only eight in the evening," sagot niya.

"So what? Kung iniiwasan mong makita si Montes, eh, di dumeretso ka na lang sa unit mo. Come on, tayo na," giit pa rin ni Jay.

Napabuga ng hangin si Ryan at tumalima na lamang. Naghiwa-hiwalay sila sa parking lot dahil may dala siyang sasakyan at ganoon din si Jay. Si Draco naman ay dala ang Ducati bike nito. Mabuti na rin iyon dahil wala talaga siya sa mood na makipag-usap kahit kanino. Mas gusto niyang mapag-isa habang pauwi.

Nasa biyahe na siya nang mapangiwi sa pagsirit ng sakit sa kanyang ulo. Binagalan niya ang takbo ng kotse. Malamang, dahil ilang linggo na siyang kulang sa tulog, pagod sa trabaho, at sinamahan pa ng alak kaya sumasakit nang ganoon ang kanyang ulo.

"Ugh! Kailan ka pa naging ganito ka-pathetic, Ryan Decena?" inis na usal niya at marahas na napailing.

Kahit kailan ay hindi siya naging ganoon. Tuwing may dumarating na problema sa kanyang buhay ay ginagawa niya iyong motivation para lalong magsikap. Hindi niya hinahayaang malugmok sa depresyon. So no, he was not going to self-distruct. Kailangan niyang hamigin ang sarili. Dapat, ang gabing iyon ang huling beses na magiging ganoon siya. Pero bago ang lahat ay kailangan niyang bumili ng gamot para sa sakit ng kanyang ulo.

Kanina pa nawala sa paningin ni Ryan ang sasakyan ni Jay at ang motor ni Draco subalit ayos lang iyon. Binagalan pa niyang lalo ang pagpapatakbo ng kotse at humanap ng mabibilhan ng gamot. May natanaw siyang convenience store sa hindi kalayuan kaya kumambiyo siya at pumarada sa tapat niyon. Pumasok siya at bumili ng mineral water at paracetamol.

Ilang minuto lamang ang nakalilipas ay lumabas na uli si Ryan sa Happy Mart Convenience Store at maglalakad na sana pabalik sa sasakyan nang may mahagip ang tingin na pamilyar na pigura ng isang babae. Sumikdo ang kanyang puso at biglang luminaw ang isip nang lumingon at makita si Jesilyn. Tila nanggaling ang dalaga sa likurang bahagi ng Happy Mart Convenience Store at naglalakad patungo sa gilid ng kalsada. Mukhang pauwi na ito. Hindi lumingon sa direksiyon niya si Jesilyn kaya hindi siya nito nakita. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong mapagmasdan nang husto ang dalaga.

Bakit ba palagi silang nagkikita na para bang napakaliit ng mundo? Bago naman sila magkita sa Singapore ay hindi sila magkakilala. Ngayon, kahit ayaw niya ay aksidenteng nagsasalubong ang mga landas nila.

Pakiramdam tuloy ni Ryan ay pinaglalaruan siya ng tadhana. Pag-aari na nga ng iba ang unang babaeng nagustuhan niya nang husto ay hindi pa niya ito magawang kalimutan dahil nakikita niya ito nang hindi inaasahan na gaya ngayon.

Kumunot ang noo ni Ryan nang mapansin na sa halip na pumara ng taxi ay nanatili lamang si Jesilyn na nakatayo sa gilid ng kalsada na para bang may malalim na iniisip. Wala sa loob na humakbang siya hanggang masilip na niya ang gilid ng mukha ng dalaga. Parang may hinalukay sa kanyang sikmura nang makita ang lungkot sa mukha nito habang nakatitig sa kawalan. Naikuyom niya ang mga kamay at akmang lalapit na nang kumurap naman ang dalaga at mabilis na tumawid sa kalsada.

Gulat na napasunod siya ng tingin hanggang makatawid sa kabilang panig ng kalsada si Jesilyn at pumasok sa isang coffee shop. Alam ni Ryan na ang tamang gawin ay magtungo na sa kanyang sasakyan at umuwi na. Subalit ayaw makinig ng katawan niya sa lohika ng kanyang isip dahil natagpuan niya ang sariling tumawid na rin. Napahinto siya bago pa tuluyang maglakad palapit sa coffee shop. Mariing namura niya ang sarili.

What the hell am I doing? Shit. Get back to your car, Ryan Decena. Get back.

Huminga siya nang malalim at nag-angat ng tingin. Mula sa kinatatayuan ay nakita niyang um-order si Jesilyn sa counter bago bitbit ang order ay pumuwesto sa dulong mesa. May inilabas ang dalaga mula sa bag at naningkit ang mga mata ni Ryan dahil may palagay siyang iyon ang notebook na sinusulatan nito noong nasa Singapore sila.

Bigla ay bumalik sa kanya ang lahat ng alaala ng ilang araw nilang pagsasama. Naalala niya ang kada umaga nilang pagkikita sa café sa ground floor ng hotel na kanilang tinuluyan. He remembered how the morning sun bathed her face, making her look like an angel. Lalo na kapag nag-aangat ng tingin si Jesilyn kapag naramdaman na nito ang presensiya niya at gagawaran siya ng matamis na ngiti. He remembered how seeing her like that made him want to pull her close. Pero dahil pinipigilan ang sarili ay nakokontento na lamang siya na tapikin ang ulo ni Jesilyn o kaya ay haplusin ang buhok nito.

Higit sa lahat ay naalala ni Ryan ang halik na kanilang pinagsaluhan sa dalampasigan, and that night when they made love.

Napahinga siya nang malalim dahil parang lumobo ang dibdib niya sa pagdaloy ng mga alaala. May bumikig sa kanyang lalamunan at nang mga sandaling iyon ay hinayaan niya na mamayani ang udyok ng puso kaysa isip. Gusto niyang lapitan si Jesilyn. Gusto niyang makausap ang dalaga.

Muling kumilos ang mga paa ni Ryan at tuluyang pumasok sa coffee shop. Mas malinaw niyang nakita si Jesilyn na nakayuko na naman sa notebook nito. Lalong tumindi ang determinasyon sa kanyang dibdib at naglakad palapit sa mesa nito.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now