Part 46

26.6K 715 50
                                    

TUMANGGI si Jesilyn na magpahatid kay Apolinario hanggang sa bahay nila sa kabila ng pamimilit ng lalaki. Sigurado kasi siyang nasa bahay na ang kanyang mga magulang at ayaw niyang magkaroon ng nakakailang na sandali kapag nakita ng mga ito na inihatid siya ng dating nobyo.

Sa halip ay pinahinto na lamang niya ang kotse ni Apolinario sa gate ng kanilang subdivision at naglakad na lamang. Malayo sa entrada ng subdivision ang bahay nila pero okay lang. Kailangan niyang maglakad para makapag-isip nang maayos. Hindi kasi mawala sa isip niya ang huling sinabi ni Apolinario bago sila lumabas ng kanyang opisina.

Anong solusyon ang sinasabi ng lalaki? Kahit anong tanong niya ay hindi nito ipinaliwanag hanggang magkahiwalay na sila. May balak ba si Apolinario na kausapin si Ryan? Sumikdo ang puso niya sa kaba nang maisip iyon.

Natigilan si Jesilyn at medyo nagulat pa nang mapagtanto na nasa tapat na siya ng kanilang bahay. Napatingin siya sa wristwatch na suot at namangha nang makitang halos kalahating oras siyang naglakad pero pakiramdam niya ay mabilis lang naman. Ganoon ba kalutang ang isip niya?

Napabuntong-hininga siya at hinamig ang sarili bago pumasok sa gate nila at naglakad papasok sa bahay.

Nagulat pa siya nang makita ang kanyang mga magulang na pababa ng hagdan. Mukhang galit ang kanyang ina habang nakasunod naman ang papa niya. Hindi na tuloy niya naisara ang pinto at napalakad na para salubungin ang mga ito.

"Mama, Papa? Ano'ng problema?" malakas na tanong ni Jesilyn dahil inakala niyang nag-aaway ang dalawa.

Natigilan ang kanyang mga magulang at napatingin sa kanya. Lalong bumakas ang galit sa mukha ng kanyang ina at mabilis na lumapit sa kanya.

"Mabuti naman at nandito ka na. Ipaliwanag mo nga kung ano ang ibig sabihin nito!" bulalas nito at iwinagayway ang paper bag na naglalaman ng mga gamot na inireseta ni Tito Basil.

Noon napagtanto ni Jesilyn na siya ang dahilan kung bakit galit ang kanyang ina.

"Ilang araw mo na ito dapat iniinom pero wala pang bawas kahit isa! Pinapabayaan mo na ba talaga ang kalusugan mo, ha? Hindi mo na ba iniisip kung ano ang nararamdaman namin ng papa mo? Gusto ka naming maging malusog."

Nanlamig si Jesilyn at nanginig ang mga labi. Awtomatikong napayakap siya sa kanyang sinapupunan. "Sorry po. Pero hindi ko puwedeng inumin ang mga gamot na 'yan."

"Pero bakit?" tanong ng kanyang ama. Mukhang may sasabihin pa ito ngunit natigilan at katulad ni Tito Basil ay bumaba ang tingin sa kanyang sinapupunan.

Nag-init ang mga mata ni Jesilyn nang makitang namutla ang kanyang papa. "I'm sorry," usal niya.

"Bakit nga?" bulalas naman ng kanyang ina.

Bago pa maisip ni Jesilyn kung paano magtatapat ay naistorbo sila ng tunog ng dumating na sasakyan. Kasunod niyon ay ang malakas na tunog ng binuksang gate at mga yabag na tila tumatakbo.

"Sino 'yon?" sabay pang naitanong ng kanyang mga magulang.

Pero si Jesilyn ay nagkaroon ng kutob. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at mariing napapikit. Nang muling dumilat ay nakita niyang nakatayo na si Ryan sa pintuan. Hinihingal pa ang binata mula sa pagtakbo. Deretso ang tingin nito sa kanya.

Nang makita niya ang emosyon sa mga mata ni Ryan ay parang may lumamukos sa kanyang puso. Nasisiguro niya na may alam na ito tungkol sa kanya. Ano ang sinabi ni Apolinario? Na may sakit siya o buntis siya?

Nagsimulang maglakad si Ryan palapit sa kanya na parang wala itong ibang nakikita nang mga sandaling iyon kundi siya lamang.

"Jesilyn..."

Namasa ang kanyang mga mata. "Ryan..."

"Who is this young man, Jesilyn?" biglang tanong ng kanyang ama.

Sabay pa silang napakurap ni Ryan at napalingon sa kanyang mga magulang na para bang noon lamang nila napansin na hindi lamang silang dalawa ang tao roon. Nakatingin na ang mama at papa niya sa binata.

Hinamig ni Jesilyn ang sarili. "Ryan, sila ang mga magulang ko. Papa, Mama, siya po si Ryan."

Agad na lumapit ang binata sa kanyang mga magulang at inilahad ang kamay. "Ryan Decena. Alam ko ho na dapat noon pa ako nakipagkita sa inyo. I apologize for being late. Jesi and I met in Singapore," wika nito sa medyo paos na tinig na para bang nagpipigil ng emosyon. "Patawarin n'yo ho ako pero puwede bang makausap ko ang anak ninyo?" Nilingon siya ng binata at sinalubong ang kanyang tingin. "May nakaligtaan lang siyang sabihin sa akin na importante."

Tumikhim ang papa ni Jesilyn at inakbayan nito ang asawa. "Come on, hon. Let's give them time to talk."

Mukhang ayaw pa ng mama ni Jesilyn na iwan sila ni Ryan pero inakay na ito ng kanyang ama paakyat sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Napahugot siya ng malalim na hininga nang makapasok sa master bedroom ang mga magulang niya. Alam niya na iyon na talaga ang sandaling kailangang sabihin kay Ryan ang lahat. "Plano kong sabihin sa iyo noong huli tayong nag-usap," basag niya sa katahimikan.

Tumiim ang mga bagang ni Ryan at humakbang palapit sa kanya. "Dapat sinabi mo sa akin noon pa. Noong tinanong kita kung talaga bang magaling ka na. Ang sabi mo, okay ka na at naniwala ako sa iyo. Masyado ba akong unreliable na hindi mo magawang sabihin sa akin na may dinaramdam ka? Bakit kay Montes ko pa malalaman ang totoong kalagayan mo?" puno ng hinanakit na tanong ng binata.

Marahas na umiling si Jesilyn. "Hindi 'yon ang dahilan kung bakit hindi ko sinabi."

"Kung ganoon, ano ang dahilan? Natakot ka na tatalikuran kita kapag nalaman ko na may sakit ka? Ganoon ba kababaw ang tingin mo sa nararamdaman ko para sa 'yo?" sikmat ni Ryan.

"Hindi! Natakot ako na hindi mo na ako iiwan!" sigaw niya.

Nagitla ang binata. "Ano'ng mali roon? I love you. May sakit ka man o wala, hindi talaga kita iiwan."

Tuluyan nang tumulo ang kanyang mga luha nang marinig mula kay Ryan na mahal siya nito. "I don't want you to suffer because of me. Naisip ko noon na kung malala ang kalagayan ko ay lalayuan kita dahil ayokong masaktan at mahirapan ka dahil sa akin."

Hinawakan siya ni Ryan sa magkabilang balikat at hinigit hanggang magkalapat ang kanilang mga katawan. "I don't care if I suffer or if I get hurt as long as I am beside you. Jesi, mahal kita at gusto kitang makasama. Kung ano man ang pinagdadaanan mo, gusto kong nasa tabi mo ako. I want to share your pain, the same way that I want to share your happiness. Alam ko na hindi puro kaligayahan ang mayroon sa mundong ito. Handa ako do'n. Pero huwag mong ipagkait sa akin na makasama ka. Dahil higit sa takot na masaktan at mahirapan, mas takot akong mabuhay na wala ka," litanya ng binata na may himig ng pakiusap.

Napahikbi si Jesilyn. "Iyan mismo ang rason kung bakit pinag-iisipan kong makipaghiwalay sa iyo kung sakali. Dahil paano kung mamatay ako?"

Tumiim ang mga bagang ni Ryan at humigpit ang hawak sa kanya. "Hindi 'yan mangyayari. Magpapaopera ka at magiging okay ka."

"I can't," bulalas niya. "Hindi ako puwedeng magpaopera."

Bumakas ang helplessness at frustration sa mukha ng binata. "Pero bakit?"

"Kasi buntis ako!"

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now