Part 26

23.4K 619 34
                                    


Sumikdo ang puso ni Jesilyn sa pangalan na iyon. Alam niya na masyadong common ang pangalan na Ryan at dapat ay hindi nagiging ganoon ang reaksiyon niya tuwing maririnig iyon. Pero grabe, may kakilala rin si Apolinario na Ryan ang pangalan? Nakakakaba naman ang coincidence na iyon.

Nahiling ni Jesilyn na sana ay nagawa niyang magkunwaring hindi apektado sa pangalan na iyon. After all, she was Apolinario's date tonight. Hindi siya dapat naaapektuhan ng pangalan ng ibang lalaki.

Even if it's the name of someone I love.

Unti-unti na siyang nagiging komportable sa pakikipag-usap sa mga babae sa grupong iyon nang mapatingin sa kung saan ang mga lalaki at biglang magsalita si Jay. "O, 'ayan na pala si Ryan."

"Ryan went out of the country for a vacation, right? Ngayon lang kami uli magkikita," sabi naman ni Charlie.

Nanlamig si Jesilyn. Coincidence ba uli iyon? Subalit nadama niya ang presensiya ng palapit sa grupo nila. Kahit nakatalikod siya ay biglang kumalat ang kakaibang kilabot sa buong katawan niya at nagwala ang mga paruparo sa kanyang sikmura. Isang tao lamang ang nagdulot ng ganoong reaksiyon sa katawan niya. Isang tao na laman ng isip niya sa nakaraang linggo.

"Ano pa'ng ginagawa ninyo rito? Magsisimula na ang programa sa area na tinayuan nila ng stage. Let's go," sabi pa ng pamilyar na tinig.

Pakiramdam ni Jesilyn ay tumalon palabas ang kanyang puso. Namayani ang kagustuhan niyang makita ang nagsalita kaya bago pa siya nakapag-isip nang maayos ay lumingon na siya. Nag-init ang kanyang mga mata at muntik nang maiyak nang makita ang nakangiting mukha ng lalaki na noong huli niyang nakita ay mahimbing pa ang tulog.

Si Ryan. Her Ryan. Her heart jumped with happiness to see him again. Nakangiti ang binata habang nakatingin sa mga lalaking naroon. Pero nang mapunta sa kanya ang tingin ay napalis ang ngiti nito at bumakas ang pagkagulat sa mga mata.

"Ryan, long time no see," biglang sabi ni Apolinario na nasa tabi niya.

Napakurap si Ryan at inalis ang tingin kay Jesilyn. Nginitian nito si Apolinario. "Yeah. I was out of the country last week. And then this week, ikaw naman ang out of town," sagot pa ni Ryan.

Noon parang binuhusan ng nagyeyelong tubig si Jesilyn. Dahil noon tumimo sa utak niya ang dahilan kung bakit nakikita niya sa lugar na iyon si Ryan na inakala niya ay hindi na makikita pa kahit kailan. Kaibigan ito ni Apolinario.

Oh, God. Why? Bakit sa ganitong sitwasyon pa sila dapat muling magkita?

"By the way, I'm seeing a new face here," sabi ni Ryan na muling tumingin sa kanya.

Pinanlamigan siya at parang nais nang tumakbo palayo sa lugar na iyon subalit para din namang napako ang kanyang mga paa sa kinatatayuan. Lalo na nang akbayan siya ni Apolinario.

"She's my date," nakangiti pang sabi ng kasintahan.

Sandaling may kumislap na pait at galit sa mga mata ni Ryan bago iyon nawalan ng emosyon. At nang magtama ang kanilang mga tingin ay naging malamig pa ang titig nito.

"Date? Ngayon ka lang nagdala ng date," sabi ni Ryan. Maging ang tono nito ay malamig din.

At alam ni Jesilyn na para iyon sa kanya. Parang may lumamutak sa puso niya. But she knew that she could not blame anyone for Ryan's anger and pain but herself. She deserved it. But still, God, it hurt.

"Yes. This is Jesilyn. Siya 'yong sinasabi ko sa iyo noong kasal nina Rob. Remember?" sagot ni Apolinario.

Tumiim ang mga bagang ni Ryan at nahuli ni Jesilyn ang kislap ng hinanakit sa mga mata nito bago inalis ang tingin sa kanya at nakangiti nang bumaling kay Apolinario. Hindi niya alam kung siya lang ba ang nakapansin, pero sigurado siya na peke ang ngiting iyon.

"Yeah. Your girlfriend. 'Yong sinasabi mo na balak mong pakasalan."

Kaswal ang pagsasalita ni Ryan. Pero sa pandinig ni Jesilyn ay tila patalim iyon na humiwa sa kanyang dibdib. Nagbaba siya ng tingin at nag-init ang kanyang mga mata. So, magkaibigan talaga ang dalawa. Malapit sila sa isa't isa to the point na nasabi na ni Apolinario kay Ryan ang tungkol sa kanya? At ngayon ay alam na ng binata na ang babaeng nakasama nito sa Singapore, ang babaeng hinalikan nito at pumayag na makasiping ito ng isang gabi ay may kasintahan pala. She must look like a cheap two-timing woman to him now.

Pero hindi ba iyon ka naman talaga? buska ng isang bahagi ng isip ni Jesilyn. Pakiramdam niya, kapag nanatili pa silang nakatayo roon ay hindi na kakayanin ng mga tuhod niya. Gusto niyang magtungo sa lugar na walang tao. Gusto niyang—

Napapikit si Jesilyn nang kumirot ang kanyang dibdib at mahirapang huminga. Hayun na naman ang abnormal na pagtibok ng kanyang puso. Pasimpleng napahawak siya sa kanyang dibdib at huminga nang malalim. No, I'm not going to get sick here. Hindi sa harap ni Ryan. Hindi sa harap ng mga kaibigan niya.

"Hey, let's go near the stage already. Come on, Ryan, puntahan natin si Draco," pagyayaya ni Jay na umakbay pa kay Ryan. Nagpatiuna sa paglalakad ang dalawa at nagsimula namang sumunod ang iba.

Nang tumingala si Jesilyn upang sundan ng tingin ang mga ito ay nakita niyang tila may ibinulong si Jay kay Ryan at tinapik pa ang balikat ng huli. Napansin ba ni Jay ang tensiyon sa pagitan nila ni Ryan? May alam ba ito tungkol sa kanila?

"Let's go, Jesi," aya sa kanya ni Apolinario.

Pakiramdam ni Jesilyn ay hindi pa rin tuluyang nawawala ang abnormal na tibok ng kanyang puso at kakapusan ng paghinga. Kumapit siya sa braso ni Apolinario upang pigilan. Tiningala niya ang kasintahan. "Pol, mauna ka na. Pupunta lang ako sa restroom," bulong niya. Hindi dahil ayaw niyang marinig ng iba kundi dahil ganoon lamang kalakas na boses ang kaya niya.

Napatitig sa kanya si Apolinario at bumakas ang pag-aalala. "Masama ba ang pakiramdam mo? Maputla ka."

Pilit siyang ngumiti at umiling. "I'm fine. I just need... restroom," paputol-putol na usal niya. Bago pa may masabi ang lalaki ay bumitaw na siya sa braso nito at tumalikod. Naglakad siya palabas ng venue ng exhibit. Pero sa halip na magtungo sa restroom ay dumeretso siya sa bahagi ng hotel na may open garden. Nadaanan nila iyon kanina nang papunta sila sa venue kaya natatandaan niya. Sa totoo lang ay mas kailangan niya ng hangin kaysa magbanyo.

Paulit-ulit na huminga nang malalim si Jesilyn nang makarating sa maliit na open garden. Mabuti na lamang at may stainless chair doon. Umupo siya at mariing pumikit. Matagal siyang nanatili lamang na ganoon habang kinakalma ang kanyang puso at hinahabol ang paghinga. Nang unti-unting bumalik sa normal ang tibok ng puso niya ay marahan siyang dumilat. Tumitig siya sa kawalan.

Maybe I should stay here until the end of the event. Para hindi ko makita si Ryan. Hindi ako madaling magtago ng emosyon at alam kong mahahalata ng lahat na magkakilala kami kapag nanatili pa akong kasama sila.

It was a tempting thought. Pero alam din ni Jesilyn na isa iyong karuwagan. At nangako siya noong una pa lamang siyang magsulat ng courageous things na kahit sa pang-araw-araw na buhay ay susubukan niyang maging matapang.

Makalipas ang ilang minuto, nang normal na uli ang paghinga ni Jesilyn ay tumayo na siya. Huminga siya nang malalim sa huling pagkakataon at nag-ipon ng lakas ng loob. Pagkatapos ay pumihit na siya paharap sa entrada ng hardin upang lumabas.

Subalit natigilan siya at nahigit ang hininga nang may pumasok sa hardin at bale-walang isinara ang sliding door. Umawang ang kanyang mga labi. "Ryan?" naiusal niya habang titig na titig sa binata. Paano nito nalaman na naroon siya? Hindi ba nagpunta na ito sa stage area dahil magsisimula na ang charity auction? Bakit siya sinundan ni Ryan?

Humarap sa kanya si Ryan at para siyang tinarakan ng punyal sa dibdib nang makita ang galit sa mga mata nito. "Let's talk."

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें