Part 32

25.1K 610 41
                                    

MADALING-ARAW na nakatulog si Jesilyn dahil paulit-ulit niyang binalikan sa isip ang sandaling magkasama sila ni Ryan. Tuloy ay tinanghali siya ng gising kinabukasan kaya late na siya nakarating sa main branch ng Happy Mart.

Natigilan si Jesilyn nang may makitang pamilyar na kotse sa parking lot. Sasakyan iyon ni Apolinario. Pagkatapos ng dalawang linggo ay handa na bang makipag-usap uli sa kanya ang lalaki? Sa naisip ay napabilis ang paglalakad niya papasok sa staff area ng Happy Mart. Ang dulong pinto roon ang kanyang opisina.

Subalit ilang hakbang pa ang layo sa kanyang opisina ay kumunot na ang noo ni Jesilyn nang makarinig ng tila nagtatalo mula sa loob. Umawang ang kanyang mga labi at nataranta nang marinig ang pamilyar na boses nina Sheila at Apolinario. Hinawakan na niya ang seradura ng pinto nang maging malinaw sa pandinig niya ang mga sinasabi ni Sheila.

"Alam mo, pinapahirapan mo lang ang sarili mo at si Jesilyn sa pagmamatigas mo, Apolinario. Do you even love her? As in the kind of love that consumes you and makes you sleepless all night? Iyong pag-ibig na halos hindi mo mapigilan ang sarili mo na hindi siya ikulong sa mga bisig mo? Iyong hindi ka mapakali na hindi siya nakikita? Kung hindi, bakit ka pa nagmamatigas? Sa tingin ko, hindi mo siya mahal sa paraang dapat minamahal ng isang lalaki ang isang babaeng gusto niyang pakasalan at makasama habang-buhay. Sa tingin mo lang kasi ay siya ang perpektong babae para sa perpektong plano mo sa buhay. Hindi mo ba alam na boring ang buhay na planadong-planado? Mas exciting kapag maraming sorpresa," litanya ni Sheila.

"Sa tingin ko ay hindi mo alam ang sinasabi mo dahil hindi ka pa naman nagkakaroon ng boyfriend kahit kailan. Hindi mo rin alam kung bakit ako nandito at hinihintay si Jesi. So stop your sermon," sagot naman ni Apolinario.

Napangiwi si Jesilyn dahil sigurado siyang ano mang sandali ay baka lumala na ang sagutan ng dalawa. Huminga siya nang malalim at binuksan ang pinto.

"P-paano mo nalaman na—"

Nahinto ang akmang pagsasalita pa ni Sheila dahil napalingon na ang dalawa sa kanya. Namumula ang mukha ng kanyang kaibigan, kung dahil sa galit o kung ano pa man ay hindi niya sigurado.

Si Apolinario naman ay sumeryoso ang ekspresyon at humarap sa kanya. "I want to talk to you."

Tumango si Jesilyn at sumulyap kay Sheila. Bahagya niyang nginitian ang kaibigan. "Sheila?"

Marahas na bumuntong-hininga ang babae at tumango. "Okay." Naglakad ito papunta sa pinto at lumingon muna sa kanila sa huling pagkakataon bago tuluyang lumabas.

Sandaling namayani ang katahimikan bago tumikhim si Jesilyn. "Upo ka," aniya at itinuro ang couch. Tahimik na tumalima si Apolinario. Siya naman ay umupo sa katapat na couch at pinagsalikop ang mga kamay. Tumikhim siya. "It's been two weeks," usal niya.

"Yes. At sa loob ng dalawang linggo na iyon ay pinag-isipan ko ang naging pag-uusap natin," sa wakas ay sabi ni Apolinario. Sinalubong nito ang kanyang mga mata at napalunok siya nang biglang makaramdam ng kaba. "Narinig mo ba ang mga sinasabi sa akin ni Sheila kanina?"

"About the kind of love that consumes you and makes you sleepless all night? Oo," naiilang na sagot ni Jesilyn.

Tumango si Apolinario. "Aaminin ko na wala akong alam tungkol sa ganoong klase ng pagmamahal. I never felt that way about anyone. Kaya kahit dalawang linggo na ang lumipas ay hindi ko pa rin maintindihan ang pinagdadaanan mo. Kung bakit handa kang guluhin ang normal at maayos mong buhay dahil lang sa maiksing sandaling nakakilala ka ng ibang lalaki. You said you fell passionately in love. Pero hindi mo ba naisip na baka nadala ka lang ng sitwasyon? You were in a different country and you were alone. Ang lalaking iyon ang nagkataong nakasama mo. You felt he was special because of that. Pero ngayong wala na kayo sa ganoong sitwasyon, ngayong nasa realidad ka na at bumalik sa normal mong buhay, that kind of love will soon fade away."

Nag-init ang mga mata ni Jesilyn at bahagyang umiling. "Hindi ko alam kung tama ka sa sinabi mong 'yan. Pero sa ngayon ay hindi pa nawawala ang nararamdaman ko, Pol. That's why I don't want us to stay together anymore. Unfair para sa 'yo dahil alam ko na may ibang laman ang puso ko. Maiintindihan mo ako kapag nagmahal ka na rin ng ganito."

Naglapat nang mariin ang mga labi ni Apolinario at bumakas ang frustration sa mukha. "But Jesi, I believe that what I feel for you is close to love. Totoo na niligawan kita noon dahil sa udyok ni Papa. You know I can never say no to him. But I've learned to like you."

"Alam ko," usal ni Jesilyn. "I like you, too. Pero hindi dapat hanggang doon lang ang damdamin natin para sa isa't isa. Dapat hindi lang ganoon ang nararamdaman mo para sa taong gusto mong pakasalan. Don't settle for that kind of like, Pol. Please, let's break up."

"Pero ang sabi mo hindi naman na kayo magkikita ng lalaking 'yon."

Natigilan si Jesilyn at may nakapang guilt nang maalala na nagkita sila ni Ryan kagabi lamang. Nagbaba siya ng tingin at sandaling naisip na magsinungaling pero nagbago ang kanyang isip. Ayaw niyang madagdagan pa ang kasalanan kay Apolinario.

"Aksidente kaming nagkita kagabi. Kumakain akong mag-isa sa isang restaurant at dumating siya na may kasamang mga kaibigan. N-nag-usap kami."

Natahimik ang lalaki. Napansin niya ang pagkuyom ng mga kamay nito. "So, nagdesisyon kayong dugtungan ang namagitan sa inyo noong nasa Singapore kayo?" malamig na tanong nito.

Nag-angat siya ng tingin at umiling. "G-galit siya sa akin. At sa tingin ko ay hindi niya ako mapapatawad. Hindi niya alam na committed ako nang magkakilala kami at nang malaman niya 'yon ay nagalit siya. Gusto niyang kalimutan ko ang lahat ng pinagsamahan namin. Na kalimutan ko na siya. D-dahil iyon din daw ang gagawin niya..." Gumaralgal ang kanyang tinig kaya kinailangan niyang huminto sa pagsasalita at huminga nang malalim upang hamigin ang sarili.

Pinakatitigan siya ni Apolinario. "And you can still say that you love him? Na hindi nawawala ang nararamdaman mo para sa kanya?" kunot-noong tanong nito.

Ngumiti si Jesilyn at tumango. "Masochistic, 'no? Hindi ko rin naisip na magiging ganito ako kapag nagmahal."

Matagal na namayani ang katahimikan sa pagitan nila bago marahas na bumuntong-hininga si Apolinario.

"Let's break up. Dahil alam ko na kahit magmatigas ako ay hindi na magiging tulad ng dati ang relasyon natin. We will just make each other miserable and I don't want that." Tinitigan siya ng lalaki. "I think you are miserable enough. Ayokong dumagdag pa. Hindi 'yon makakabuti sa 'yo."

Natigilan si Jesilyn at namilog ang mga mata nang may mapagtanto. Sumikdo ang kanyang puso. "Pol, alam mo ang tungkol sa kondisyon ng puso ko bago ko pa sabihin sa 'yo?" mahinang tanong niya.

Tumango si Apolinario. "Sinabi sa akin ni Papa. It was the day he asked me to marry you. Ilang linggo kong pinag-isipan bago kita niyayang magpakasal. Pero hindi na 'yon mangyayari ngayon, hindi ba?"

Umawang ang kanyang mga labi.

Tumayo na ang lalaki at bigla ay nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. Naging indifferent at malamig. "Mula ngayon, wala na tayong relasyon. But I don't want to be the one to break the news to our parents. Lalo na kay Papa. I never wanted to disappoint him and you know that."

Nakagat ni Jesilyn ang ibabang labi dahil alam niyang hindi magiging madali ang pagsasabi sa kanilang mga magulang. Pero responsibilidad niya iyon. "Ako ang magsasabi sa kanila," sagot niya.

"Good. Aalis na ako," sabi ni Apolinario. Tumalikod na ito at nagsimulang maglakad nang hindi nakatiis si Jesilyn at tumayo rin.

"Pol," pigil niya. Huminto ang lalaki pero hindi lumingon. Huminga siya nang malalim. "I wish you happiness. I really do."

Nilingon siya nito. "I know." Iyon lang at tuluyan nang lumabas si Apolinario.

Nang mag-isa na lamang ay saka tumulo ang kanyang mga luha. Ano man ang damdamin nila para sa isa't isa ay isang taon din naman ang naging relasyon nila. Naging espesyal sa kanya si Apolinario. Breaking up was still hard and painful for her. At sigurado siya na ganoon din ang nararamdaman ng lalaki. Hindi lang nito iyon aaminin. Lalong hindi ito magpapakita ng kahit na anong emosyon sa harap ng ibang tao.

Jesilyn cried, hindi lang para sa kanya kundi para kay Apolinario, para sa isang taon na pinagsamahan nila, para sa hinaharap na pinlano ng binata na hindi na matutupad, at para sa kanyang pag-ibig na mali ang timing.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now