Part 8

29K 622 16
                                    

Sandaling kumislap ang pagkabigla sa mga mata ni Ryan bago siya pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa na para bang hindi ito naniniwala na beinte-siyete anyos na siya. Hindi naman niya masisi kung bakit inakala nitong bata pa siya. Five feet-two inches lang kasi ang kanyang taas at sa suot na maong shorts, sneakers, at polo blouse ay mukha naman talaga siyang mas bata kaysa sa tunay na edad. Lalo na sa tabi ni Ryan na malaking lalaki. Hanggang dibdib nga lang siya nito.

"Gusto mo bang makita ang passport ko?" tanong ni Jesilyn.

Bumalik sa kanyang mukha ang tingin ni Ryan. Pagkatapos ay nabigla pa siya nang bahagyang natawa ang lalaki dahilan kaya umaliwalas ang mukha nito.

"Hindi na kailangan. Let's go. I'll accompany you just to make sure that you're not going to do anything crazy."

Natawa siya. "Huwag kang mag-alala. Bukas ko pa balak simulang gawin ang mga nakasulat sa listahan ko," sagot niya, sabay kindat at nagpatiuna nang maglakad palayo ng hotel. Sumunod sa kanya si Ryan.

Natuwa si Jesilyn sa paglilibot sa naglalakihang malls sa bahaging iyon ng Singapore. Hindi niya maitago ang pagkaaliw. Bagay na mukhang bale-wala naman kay Ryan dahil hinahayaan lang siya nitong tumingin sa mga stall. Sa katunayan, kapag napapatingin siya sa lalaki ay nahuhuli niya itong nakangiti at tila naaaliw habang nakatingin sa kanya.

Ang nakakagulat ay wala siyang nararamdamang pagkailang habang kasama si Ryan, samantalang kanina lang ay ilag siya rito habang nasa tapat sila ng kani-kanilang hotel room. Sa katunayan, habang naglalakad sila at nag-uusap ay parang matagal na silang magkakilala. Para bang noon pa man ay magkaibigan na sila. Komportable at ligtas ang pakiramdam niya habang kasama ito.

Nalaman din ni Jesilyn na hindi iyon ang unang beses ng lalaki sa Singapore. Kaya marami siyang natutuhan mula rito na kung mag-isa lamang siya ay baka hindi niya malalaman. Katulad na lamang ng kung saan masarap kumain at kung ano ang specialty sa bansang iyon. Pagkatapos ay niyaya niya si Ryan na magpunta sa Merlion Park dahil pakiramdam niya ay hindi siya tunay na nakarating sa Singapore kung hindi makakapagpakuha ng larawan sa estatwang simbolo ng bansa.

Nang kinailangan nilang sumakay ng train papunta sa Merlion Park ay tinuruan siya ni Ryan kung paano gamitin ang electronic ticketing system ng Singapore. Pipindutin lamang sa screen ang mapa ng train stations, hahanapin ang istasyon kung saan bababa at ihuhulog ang pambayad.

"Magkakadugtong lahat ng train lines dito kaya matutunan mo lang magbasa ng mapa ay hindi ka maliligaw," sabi pa ni Ryan.

"Wow, I feel like I'm really in a different country now," pabirong bulalas ni Jesilyn nang sa wakas ay marating nila ang higanteng estatwa ng Merlion. Manghang tiningala niya iyon bago muling bumaling sa binata. "At sa tingin ko, talagang hindi ako maliligaw dahil may kasama akong tour guide. Libre pa."

Tumawa si Ryan. "Ito ang unang beses mong magpunta sa ibang bansa?" tanong nito na kanina pa niya napapansing matamang nakatingin sa kanya.

She wondered if he knew that he had an intense way of looking at people.

Ngumiti si Jesilyn. "Oo. Actually, ito ang unang beses na lumayo ako sa lugar namin. It's liberating," pabuntong-hiningang bulalas niya.

Kumunot ang noo ni Ryan at naglakad palapit sa kanya. "Kahit out of town lang, hindi ka pa nakakaalis?"

May naramdaman siyang lungkot at bahagyang napalis ang ngiti sa kanyang mga labi. "Oo. Buong buhay ko ay nakakulong ako sa isang maliit na mundo. Masisisi mo ba ako kung gusto kong sumubok ng mga bagay na hindi ko pa nagagawa ngayong nakalaya ako kahit ilang araw lang?"

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now