Part 28

25.2K 671 37
                                    

HINDI alam ni Jesilyn kung paano siya nag-survive sa buong gabing iyon. Basta siguradong wala siya sa huwisyo matapos ang pag-uusap nila ni Ryan sa outdoor garden. Ni hindi nga niya alam kung gaano katagal siyang nanatili sa hardin nang mag-isa bago siya tinawagan ni Apolinario. Kinailagan niyang hamigin ang sarili bago bumalik sa venue ng art exhibit at charity auction. Pero hindi niya masyadong natandaan ang mga nangyari hanggang magdesisyon na silang umuwi na.

Humimpil ang kotse ni Apolinario ilang bloke ang layo sa bahay nina Jesilyn. At dahil nakatulala siya sa labas ng bintana ay nagulat siya nang mapagtanto ang pagtigil ng sasakyan. Nilingon niya ang lalaki at nakita ang seryosong ekspresyon sa mukha nito habang deretso ang tingin sa harap.

Sa isang iglap, nasiguro ni Jesilyn na iyon ang sandaling hinihintay niya sa loob ng isang linggo—ang sandaling makakapag-usap na sila nang seryoso. Pero matapos ang engkuwentro kay Ryan ay hindi niya alam kung sapat pa ang enerhiya niya para sa pag-uusap na iyon. Subalit alam niya na kailangan nila iyong gawin.

Huminga nang malalim si Jesilyn habang nakatingin sa lalaki. "Pol, natatandaan mo ba 'yong pinag-uusapan natin bago ako umalis?" mahinang tanong niya.

Naglapat nang mariin ang mga labi nito at tumingin sa kanya. "Yes. I asked you to marry me. Pero humingi ka ng oras para mag-isip."

"At hiniling ko rin na pag-isipan mo pa ang desisyon mo," dugtong niya.

"Nakapag-isip na ako bago pa lang kita yayaing magpakasal, Jesi," frustrated na bulalas ni Apolinario. Pumihit pa ito paharap sa kanya. "You are already part of my plan for the future. At kilala mo ako, alam mong hindi ako basta-basta nagpaplano kung wala akong intensiyon na tuparin iyon. Alam din iyon ng mga magulang natin kaya nang sandaling ligawan kita, alam na nilang sa pag-aasawa tayo matutuloy. I even told my friends about my plan. Ayokong binabawi ang sinabi ko na."

Nanginig ang mga labi ni Jesilyn at sinalubong ang tingin ng lalaki. "Do you love me?"

Halatang nagulat si Apolinario sa tanong niya. Hindi ito nakasagot at napatitig lamang sa kanya.

"Pol, you are also the type of person who will never say something you don't mean. Isa iyon sa mga nagustuhan ko sa iyo. Hindi ko alam kung napansin mo ba o hindi, pero sa tagal ng pagkakakilala natin, kahit nang ligawan mo ako at maging magkasintahan tayo, hindi mo sinabi sa akin na mahal mo ako kahit isang beses lang," malumanay na sabi niya.

Kumunot ang noo ni Apolinario. "So, this is my fault?"

"No!" mabilis na sagot ni Jesilyn. Pumihit din siya paharap sa lalaki at hinawakan ang mga braso nito. "This is not your fault. Kasalanan ko dahil sinagot kita kahit na alam kong may kulang sa pagitan nating dalawa. Pinatagal ko nang isang taon ang relasyon natin dahil gusto kong pagbigyan ang mga magulang natin at dahil wala naman akong maipipintas sa iyo. Pero nang yayain mo ako magpakasal ay natakot ako. Ayokong magpakasal tayo, Pol. I don't want to bind you to me completely. Lalo na ngayon na alam ko na kung ano ang kulang sa relasyon natin. What we have is a different type of love, Pol. It's just familial and platonic. It's not the type of love we both deserve when it comes to someone who we will spend the rest of our lives with. Sana'y maintindihan mo ito, Pol. We can't be together anymore." Puno ng pakiusap ang tinig niya.

"At paano mo 'yan nalaman?" biglang tanong ni Apolinario na hindi inalis ang pagkakatitig sa kanyang mukha. "We were okay before you left. Paano mo nalaman kung ano ang kulang sa relasyon natin habang nasa ibang bansa ka?" seryosong tanong nito.

Napalunok si Jesilyn dahil nakikita niya sa mga mata ni Apolinario na may hinala na ito at hinihintay lamang kung magsisinungaling siya o magsasabi ng totoo. At alam niya na kahit gaano kahirap ay kailangan niyang maging tapat sa lalaki. Huminga siya nang malalim at hindi nagbawi ng tingin. "I fell in love," usal niya. Kumislap ang galit sa mga mata ni Apolinario kaya binilisan niya ang pagsasalita bago pa siya maduwag. Humigpit ang hawak niya sa mga braso nito.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now