Part 5

28.9K 704 5
                                    

MAKALIPAS ang ilang araw ay nasa loob na si Jesilyn ng eroplano patungo sa Singapore. Umaga ang flight niya. Mabuti na lamang at nataon na wala sa bahay ang kanyang mga magulang. May out of town kasi ang kanyang ina habang ang papa naman niya ay may shift sa ospital. Hindi siya nakakuha ng tiyempo na personal na magpaalam kaya nag-iwan na lamang siya ng sulat sa kanyang dresser. Iniwan din niya na hindi naka-lock ang pinto ng kanyang silid para makita agad ng mama niya ang sulat. Sa sulat ay paulit-ulit siyang humingi ng tawad at sinabing mag-iingat siya at babalik na ligtas kaya huwag mag-alala ang mga ito. Kung personal kasi siyang nagsabi ay tiyak na hindi siya papayagan.

Nag-iwan din siya ng sulat para kay Apolinario. Ibinilin niya kay Sheila na ibigay sa binata kapag nagpunta ito sa main branch ng Happy Mart upang hanapin siya. Sina Sheila at Sylve lang kasi ang nakakaalam ng plano niya.

Sa totoo lang, ngayong nakaupo na si Jesilyn sa kanyang plane seat ay nakaramdam siya ng guilt na hindi siya nagpaalam nang maayos. Subalit naroon na siya at nabayaran na niya ang airfare at accommodations kaya susulitin na lamang niya ang pag-alis. Bukod doon ay lumalakas ang loob niya kapag naiisip na paano kung iyon na ang una at huling pagkakataon niya na magtungo sa ibang bansa?

Nang maisip iyon ay mas nakalma na si Jesilyn. Dinukot niya mula sa handcarry bag ang notebook kung saan niya inipit ang listahan upang muling pasadahan ng basa. Nakatutok ang tingin niya roon nang magkaroon ng kakaibang ingay sa paligid. It sounded like an excited and energetic chatter. Noong una ay hindi niya iyon pinansin. Subalit nang maramdaman na maging ang mga flight attendant sa magkabilang passageway ng economy class cabin ng eroplano ay parang nagbubulungan at tila hindi mapakali ay nag-angat na siya ng tingin.

Ang unang nakita ni Jesilyn ay ang flight attendant sa kanan niya na tila nagpipigil ng ngiti at patingin-tingin sa kung ano mang nasa unahan ng eroplano. Ang sumunod niyang napansin ay ang dalawang babaeng nakaupo sa bahagi ng bintana na nagkakandahaba rin ang leeg sa pagtingin sa direksiyon kung saan nakatingin ang flight attendant habang naghahagikgikan. Puno ng kuryosidad na sinundan niya ng tingin ang pinagkakaguluhan ng mga babae.

Agad na nakita ni Jesilyn kung sino ang naging sentro ng atensiyon ng mga pasahero. Imposibleng maipagkamali ang matikas at guwapong lalaking naglalakad palapit marahil sa seat number nito. Bahagya pa ngang napakunot ang kanyang noo sa kaiisip kung artista o modelo ba ang lalaki at sa lahat ng pasahero ay siya lang ang hindi nakakakilala rito. Kahit kasi ang suot lang ng lalaki ay simpleng pantalong maong at T-shirt na bahagyang humahakab sa katawan ay nahahalata sa aura at pagdadala nito sa sarili na hindi ito basta-bastang tao lang. Besides, he was really extremely handsome. Pero naisip din niya na kung modelo o artista ang lalaki ay bakit nasa economy class ito?

Iyon pa rin ang tanong sa isip ni Jesilyn nang ilang hakbang na lamang ang layo ng lalaki mula sa kanyang puwesto. At dahil nakatingin pa rin siya sa mukha nito ay bahagya siyang napaigtad nang mapatingin din ito sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. Subalit wala pa yatang isang segundo ay bale-walang binawi rin ng lalaki ang tingin at huminto sa tapat ng plane seat na katabi ng window seat, isang hilera lamang sa harap ng hilera ng kinauupuan niya. Pagkatapos ay komportable itong umupo na para bang bale-wala kahit pa lahat ng atensiyon ng mga pasahero ay nakatuon dito.

Binawi na rin ni Jesilyn ang tingin dahil pumailanlang na sa loob ng eroplano ang boses ng piloto para sabihing malapit na silang mag-take off. Napahugot siya ng malalim na hininga dahil medyo na-tense siya. After all, iyon ang unang beses na sasakay siya sa eroplano. Kinalma niya ang sarili dahil makakasama sa kanya kung pangungunahan siya ng nerbiyos. Tuloy, habang nagte-take off ang eroplano ay nakapikit siya at mahigpit ang kapit sa magkabilang armrest.

Dahan-dahang nagmulat si Jesilyn nang hindi na umaalog ang eroplano at narinig na niya sa speaker na puwede nang magtanggal ng seat belt. Lumingon siya sa bintana at napahigit ng hangin nang makita ang mga lumulutang na ulap at asul na kalangitan. Napangiti siya, napuno ng pagkasabik at labis na kasiyahan ang kanyang puso.

Oh, my God. I'm really flying! tili ni Jesilyn sa kanyang isip. Habang tumatagal ay nawala na ang mga alinlangan niya sa desisyong ginawa. All that was left was the feeling as if she was freed from the chains binding her feet. Nasasabik na siya sa mangyayari sa mga susunod na araw.

THIS feels weird.

Huminga nang malalim si Ryan Decena pagkatapak pa lamang niya sa labas ng Singapore Changi International Airport. Nakasukbit sa kanyang balikat ang may-kalakihang traveling bag. It felt weird because this was the first time he was not traveling on business. Katunayan ay hindi naman siya mahilig magpunta sa kung saan-saan dahil nanghihinayang siya sa gastos. Hindi sa kapos siya sa pera kundi dahil ayaw lang niyang gumagastos nang hindi naman talaga kailangan. Bukod doon ay mas nauubos ang oras niya sa pagma-manage ng RD Publishing.

It was just that, he had been feeling tired and stressed lately. Para siyang nasasakal at kahit anong subsob niya sa trabaho, pagsapit ng oras ng pagtulog ay hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. At kahit malaki ang kinikita ng kanyang kompanya ay wala ang dating satisfaction at saya na nararamdaman kapag kumikita nang husto. Lalong tumindi ang restlessness na nararamdaman niya nang dumalo siya sa kasal ni Rob. Hindi niya maipaliwanag kung bakit, pero ganoon ang naramdaman niya nang mapalibutan ng maraming tao.

Bagay na mukhang napansin ni Jay at ng pinsan niyang si Draco.

"You know what, Ryan? You need a break from work. Take a vacation somewhere and you'll feel better when you get back." Iyon ang payo ni Jay.

Isang linggo pagkatapos ng kasal ni Rob, heto si Ryan, natagpuan ang sariling nag-empake at sinunod ang payo ng kaibigan. Katunayan, nang sabihin niya kay Maxene na mawawala siya nang ilang araw para magbakasyon at ito na muna ang bahala sa publishing ay tuwang-tuwa ang kaibigan. Ang sabi nito ay panahon na nga upang magbakasyon siya. Para namang hindi sila parehong workaholic. At least, bago nakapag-asawa ang babae.

"But what now?" naiusal niya.

"At last, I'm here!"

Nakuha ang atensiyon ni Ryan ng malakas na tinig ng isang babae. Napalingon siya, ilang metro ang layo mula sa kanya ay nakatayo ang isang babae na katulad niya ay may bitbit na traveling bag. Hindi nga lang katulad niya, mukhang sabik na sabik ang babae at sumasayaw pang mag-isa habang iginagala ang tingin sa paligid.

"I'm free!" sigaw pa rin ng babae. May hawak itong notebook sa isang kamay na nakataas at tila walang pakialam kahit pinagtitinginan na ng mga tao sa paligid.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora