Part 21

24.2K 544 6
                                    

SI JESILYN ang unang nagising kinabukasan. Nang imulat niya ang mga mata, ang una niyang napagtanto ay nakasubsob siya sa hubad na dibdib ni Ryan habang nakakulong sa mga bisig nito, at ang isang binti nito ay nakadantay sa kanyang mga binti. She felt lethargic. Subalit nang kumilos siya at tingalain ang mukha ng binatang mahimbing pa ring natutulog ay napuno ng kakaibang kasiyahan at contentment ang puso niya. Natagpuan tuloy niya ang sariling matagal na tinitigan lamang ito habang binabalikan sa isip ang nangyari nang nagdaang gabi.

Subalit nang mapalingon siya sa bintana ng hotel room at mapagtanto na maliwanag na sa labas ay dahan-dahan siyang kumalas mula sa mga bisig ni Ryan.

"Jesi..." Umungol ang binata na mukhang naramdaman ang pagkilos niya. Subalit mukhang antok na antok pa ito dahil hindi dumilat.

Bahagyang ngumiti si Jesilyn at ginawaran ng magaan na halik sa pisngi ang binata. "Matulog ka pa," bulong niya, pagkatapos ay tuluyang bumaba ng kama. Hinablot niya ang bathrobe at isinuot. Nang muli niyang sulyapan si Ryan ay nakadapa na ito sa kama at mukhang mahimbing na uli ang tulog.

Dahan-dahan siyang huminga nang malalim at sandaling tinitigan pa ang binata bago pumasok sa banyo kung saan niya iniwan ang kanyang mga damit.

Nakapag-shower at bihis na si Jesilyn nang muling lumabas ng banyo. Tulog pa rin si Ryan na tila pagod na pagod. Kahit siya ay parang gusto pa ring humiga sa kama at matulog. But then, after what they did the whole night, of course they will be tired.

Nag-init ang kanyang mukha nang maalala ang nagdaang gabi. At may palagay siya na mas matindi pa sa pag-iinit ng mukha ang magiging reaksiyon niya kapag nagising na si Ryan.

I need to regroup. Nakapagdesisyon si Jesilyn na bumalik muna sa sariling hotel room para hindi niya maistorbo ang tulog ni Ryan at para magawa niyang hamigin ang sarili. Para maging normal naman ang reaksiyon niya kapag muli silang magkaharap ng binata.

Sa huling pagkakataon ay pinagmasdan niya ang nahihimbing na si Ryan bago tahimik at maingat na lumabas ng hotel room nito para lumipat sa sariling silid.

Pagbalik niya sa kanyang hotel room ay tiyempo namang nagri-ring ang telepono sa bedside table. Hindi niya maipaliwanag kung bakit pero sumikdo ang kanyang puso. Bigla siyang kinabahan kahit alam niya na malamang ay ang receptionist ang tumatawag. Pero ang tanong ay bakit?

Tumawag na naman ba si Kenneth? Nagpatuloy sa pagtunog ang telepono kaya nilapitan na iyon ni Jesilyn. Huminga muna siya nang malalim bago iniangat ang awditibo. "Yes, hello?"

"Good morning, Ma'am. Someone is in the lobby for you," sabi ng receptionist.

Kumunot ang noo ni Jesilyn at magtatanong pa lamang sana kung sino ang naghihintay sa kanya sa lobby nang may marinig siyang pamilyar na tinig sa kabilang linya na mukhang kinuha ang telepono mula sa receptionist.

"Jesilyn. It's me."

Sumikdo ang puso niya at nanlamig ang kanyang buong katawan. "P-Pol?" halos hindi humihingang usal niya nang makilala ang boses ni Apolinario.

"Yes. And I'm here to take you home. Mag-empake ka na kung hindi pa ayos ang gamit mo. Hihintayin kita dito sa baba. Kapag labinlimang minuto ay wala ka pa, ako na ang aakyat sa hotel room mo para personal kang sunduin," seryosong sabi ni Apolinario.

Napasalampak ng upo si Jesilyn sa gilid ng kama at nanginig ang mga kamay. Wala sa loob na napasulyap siya sa pader na nakapagitan sa kanyang hotel room at sa silid ni Ryan. Guilt at labis na pighati ang lumukob sa kanya. Namasa ang kanyang mga mata. "P-paano..." Halos ayaw lumabas ng boses niya.

"Tumawag ang mga magulang mo sa pinsan mo na nakatira sa bansang ito. Sinabi niya kung saan ka tumutuloy. Nakiusap sa akin ang mga magulang mo na sunduin kita. Your parents are very worried. I am very worried. Fifteen minutes, Jesi. Babalik na tayo sa Pilipinas." Iyon lang at tinapos na ni Apolinario ang tawag.

Tuluyang tumulo ang mga luha ni Jesilyn at nanghihinang ibinalik sa mesa ang awditibo. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig at nagising mula sa isang mahabang panaginip. Dapat ay mamayang gabi pa siya magigising, kapag kinailangan na niyang magtungo sa airport at sumakay ng eroplano pabalik sa Pilipinas. Hindi niya inaasahan na susunduin siya ni Apolinario.

At kapag hindi pa ako nagmadali ay aakyat siya rito... Napatayo si Jesilyn at nanlalaki ang mga matang muling napatingin sa pader na nakapagitan sa mga silid nila ni Ryan. Kapag hindi pa siya umalis ay magigising na ang binata at magkikita pa ito at si Apolinario. Ayaw niyang mangyari iyon. Not yet. Kailangan muna niyang makausap nang masinsinan ang kasintahan—

"God, I'm such an awful person..." naiiyak na usal ni Jesilyn. Isang malaking kasalanan ang ginawa niya. She fell in love with another man while being in a relationship with someone else. Kahit pa napagtanto niya na hindi naman talaga pagmamahal ang namamagitan sa kanila ni Apolinario ay committed pa rin siya sa lalaki. At alam niya na ang katotohanan na hindi siya nagsisisi na umibig siya sa ibang lalaki ay mas matinding kasalanan. She needed to atone for that sin alone. Hindi niya puwedeng idamay si Ryan dahil siya lang naman talaga ang may ginawang mali. Kaya hindi maaaring magkita si Apolinario at ang binata.

Dahil doon ay naging mabilis ang kilos ni Jesilyn. Pagkalipas ng sampung minuto ay nakasukbit na sa balikat niya ang travelling bag, naka-ponytail na ang buhok, at naglagay pa siya ng manipis na makeup sa mukha upang matakpan ang kanyang pamumutla at bahagyang pamumugto ng mga mata dahil sa pag-iyak.

Paglabas niya ng hotel room ay hindi agad siya dumeretso sa elevator. Huminto muna siya sa tapat ng pinto ng silid ni Ryan at marahang inilapat ang isang kamay roon. Sumikip ang kanyang dibdib at nag-init ang gilid ng kanyang mga mata habang nakatitig sa pinto. Kung alam lang niya na kakailanganin niyang umalis nang ganoon kaaga, sana ay tinagalan pa niya ang pagtitig sa mukha ni Ryan. Sana ay ginising niya ang binata para nakita man lang niyang nakangiti ito at nakapag-usap man lang sana sila. Sana ay ibinulong man lang niya na kahit ano ang mangyari, kahit hindi na sila magkita ay mahal niya ito.

I love you, Ryan. Sa 'yo ko lang ito naramdaman at hindi ko alam kung magagawa kong maghintay nang matagal pa uling panahon para makakilala ng isang tulad mo. Baka maubos na ang oras ko sa mundong ito bago iyon mangyari.

Napangiwi si Jesilyn nang maramdaman ang sakit sa kanyang dibdib. Her heart began to beat erratically. Nahirapan siyang huminga. Umatras siya palayo sa pinto ng silid ni Ryan at napasandal sa katapat na pader habang pilit na hinahabol ang paghinga at kinakalma ang sarili.

No, not here... Baka magising si Ryan at makita niya ako rito... Kahit nahihirapan ay pilit siyang kumilos patungo sa elevator. Pagkatapos pindutin ang arrow down button ng elevator ay napasandal siya sa gilid niyon at pumikit.

Hindi alam ni Jesilyn kung gaano katagal siyang naghintay na bumukas ang pinto ng elevator. Ang alam lang niya ay unti-unting nabawasan ang panic niya nang bahagyang napawi ang paninikip ng kanyang dibdib. Tumunog ang elevator at bumukas ang pinto.

"Jesi?"

Nagmulat siya ng mga mata at napatingin kay Apolinario na umibis ng elevator. Akala niya, base sa tono ng kasintahan kanina ay seryoso at baka nga galit pa ang ekspresyon na makikita niya sa mukha nito. Kaya nagulat siya nang makita ang pag-aalala sa mukha nito.

"P-Pol..." mahinang usal niya.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon