Part 34

25K 628 23
                                    

NAPAKURAP si Jesilyn nang maramdamang may lumapit sa kanyang mesa. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at napatingala kasabay ng paghatak ng lalaki sa katapat na silya at walang anumang umupo roon. Umawang ang kanyang mga labi.

"R-Ryan?!" manghang bulalas ni Jesilyn. Hindi siya makapaniwala. He really came! Isang linggo na mula nang magkita sila sa restaurant, mula nang ihatid siya ng binata pauwi at aminin na hindi niya ito kalilimutan. "Ano'ng ginagawa mo rito?"

Nagkibit-balikat si Ryan at tumingin sa labas ng coffee shop. "May binili ako sa convenience store at nakita kitang lumabas mula sa likuran niyon."

Napatitig si Jesilyn sa binata at noon niya napansin na hindi madilim ang ekspresyon sa mukha nito na tulad noong huli silang nagkita. Kumurap siya nang sa wakas ay mahamig ang sarili. "Ah. Iyon ay dahil sa Happy Mart ako nagtatrabaho. My mother owns it. At ako naman ang tumatayong operations manager."

Gulat na napatingin sa kanya ang binata. "Pagmamay-ari ninyo ang Happy Mart?" manghang tanong nito.

Napangiti si Jesilyn. Hindi lang dahil naaliw siya sa reaksiyon ni Ryan nang malaman ang tungkol sa negosyo ng kanyang ina kundi dahil nakaramdam siya ng labis na relief at saya na nag-uusap sila na tulad noong nasa Singapore pa sila. Posible bang hindi na galit sa kanya ang binata?

"Hindi ka dapat nagugulat. Ikaw nga, may-ari ng isa sa leading magazine publishing companies sa Pilipinas at a young age, hindi ba?" magaan na sabi niya.

Nagtama ang kanilang mga mata at nakita ni Jesilyn nang matigilan si Ryan. Na para bang noon lang nito napagtanto na nag-uusap sila nang normal kompara sa huling beses na nagkausap sila. Bigla siyang kinabahan na baka bumigat na naman ang tensiyon sa pagitan nila at maging mailap uli ang binata. Kaya naman labis siyang nakahinga nang maluwag nang sa halip na dumilim ang anyo ay bumaba ang tingin ni Ryan sa notebook na nasa harap niya.

"Ano'ng ginagawa mo rito ng ganitong oras? Kung nagsusulat ka, hindi ba dapat sa bahay mo na lang 'yan gawin?" tanong ng binata.

Napatingin din si Jesilyn sa notebook. Nag-init ang kanyang mukha at agad iyong sinara nang maalala kung bakit bigla niyang naisip magsulat. "Wala lang," mabilis na sagot niya. Pero nang mag-angat ng tingin ay nakita niyang nakaangat ang mga kilay ni Ryan na mukhang napansin ang pamumula ng kanyang mukha. Tiningnan siya ng binata sa paraang sinasabi na hindi ito naniniwala sa kanya.

Napabuntong-hininga siya. Oh, well... "Ang totoo ay nag-iisip pa lang ako ng isusulat. It's just that..." Bahagya siyang ngumiti at pinagmasdan ang mukha ni Ryan. "Nang mapatingin ako sa coffee shop na ito mula sa kabilang panig ng kalsada, bigla kong naalala noong nasa Singapore pa tayo. Iyong tuwing umaga na nagkikita tayo sa café. Palagi akong nauuna sa iyo doon at nagsusulat ako sa notebook habang hinihintay kita.

"Pagkatapos ay bigla kong naisip, kung maghihintay ako rito na katulad ng ginagawa ko tuwing umaga noon sa Singapore, darating ka kaya? I know it was a ridiculuous thought. Pero katulad nga ng sinabi mo dati, I'm a crazy girl. Kaya pumasok pa rin ako dito at balak maghintay kahit alam kong imposibleng bigla kang sumulpot na parang magic." Sinalubong ni Jesilyn ang tingin ni Ryan at may bumikig sa kanyang lalamunan. "But you really appeared," bulong niya.

Hindi nakahuma si Ryan. May dumaang emosyon sa mga mata ng binata na nagpabilis sa tibok ng kanyang puso. Alam niya kung ano ang emosyong iyon. It was the same longing she felt for him. Iyon ang pangungulilang naging dahilan kung bakit niya naisip na baka kapag naghintay siya roon ay dumating si Ryan.

Huminga nang malalim ang binata at bahagyang ipinilig ang ulo na para bang hinahamig ang sarili.

"Kung wala ka naman palang gagawin dito, ihahatid na kita. Don't stay out this late alone," sabi ni Ryan at binawi na ang tingin, pagkatapos ay tumayo na.

Napatingala si Jesilyn sa binata. "Bakit ba tuwing nagkikita tayo, ang palagi mong gustong gawin ay pauwiin ako? Ayaw mo talaga akong makasama nang matagal?" hindi na nakatiis na tanong niya.

Naglapat nang mariin ang mga labi nito. "Tama ka."

Nasaktan siya sa sinabi ni Ryan pero dagli rin iyong nawala nang kusang abutin ng binata ang isa niyang kamay at pisilin, pagkatapos ay maingat siyang hinatak patayo.

"Ayokong manatili nang matagal na kasama ka dahil baka may magawa ako na alam kong hindi dapat."

"Like what?" pigil ang paghingang tanong niya.

Naging matiim ang titig ni Ryan sa kanya. "Don't push me, Jesi. You might regret it," banta nito sa mababang tinig.

"I will never regret anything na may kinalaman sa 'yo, Ryan," mabilis na sagot niya.

Humigpit ang hawak ng binata sa kanyang kamay. "This is what I'm talking about."

Napasinghap siya nang biglang lumapat ang isa pang kamay ni Ryan sa kanyang batok at higitin siya palapit. Namilog ang kanyang mga mata at nagliparan ang mga paruparo sa kanyang sikmura nang siilin siya nito ng halik sa mga labi. Hindi niya inaasahan na iyon ang gagawin ng binata.

Nag-init ang mga mata ni Jesilyn at napapikit. She was overwhelmed with emotion. Bigla ay nawalan siya ng pakialam kung nasaan sila. Ang namayani ay ang pagmamahal at pangungulila niya para kay Ryan na ilang linggo na niyang pinipigilan. Umangat ang isa niyang kamay at hinaplos ang pisngi ng binata. Pagkatapos ay gumanti siya ng halik.

Na mukhang hindi yata niya dapat ginawa dahil natigilan si Ryan at mabilis na pinutol ang halik.

Napadilat si Jesilyn kaya nagtama ang kanilang mga mata. She could see frustration, longing, intense desire, and a much deeper emotion in his eyes. Pakiramdam niya ay lumobo nang husto ang kanyang puso. "Ryan..." padaing na usal niya.

Huminga nang malalim si Ryan at sandaling pumikit nang mariin bago muling dumilat at humakbang paatras para magkaroon ng distansiya ang kanilang mga katawan. "Come on. Ihahatid na kita. That show is enough for the people here," mahinang sabi ng binata na kusa nang kinuha ang notebook at shoulder bag niya na nakapatong sa mesa.

Noon lang bumalik sa isip ni Jesilyn na nasa loob nga pala sila ng isang pampublikong lugar. Napasulyap siya sa paligid at nag-init nang husto ang kanyang mukha nang makitang nakatingin sa kanila ang mga customer at staff.

Tumikhim siya at muling tumingin sa binata. "Mabuti pa ngang umalis na tayo," usal niya.

Tumango si Ryan at hinatak na siya palabas ng coffee shop. Nakita niyang sumunod ang tingin ng mga tao sa loob ng coffee shop sa kanilang dalawa. Nang makalabas sila ay hindi niya napigilan ang matawa.

Nagtatakang nilingon siya ng binata. "Bakit ka tumatawa?"

Natatawa pa ring tiningala niya ito. "Nakakatawa lang kasi ang ekspresyon sa mukha ng mga tao sa loob. I never thought public displays of affection can be this funny."

Napatitig si Ryan sa mukha niya, pagkatapos ay natulala siya nang makita ang pagsilay ng amused na ngiti sa mukha ng binata. "You're really crazy," usal nito at nagpatuloy na sa paglalakad.

Wala sa huwisyong napasunod na lang din si Jesilyn. Pero hindi siya sa kalsada nakatingin kundi sa gilid ng mukha ni Ryan na nakangiti pa rin. Iyon ang unang beses na ngumiti ito nang ganoon mula nang bumalik sila sa Pilipinas.

Napahugot siya ng malalim na hininga at nag-init ang kanyang mga mata. Ah, mahal ko talaga ang lalaking ito. At mukhang hindi na niya kaya pang pigilan ang nararamdaman. Kahit alam niya na kapag hinayaan niya ang sariling makasama ang binata ay hindi magiging madali ang hinaharap para sa kanilang dalawa.

Sa naisip ay wala sa loob na napahawak si Jesilyn sa tapat ng kanyang puso.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now