Part 41

26.3K 627 7
                                    


HAPON na nang makabalik si Jesilyn sa opisina niya sa Happy Mart. Nang salubungin siya ni Sheila ay alam niyang marami itong gustong itanong sa kanya. Hindi lamang sila nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap dahil may mga trabaho pa siya na kailangang tapusin sa araw na iyon na nakapatong sa kanyang mesa. Bukod doon ay kinailangan ding magpunta ni Sheila sa ilang branches nila sa Antipolo para sa monthly inspection. Kapag ganoong sa labas ang trabaho ng kaibigan ay dumederetso na ito ng uwi pagsapit ng gabi. Kaya malamang bukas na uli sila magkaroon ng pagkakataong mag-usap.

Pagsapit ng alas-singko ng hapon ay tumunog ang cell phone ni Jesilyn. Katatapos lamang niyang basahin at pirmahan ang mga papeles. Sumikdo ang puso niya nang makita ang nakarehistrong pangalan ni Ryan sa screen ng kanyang cell phone. Agad na sinagot niya ang tawag.

"Jesi."

Napapikit si Jesilyn nang marinig ang boses ni Ryan. Tila iyon kumiliti sa kanyang tainga at napahigpit ang hawak niya sa cell phone. "Ryan... Napatawag ka?"

"I want to meet you for dinner. Susunduin kita. Ano'ng oras ang tapos ng trabaho mo?"

Nagliparan ang mga paruparo sa kanyang sikmura at nakaramdam siya ng pagkasabik. Agad niyang binilisan ang pagliligpit sa mga nakapatong sa mesa habang hawak pa rin sa isang kamay ang cell phone. "Tapos na ako sa trabaho ko para sa araw na ito, actually."

"Okay. I'll be there," sabi ng binata.

Kahit hindi nakikita si Ryan ay alam ni Jesilyn na may sumilay na ngiti sa mga labi ng binata. Nahimigan kasi niya ang init sa tinig nito.

She felt as if a hand was squeezing her heart in a painful but sweet kind of way. "Okay," halos bulong na lamang na sagot niya. "I'll wait for you."

Ilang segundong tumahimik na sa kabilang linya bago niya narinig ang paghigit ni Ryan ng hininga.

"Papunta na ako diyan." Iyon lang at tila nagmamadaling tinapos ng binata ang tawag.

Ilang sandaling napatitig lamang si Jesilyn sa kanyang cell phone bago tumayo at mabilis na naghanda para umalis. Ilang minuto lamang ay nasa labas na siya ng Happy Mart Convenience Store. Tapos na rin siyang magbilin sa kanyang staff na naiwan doon.

Nang makita ang parating na sasakyan ni Ryan ay napahinga siya nang malalim sa antisipasyon. Marahil, dahil nasabi na niya sa matatanda ang katotohanan ay bahagyang gumaan ang bigat sa kanyang mga balikat. Mas nagkaroon siya ng kalayaang makaramdam ng tuwa at pagkasabik na makita ang binata.

Napangiti si Jesilyn nang humimpil ang sasakyan. Akmang bababa si Ryan pero sumenyas siya upang pigilan ito. Sa halip ay siya ang mabilis na lumapit sa sasakyan, binuksan ang pinto, at sumakay sa front passenger's seat. Nang magkaharap na sila ay sabay pa silang napangiti.

"Hi," usal niya.

Lumawak ang ngiti ng binata. "Hi."

Nagkatitigan sila bago ito kumilos, muling humarap sa daan, at pinaandar ang sasakyan.

DINALA siya ni Ryan sa restaurant kung saan sila nagkita dati.

Pagpasok nila ay naramdaman ni Jesilyn ang kamay ng binata sa kanyang lower back at maingat na iminuwestra patungo sa dulong bahagi ng kainan, sa mesa na nakadikit sa glass wall kung saan kita ang Kamaynilaan sa ibaba.

"May ipapakita ako sa iyo," sabi ni Ryan nang matapos silang um-order, pagkatapos ay may kinuha sa sling bag na dala at inilapag sa kanyang harap.

Namilog ang mga mata ni Jesilyn nang makita ang kanyang notebook! Hinawakan niya iyon at manghang napatingin kay Ryan. "You found it!"

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now