Part 36

25.2K 618 37
                                    


NAHIHILO si Jesilyn at hindi maganda ang pakiramdam ng sikmura nang umagang iyon. Naduwal na siya kaninang pagkagising at dahil wala pa namang kinain ay nahirapan siya dahil mapait na likido lamang ang nagawa niyang ilabas. Marahil ay dahil iyon sa kakulangan ng tulog at labis na nerbiyos.

Maaga kasi siyang nagising at kanina pa palakad-lakad sa pasilyo ng ikalawang palapag ng bahay. Hinihintay niyang magising at lumabas ng master bedroom ang kanyang mga magulang. Kailangan kasi niyang makausap ang dalawa.

Sumikdo ang puso ni Jesilyn nang sa wakas ay bumukas ang pinto ng silid ng mga magulang. Unang lumabas ang kanyang ama na bitbit na ang bag at mukhang handa nang magtungo sa ospital. Sa pagkakatanda niya ay maaga ang shift nito ngayon.

Huminga siya nang malalim upang kalmahin ang sarili bago naglakad palapit sa kanyang ama. "Papa, good morning."

Ngumiti ang kanyang ama at hinayaan siyang halikan ito sa pisngi. "Good morning, Jesi. Nakipagkita ka na ba sa Tito Basil mo para sa checkup mo?"

Tumabingi ang kanyang ngiti. "Pupunta ako sa weekend."

Nawala ang ngiti nito at kumunot ang noo. "Why? Alam mo na importante ang checkup mo. Halika, sumabay ka sa akin papuntang ospital."

"Papa, sa weekend na. Pangako. May gusto muna sana akong sabihin sa inyo ni Mama. Puwede ko po ba kayong makausap ngayong umaga?"

Kumunot ang noo ng kanyang ama at tumingin sa suot na wristwatch. "Hindi ba puwedeng bukas na lang pagbalik ko galing sa shift ko? I'm going to be late already."

Nalaglag ang mga balikat ni Jesilyn. "O-okay," dismayadong sagot niya.

Pagkatapos ay lumabas naman ng master bedroom ang kanyang ina na mukhang nagmamadali rin. "My God, I forgot I have an early meeting with a supplier this morning." Napahinto ito at napatingin sa kanilang mag-ama. "Jesi, good morning, hija."

"Good morning, Mama. May gusto sana akong sabihin sa inyo ni Papa. Can you spare me some time tomorrow?"

Kumunot ang noo ng kanyang ina. "Masyado bang seryoso ang sasabihin mo at hindi puwede ngayong bago kami umalis?"

Sumikdo ang puso ni Jesilyn at bahagya siyang nanlamig. Talagang seryoso at importante ang sasabihin niya sa kanyang mga magulang. Kailangan niyang sabihin sa mga ito na tapos na ang relasyon nila ni Apolinario.

Tatango na sana siya nang makita ang pagbakas ng takot at pag-aalala sa mukha ng kanyang mga magulang. Pilit siyang ngumiti dahil ayaw niyang bigyan ng alalahanin ang mga ito habang nasa trabaho. Bukas na lamang niya sasabihin ang lahat. "Hindi naman po. Pero importante para sa akin ang sasabihin ko," sabi na lamang niya.

"May problema ka ba? Are you not feeling well?" nag-aalalang tanong ng mama niya.

Nag-init ang mga mata ni Jesilyn pero umiling. "Okay lang po ako. H-hindi tungkol doon ang sasabihin ko. Bukas po, okay?"

"Okay," sabay pang usal ng kanyang ama at ina na hindi pa rin tuluyang nawawala ang pag-aalala sa mga mukha.

Lumapit ang mama niya at hinalikan siya sa pisngi. "We'll talk tomorrow."

Pagkatapos ay ang papa naman niya ang lumapit at niyakap siya nang mahigpit. "Visit your Tito Basil as soon as you can, okay? Para mabawasan ang worries namin ng mama mo."

Pinilit niyang ngumiti at tumango. "Opo. Ingat kayong dalawa sa biyahe. Magbibihis na rin ako para pumasok sa trabaho."

Muling nagpaalam at nagbilin ang kanyang mga magulang bago tuluyang bumaba ng hagdan. Pabuntong-hininga na lamang siyang napasunod ng tingin sa dalawa. Gustong-gusto na niyang sabihin sa mga magulang na hiwalay na sila ni Apolinario bago niya iyon sabihin sa ama ng binata. Kaya nga hindi muna siya nakikipagkita kay Tito Basil na siya ring cardiologist niya. Pero isang linggo nang palaging abala ang kanyang mama at papa. Hindi siya makahanap ng tiyempo. Pero bukas talaga ay kailangan na niyang sabihin.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now