Part 25

24.5K 598 16
                                    

"BAKIT hindi ka pa nagbibihis? Susunduin ka ni Apolinario ngayong gabi, hindi ba?" sabi ng mama ni Jesilyn nang sumilip ito sa kanyang silid.

Napakurap siya at agad na napabangon sa kama dahil noon lang niya naalala ang tungkol doon. "Ah... Pupunta nga pala kami sa isang art exhibit ng kakilala niya," naibulalas niya na agad lumapit sa closet upang maghanda ng isusuot.

Isang linggo na pala ang lumipas. Isang linggo na halos hindi makapag-concentrate si Jesilyn sa kahit anong bagay sa kaiisip kung paano niya kakausapin si Apolinario. Isang linggo na tuwing matutulog at magigising ay mukha ni Ryan ang unang sumasagi sa kanyang isip. Isang linggo na tila taon ang katumbas para sa kanya dahil hindi kumakalma ang magkakahalong emosyon sa kanyang dibdib.

Kahit nang mga sandaling iyon, habang naiisip na sa wakas ay makikita at makakausap na niya si Apolinario ay halos mabingi siya sa malakas at mabilis na tibok ng kanyang puso.

Nakahablot na si Jesilyn ng semi-formal dress at akmang ilalagay iyon sa kama bago magtungo sa banyo para makapag-shower nang mapansin na nakatayo pa rin sa bungad ng pinto ang kanyang ina. Seryoso ang ekspresyon sa mukha nito habang nakamasid sa kanya. Medyo kinabahan tuloy siya.

"Bakit, Mama?" alanganing tanong niya.

"What's wrong with you? Isang linggo ka nang palaging tulala at matamlay. Ang sabi mo sa amin ng papa mo noong nag-usap tayo, kaya ka nagpunta ng Singapore ay dahil matagal mo nang pangarap mag-travel nang mag-isa. But you haven't been looking and acting like yourself since you got back. May nangyari ba habang mag-isa ka sa bansang iyon na hindi mo sinasabi sa amin?" nag-aalalang tanong ng kanyang ina.

Hindi agad nakahuma si Jesilyn sa obserbasyong iyon ng mama niya. Hindi na ito galit dahil isang araw matapos niyang bumalik sa Pilipinas ay kinausap niya ang mga magulang para ipaliwanag ang tunay na dahilan kaya siya umalis ng bansa.

Sa unang pagkakataon ay sinabi ni Jesilyn sa mga magulang ang nararamdaman niya sa naging kabataan niya. Na naiintindihan niya kung bakit ganoon siya pinalaki ng mga ito pero gusto pa rin niyang maranasan kahit paano na maging normal tulad ng iba. Mangiyak-ngiyak ang kanyang mga magulang at ganoon din siya. Ang sabi ng mga ito, dapat daw ay noon pa niya sinabi ang tungkol doon. At napagtanto niya na tama ang kanyang papa at mama. Dapat ay hindi niya sinarili ang kanyang mga alalahanin. Dapat umpisa pa lamang ay naging open na siya sa kanyang mga magulang.

Subalit naisip din ni Jesilyn na may dahilan talaga ang lahat ng bagay. Kung hindi siya naging selfish at kung hindi sinarili ang kanyang nararamdaman, malamang ay hindi siya magtutungo sa Singapore na mag-isa. Malamang ay hindi niya nakilala si Ryan at hindi niya naranasan ang magmahal nang tunay.

May naramdamang kirot sa puso si Jesilyn nang maalala na naman ang binata. Pero hindi niya iyon puwedeng sabihin sa kanyang ina. Hindi pa. Huminga siya nang malalim at pilit na ngumiti. "I'm okay, Mama. Magbibihis na po ako, ha? Gusto ko pagdating ni Pol ay nakahanda na akong umalis."

Marahang tumango ang kanyang ina kahit mukhang hindi pa rin kumbinsido. Naglakad na ito palabas ng kanyang silid. "Tatawagin kita kapag dumating na siya," sabi pa ng mama niya bago tuluyang isinara ang pinto.

Ilang sandaling nanatili lamang na nakatayo si Jesilyn bago napahugot ng malalim na hininga at kumilos upang magbihis.

"WE'RE here."

Bahagyang nginitian ni Jesilyn si Apolinario nang ihimpil nito ang kotse sa parking lot ng isang hotel na kinaroroonan ng venue ng art exhibit slash charity auction. Kanina nang sunduin siya ng kasintahan sa bahay nila ay normal ang naging akto nito, na para bang walang tensiyong namagitan sa kanila noong huli silang magkita. Na para bang walang nabago sa pagitan nila. Hinayaan na lamang muna niya si Apolinario dahil gusto niya munang i-enjoy nito ang pupuntahan nilang exhibit. Mamaya na lang siya kukuha ng tiyempo upang seryosong makausap ito.

Sa nakaraang isang linggo ay walang inatupag si Jesilyn kundi isipin kung paano bubuksan ang paksang gusto niyang pag-usapan nila ng kasintahan. Pero alam niyang mas madali iyong isipin kaysa gawin.

Si Apolinario ang unang bumaba ng kotse at umikot sa bahagi niya upang pagbuksan siya ng pinto.

"Thank you," usal ni Jesilyn at muli ay alanganing ngumiti.

Pinagmasdan siya ng lalaki at bumuntong-hininga. "Relax, Jesi. Magtataka ang mga tao kapag nakita nilang parang iiyak ang date ko ano mang sandali. At least, let's get this event over with, okay?"

Nawala ang ngiti niya at nakaramdam ng guilt. "Okay." Pagkatapos ay pilit niyang hinamig ang sarili. Hindi siya puwedeng magmukhang iiyak. Hindi siya puwedeng magmukhang nakakaawa dahil hindi siya ang biktima sa sitwasyon nila ni Apolinario. It was not going to be fair to him if she would act like the victim.

Ilang sandaling nanatili lamang silang nakatayo roon bago hinawakan ni Apolinario ang kanyang siko at inakay siya para maglakad.

Marami nang tao nang makarating sila sa venue ng art exhibit. Sa entrada ay binigyan sila ng brochure na puwede nilang basahin habang nag-iikot at tumitingin ng mga painting. Nalaman ni Jesilyn na ang pangalan ng artist ay Draco Faustino. Tribal at ethnic ang istilo ng paintings ng lalaki. Nalaman din niya sa brochure na bukod sa pagpipinta ay mas kilala si Draco bilang isang tattoo artist na karamihan ng mga kliyente ay Hollywood celebrities.

"Wow. At personal mong kakilala ang Draco Faustino na ito, Pol?" bilib na tanong ni Jesilyn at tiningala ang kasintahan.

Sa unang pagkakataon sa gabing iyon ay may sumilay na ngiti sa mga labi ni Apolinario. "Yes. Nakatira siya sa building kung saan ako nakatira ngayon. In fact, nandito rin ang iba pa naming co-residents. They are all cool people and we all get along well."

Agad niyang napansin ang proud na ekspresyon sa mukha ng kasintahan. Patunay na itinuturing nitong kaibigan ang mga kapwa residente. Which was a huge thing coming from Apolinario Montes. Noon pa man kasing mga bata sila ay straightlaced at masyado nang seryoso si Apolinario kaya katulad niya ay hindi rin nagkaroon ng maraming kaibigan ang lalaki. Kaya masaya siya na nakakilala ito ng mga taong maituturing na mga kaibigan.

"I'm excited to meet them," nakangiti nang sabi niya.

Gumanti ng ngiti si Apolinario at sa isang iglap ay nawala ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa. Bumalik ang comfortable atmosphere na mayroon sila mula pa noong magkaibigan pa lamang sila hanggang maging magkasintahan. But Jesilyn had already realized since last week that this atmosphere was not romantic but platonic. Ang tanong ay kung napagtanto na ba iyon ni Apolinario o hindi pa.

Lumampas ang tingin ng lalaki sa kanya at tila may nakita sa isang bahagi ng venue. "There they are. At least, some of them. Let's go." Hinawakan nito ang kanyang siko at inakay palapit sa isang grupo ng kalalakihan at apat na babae.

Ilang hakbang pa lamang ang layo nila ay nanlaki na ang mga mata ni Jesilyn nang ma-recognize ang isang pareha sa grupong iyon. She was just watching their grand wedding on television with Sheila and Sylve last last week!

"Montes, ito ang unang beses na nagsama ka ng date, ah," nakangiting sabi ng matangkad na lalaking mukhang may lahing Espanyol. May akbay itong babae na kahit simple lamang ang ayos ay mukha namang mabait.

Ngiti lamang ang isinagot ni Apolinario. Pagkatapos ay ipinakilala siya nito sa mga taong iyon. Nakilala ni Jesilyn ang mga bagong kasal na sina Rob at Daisy at kababalik lamang daw galing sa honeymoon, ganoon din si Charlie na unang bumati sa kanila at ang nobya nitong si Jane. Nakilala rin niya sina Ross at Bianca, Jay at Cherry. Maging ang ilan pang lalaking naroon na parang mga lumabas mula sa isang fashion magazine dahil sa magagandang tindig at mga guwapong mukha. At nakatira daw ang lahat ng lalaking iyon sa isang gusali kasama ni Apolinario.

How could a building like that exist without the media knowing? Without women flocking around the building?

Subalit nawala na roon ang isip ni Jesilyn nang magsimulang mag-usap ang mga lalaki.

"Nakita n'yo na ba si Draco?" tanong ni Apolinario.

"Ah, nandiyan lang 'yon. Kasama niya si Ryan," sagot ni Jay.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now