Part 7

28.6K 664 4
                                    

NAPASUNOD na lamang ng tingin si Ryan sa papalayong pigura ng babaeng nakita niya sa airport at ngayon ay mukhang katabi pa ng hotel room. Hindi niya inaasahan na makikita pa ang babae. Oo at alam niyang hindi naman kalakihan ang Singapore subalit nakabibigla pa ring isipin na nasa iisang hotel pala sila.

At mukhang mag-isa lang din siyang nagpunta rito. Napakunot ang noo niya sa isiping iyon. Mukhang bata pa ang babae. Ligtas ba na manatili ito sa banyagang bansa nang mag-isa?

Ipinilig ni Ryan ang ulo dahil walang dahilan para pakialaman niya ang babae. Namulsa na lamang siya at akmang maglalakad na dahil balak niyang lumabas at humanap ng makakainan nang may makapa siya sa bulsa. Bigla niyang naalala ang maliit na papel na napulot niya kanina at wala sa loob na isinuksok doon. Nang maisip na baka pagmamay-ari iyon ng babae ay binuklat niya ang nakatuping papel.

Umangat ang mga kilay niya nang makita ang nakasulat sa papel. Courageous Things To Do... At ang nakasulat sa unang linya ay travel alone. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa sa mga nakalista at habang tumatagal ay kumukunot na ang kanyang noo.

"Damn, kung ang babaeng iyon nga ang may-ari nito at balak niyang gawin ang lahat ng nakasulat dito habang nasa Singapore siya ay siguradong mapapahamak siya," naiusal niya.

Sandaling nag-isip si Ryan bago sa huli ay napabuntong-hininga, pagkatapos ay mabilis na kumilos upang sundan ang babae.

IT'S GONE! Nakaramdam ng panic si Jesilyn nang mapagtanto na nawawala ang kanyang listahan. Nakaipit lamang iyon sa notebook niya pero nang kukunin na sana ay hindi na niya makita. "Nasaan na?" tarantang naiusal niya habang ipinapagpag ang notebook sa pagbabaka-sakaling mahulog ang itinuping papel. Subalit wala talaga.

Bigla niyang naalala ang nangyari kanina sa airport—nang mabitawan niya ang notebook at tumama sa ulo ng guwapong estranghero bago bumagsak sa sahig. Napangiwi siya nang maisip na baka nahulog ang piraso ng papel at hindi niya napansin.

Nalaglag ang mga balikat ni Jesilyn. Natatandaan naman niya ang mga isinulat pero importante sa kanya ang papel na iyon. Iyon ang unang beses na isinulat niya ang mga bagay na gustong gawin. Kaya itinuturing niyang treasure at good luck charm ang listahan.

"But now it's gone," garalgal na naibulalas niya.

"Ano'ng hinahanap mo?" biglang tanong ng boses ng isang lalaki sa kanyang likuran.

Napaderetso ng tayo si Jesilyn dahil bukod sa pamilyar ang boses ay isang tao lang naman ang nakilala niya sa bansang iyon na katulad niya ay Pilipino. Agad na lumingon siya. Ilang hakbang ay nakatayo ang lalaki at nakapamulsa habang nakatingin sa kanya. Nasa tapat lamang sila ng hotel na tinutuluyan nila kaya maraming tao sa paligid. At halos lahat ay napapalingon sa lalaki. Subalit katulad noong nasa loob ng eroplano ay tila bale-wala rito na pinagtitinginan ito. O marahil masyado na itong sanay na nagiging sentro ng atensiyon kahit saan magpunta kaya hindi na nababahala.

Nawala sa isip ni Jesilyn ang lahat ng iyon nang magtama ang tingin nila ng lalaki. Muli ay hindi niya naiwasang maisip na ubod talaga ito ng guwapo. Maganda ang mga mata na pinarisan ng makakapal na kilay at pilik, matangos ang ilong, at makurba ang mga labi na parang ngingiti ano mang oras. Ang mukha nito ay iyong sa mga billboard, magazine, at telebisyon lamang normal na nakikita. Kahit tuloy siya na hindi na dapat humahanga sa ibang lalaki ay hindi maiwasang mapatitig sa mukha ng kaharap. Kinumbinsi na lamang niya ang sarili na kapareho lamang iyon ng paghanga sa isang celebrity at walang ibang kahulugan.

Napakurap si Jesilyn nang sa ilang hakbang ay nakalapit na ang lalaki at itinaas ang kamay na may hawak na nakatuping papel sa harap mismo ng mukha niya.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon