Part 30

24.4K 640 34
                                    

ANO'NG ginagawa niya? Iyon ang kanina pa tumatakbo sa isip ni Ryan habang nakakunot ang noong nakatingin kay Jesilyn na mag-isang kumakain. Labis siyang nagulat nang makita ang dalaga sa restaurant na iyon. And then mixed emotions suddenly overcame him; pangungulila dahil dalawang linggo na niya itong hindi nakikita, pagkatapos ay galit at frustration nang maalala ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang kalimutan na lamang ang dalaga na sa kasamaang palad ay hindi naman niya magawa; at ang huli ay sakit na parang may asido sa kanyang sikmura nang maisip na baka may date si Jesilyn at si Apolinario kaya nasa restaurant na iyon ang dalaga.

Kaya nang bawiin ni Jesilyn ang tingin ay nagdesisyon si Ryan na ganoon din ang gawin. Inalis niya ang tingin sa dalaga at pilit na binale-wala ang presensiya nito. Bagay na hindi naman niya magawa. Lalo na at ang kinauupuan niya sa mesang napili ni Maxene ay nakaharap sa direksiyon ni Jesilyn. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit kumakain na itong mag-isa. Hindi ba sumipot si Apolinario?

"Bakit nakasimangot ka na naman, Ryan? Galit ka pa rin ba na pinilit kitang lumabas naman sa opisina mo? You can't blame me. Dalawang linggo ka na roon at puro trabaho lang ang inaatupag mo. Mas malala ka pa kaysa noong bago ka magbakasyon. Kung hindi pa kita pinilit kanina ay malamang hindi ka magshe-shave!" pasermong litanya ni Maxene.

Totoo na nagpakalunod siya sa trabaho sa nakaraang dalawang linggo. Paraan niya iyon para huwag maisip si Jesilyn. Paraan din niya iyon para maibalik sa dati ang sarili. Subalit habang lumilipas ang mga araw ay lalong napagtatanto ni Ryan na hindi na niya alam kung paano umakto na tulad noong hindi pa niya nakikilala ang dalaga. She changed something in him and now he could not go back to how he was before. Lalo lamang tuloy siyang nakaramdam ng frustration. At ngayon na hindi siya prepared ay bigla niyang nakita si Jesilyn.

"Ryan? Hello?" untag ni Maxene na pumitik pa sa harap niya.

Kumurap siya at tiningnan ang babae. "Anong oras darating si Jayden?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang asawa nito at kaibigan din niya.

Tumingin si Maxene sa suot na wristwatch. "Malapit na 'yon." Naningkit ang mga mata ng babae habang nakatingin sa kanya, pagkatapos ay biglang lumingon sa direksiyon ni Jesilyn. "Kanina mo pa tinitingnan ang babaeng iyon. Mula pa noong kapapasok pa lang natin sa restaurant. Kilala mo?"

"No," nakatiim ang mga labing sagot ni Ryan.

"Bakit kaya mag-isa lang siyang kumakain sa restaurant na ito na kilalang puntahan ng mga couple, mga mahilig makipag-blind date, at mga single na naghahanap ng date? Trip lang niya?" nagtatakang tanong ni Maxene na nakatingin pa rin kay Jesilyn.

Natigilan si Ryan. Bigla ay naging malinaw sa kanya ang ginagawa ni Jesilyn. "Dinner for one," naiusal niya. Nakita niya sa listahan ng dalaga ang tungkol doon.

"Ano?" tanong ni Maxene na humarap na uli sa kanya.

"Nothing," sagot na lamang niya at inalis na rin ang tingin kay Jesilyn.

Mayamaya pa ay dumating na si Jayden. Nakaupo na ang lalaki nang biglang magsalita na naman si Maxene.

"Interesado ka ba sa babaeng 'yon, Ryan?"

Tumiim ang kanyang mga bagang. "Stop it already, Max."

"Who?" tanong ni Jayden.

"Iyong babae doon na mag-isa sa mesa," sagot ni Maxene na itinuro pa kay Jayden ang direksiyon ni Jesilyn, hindi man lang nakinig sa pananaway niya.

Frustrated na napabuga na lamang siya ng hangin.

"At mukhang hindi lang ikaw ang interesado sa kanya. Mabilis kumilos ang mga lalaking 'yon sa counter, tingnan mo," sabi naman ni Jayden.

Napaderetso ng upo si Ryan at mabilis na muling napatingin sa direksiyon ni Jesilyn. Lumapit ang isang waiter sa dalaga at may ipinatong na bote ng wine sa mesa. Nakita niya ang bakas ng pagtataka sa mukha ni Jesilyn bago napatingin sa counter.

Ganoon din ang ginawa ni Ryan. Parang may sumipa sa sikmura niya nang makita ang tatlong lalaki na nakatingin kay Jesilyn. Nakangiti ang mga iyon at kinindatan pa ang dalaga.

Naningkit ang kanyang mga mata. Naikuyom niya ang mga kamay dahil sa pagbalong ng galit sa dibdib. Hindi niya gusto ang ngiti sa mga labi ng mga lalaking iyon. Hell, hindi niya gusto na tinitingnan si Jesilyn nang ganoon ng kahit sinong lalaki. At nang makita niya na tila tatayo ang isang lalaki sa grupo ay hindi na niya napigilan ang sarili. Tumayo siya. "Sorry, kayo na lang ang mag-dinner. Consider it as a date," sabi niya.

Napatingala sa kanya ang mag-asawa at pareho pang ngumisi.

"Ryan, natatandaan mo noong bago pa lang kaming magkarelasyon ni Max? Kinikilabutan ka sa pagiging in love namin sa isa't isa. I told you that one day, you will understand. Mukhang dumating na ang araw na 'yon," pambubuska ni Jayden.

Napahinga nang malalim si Ryan dahil mas komplikado ang sitwasyon nila ni Jesilyn kompara sa iniisip ng kanyang mga kaibigan. Subalit hindi na siya nagpaliwanag pa dahil tumayo na ang lalaki sa counter at mukhang kinakantiyawan ng dalawang kasama nito. Hindi siya papayag na malapitan nito si Jesilyn. Hindi pa niya alam kung ano ang sasabihin sa dalaga subalit tila may sariling isip ang kanyang mga paa na mabilis na naglakad palapit sa mesa nito.

Ilang hakbang pa lamang ang layo ni Ryan kay Jesilyn ay tila nadama na agad ng dalaga ang kanyang presensiya. Nag-angat ito ng tingin at bumakas ang pagkagulat sa mga mata nang makita siya. Huminto si Ryan sa mismong harap ni Jesilyn na bahagya nang nakaawang ang mga labi habang nakatingala sa kanya.

"Ryan?" mahinang usal nito.

Bago sumagot ay tinapunan muna niya ng matalim na tingin ang tatlong lalaki na ngayon ay hindi na nakangiti habang nakatingin sa kanila ni Jesilyn. Mukhang na-intimidate sa kanya ang nakatayong lalaki na siyang mukhang may interes sa dalaga dahil muli itong umupo.

Ryan felt victorious that he almost smiled. Pagkatapos ay hinatak niya ang silyang katapat ni Jesilyn at walang anumang umupo roon. Awang ang mga labing nakatingin lamang sa kanya ang dalaga.

"Finish your food and pretend that you are still alone. Para ito sa courageous things to-do list mo, hindi ba?"

"Oo," mahinang sagot ni Jesilyn na hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig sa kanya.

He saw the glint of longing in her eyes that made his heart constrict. Iniiwas niya ang tingin at humalukipkip. Sa isip ay kinukumbinsi niya ang sarili na lumapit lamang siya roon upang hindi malapitan ng kung sino ang dalaga. Na para iyon sa kaligtasan nito. Wala nang iba pang dahilan.

Subalit alam niyang wala siyang makukumbinsi sa ganoong palusot. Kahit ang sarili niya.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now