Part 2

45.2K 739 18
                                    


"ANG BONGGA talaga ng kasal ng mayayaman. Ang sarap ng maraming datung."

Napalingon si Jesilyn at ang kausap na si Sylve kay Sheila na nakatutok ang tingin sa katamtamang laking telebisyon sa loob ng staff room ng main branch at headquarters ng Happy Mart Convenience Stores. Pagkatapos ay napatingin siya sa TV screen upang tingnan kung ano ang pinapanood ng babae.

Ipinapalabas ang isang magarbong kasal na ginanap diumano kahapon. Base sa sinasabi ng reporter ay kasal iyon ng anak ng may-ari ng television station at ng foreigner na manager ng sikat na bandang Wildflowers. Their wedding looked like every woman's dream wedding. At least, iyong mga babaeng pangarap maging isang bride. Iyong kasal na hindi lamang ang mismong okasyon ang perpekto kundi maging ang groom.

Sa kasamaang-palad, kung pagbabasehan ang reaksiyon ni Sheila ay hindi pa kasama sa pangarap nito ang magpakasal. At sa totoo lang ay malayo pa rin iyon sa gustong mangyari ni Jesilyn. May iba pa siyang gustong gawin. Kahit pa hindi niya magawa ang mga iyon sa kasalukuyan niyang kalagayan.

"Mas naiinggit ka na marami silang pera kaysa sa bonggang kasal?" amused na tanong niya.

Inalis ni Sheila ang tingin sa telebisyon at bumaling sa kanila. "Oo. Mas masarap magkapera. Pero ako lang iyon. I'm sure hindi mo naiisip iyon kasi mayaman ka naman eh," nakangising sagot nito.

Napalabi si Jesilyn kahit alam niyang tinutudyo lamang siya ni Shiela. "Hindi ako ang mayaman kundi sina Papa at Mama. Hamak na tauhan lang ako ni Mama." Doktor ang kanyang ama habang ang kanyang ina ay businesswoman at may-ari ng Happy Mart chain of convenience stores na may limampung branches na sa buong Pilipinas.

Aminado naman siya na lumaking may gintong kutsara sa bibig. Mula noon hanggang ngayon ay ibinibigay ng mga magulang niya ang lahat ng sa tingin ng mga ito ay makapagpapaligaya sa kanya. Palibhasa ay nag-iisa siyang anak.

Subalit kahit spoiler pagdating sa materyal na bagay ay mahigpit sa lahat ng bagay ang kanyang mga magulang. Mula noong bata pa siya hanggang ngayong beinte-siyete na ay mahigpit pa rin sa kanya ang parents niya. Hindi siya pinapayagan na magpunta sa kung saan-saan. Kaunti lang tuloy ang mga kaibigan niya dahil hindi siya nagkakaroon ng pagkakataong makakilala ng ibang tao.

Noong nag-aaral pa, hindi siya pinapayagang magpunta sa field trip, birthday party, at overnight outing. Dahil doon ay palagi tuloy siyang out of place kapag nag-uusap ang kanyang mga kaklase. Nang makapagtapos ng Business Management noong kolehiyo, kahit gusto niya na sumubok humanap ng trabaho sa ibang kompanya ay hindi rin pumayag ang kanyang parents. Bagkus, ginawa siyang operations manager ng kanyang ina sa Happy Mart. Hindi naman siya makahanap ng kakampi sa kanyang papa dahil maging ito ay mas gustong magtrabaho na lamang siya sa ilalim ng kanyang ina. Siya rin naman daw ang magmamana ng Happy Mart kaya doon na lamang daw siya mag-focus sa halip na magtrabaho sa iba.

All her life, Jesilyn was sheltered by her parents that she never got a chance to spread her wings. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong lumabas sa kanyang comfort zone. At madalas ay nakakaramdam siya ng frustration. Pakiramdam niya minsan ay nakakulong siya at gusto niyang makawala. Hindi naman niya magawang magrebelde o magalit sa kanyang mga magulang sa kabila ng labis na paghihigpit ng mga ito. Alam niya na mahal lang siya ng mga ito at takot na may mangyaring masama sa kanya. Her parents were just too afraid to lose her.

"Sabagay, may punto ka naman. Isa pa, imbes na pera, mas masarap ang maging mayaman sa karanasan," sabi pa ni Sheila sa himig na may halong simpatya habang nakatingin sa kanya.

Malungkot na ngumiti si Jesilyn at napabuntong-hininga. Alam niya na kaya ganoon ang reaksiyon ni Sheila ay dahil ito ang higit na nakakaalam kung gaano niya kagustong lumabas at magpunta sa kung saan-saan at sumubok ng mga bagay na hindi pa niya nararanasan. After all, pitong taon nang nagtatrabaho sa Happy Mart si Sheila.

Bachelor's Pad book 5: Mr Hotshot (Ryan Decena)Where stories live. Discover now