Dati kasi pinangarap ko na rin ang makalipad, 'yung literal na makakalipad sa himpapawid. Gusto kong maranasan na maabot ang ulap at makita ang magandang tanawin mula sa itaas.

Inilapag ko si Sky sa isang bato at inilapag ang mga patay na daga sa harapan niya. "Kumain ka ng marami." Iniwan ko muna pansamantala si Sky at lumapit kay Master Hagiza. Kumuha ako ng ilang prutas na nakuha niya at kinain iyon.

"Wala po ba tayong tirang karne? Baka po sikmurain ako sa prutas." Tiningnan niya ako ng masama.

"Inubos mo na kagabi 'yung bitbit nating manok kaya kung gusto mong kumain ng karne makihati ka sa alaga mo."

Napangiwi ako bigla. Alam ko namang pwedeng kainin ang dagang bukid --- Kung dagang bukid nga ba ang tawag doon pero kahit mahirap ako hindi ko naranasang kumain ng ganoon sa tanan ng buhay ko. "Okay na po ako sa prutas, mag eensayo na po ako."

Paalis na sana ako ng may maalala. "Eh kung wala po tayong lulutuing karne para saan 'yang mga sangang pinulot niyo?" binato na naman niya ako ng sanga.

"Mag-ensayo ka ng bata ka puro ka tanong!" Tumakbo naman na ako at nagtungo sa talon, agad kong tinungo ang nakausling bato sa gitna ng rumaragasang tubig.

Nakailang subok akong muli bago ko nagawa ang posturang nais ni Master Hagiza. Sa una halos nilalabanan ko ang bigat ng tubig na patuloy na bumabagsak sa aking katawan subalit ng ipikit ko ang aking mga mata at dinama ang lamig at bigat niyon, unti-unti parang gumagaan ang aking pakiramdam.

Bukod doon, may biglang sumasagi sa aking isipan o mas tamang sabihin na tila ipinababatid sa akin ng tubig kung saan ito tumutungo.

Pakiramdam ko...

Tila parte ako ng tubig...

Ang pagdaloy nito mula sa dagat, papuntang ilog at sapa... Ganoon din nakikita ko ang mga nilalang na tumatangkilik nito.

Napangiti ako dahil sa aking mga nakikita, iminulat ko ang aking mata pero kadiliman ang bumalandra sa akin at tila nakalutang ako.

Hindi...

Parang nasa kailaliman ako ng mundo o nasa pusod ng dagat? Hindi ko alam... Ang pinagtataka ko pa ay nakakahinga ako sa tubig? Paano?

Muli akong pumikit baka kasi namamalikmata lang ako subalit ng muli akong magmulat nakakita ako ng liwanag na unti-unting lumalapit sa akin.

Tinitigan ko lamang iyon at inantay na tuluyan itong makalapit sa akin, nanlaki ang aking mata nang mapagtanto kung ano ang liwanag na iyon ng halos ilang dipa na lamang ang layo nito sa akin.

Isang balyena....

Nagliliwanag na balyena, lalo na sa sentro ng kanyang ulo.

Huminto ito sa paglangoy at nagkatitigan kaming dalawa.

Ilang sigundo ko muna siyang pinagmasdan dahil talagang nahiwagaan at namangha ako sa kanyang itsura. Hindi ko namalayan na unti-unti na palang gumagalaw ang aking kamay sa direksyon niya upang mahawakan ang kanyang katawan subalit biglang nagliwanag ang animo'y dyamante sa sentro ng kanyang ulo kaya bahagya akong nabulag.

Nang makapag-adjust ang aking mata ay nakita ko na lamang ang aking sarili na nasa talon at hindi na kinaya ng aking katawan ang pakikipag buno sa rumaragasang tubig kaya napaatras ako at napahiga sa lupa.

Nakaramdam na rin ako ng pangagalay kaya kahit sobrang lamig ay hindi na muna ako tumayo. Nasa ganoon akong kalagayan ng maalala ko ang nangyari kanina. "Nakatulog ba ako? Panaginip ba 'yun o dala lang ng imahinasyon ko?"

Matagal bago ko napagdesisyunang bumaba at magtungo kung nasaan si Master Hagiza.

Nagulat pa ako dahil madilim na kapaligiran na ang nabungaran ko. "Imposible..." Tinakbo ko ang lugar kung saan ko huling nakita si Master Hagiza.

The Cold Mask And The Four Elements (Book 1)Where stories live. Discover now