Kaya naman si Yolly na ang nagsalita. "Huwag na kayong mag-away. Aalis na lang po ako," aniya na nakayuko ang ulo.

"Yolly, nag-usap na tayo tungkol dito." Lingon ni Madam Angie sa kanya. Pinanlakihan siya ng mata.

"Ayoko naman po na nag-aaway po kayo dahil lang sa akin. Okay lang po ako sa bahay," malungkot na saad niya.

"Pero mag-isa ka lang do'n. Wala ang nanay mo dahil pumunta sa Saudi, hindi ba? Dahil may emergency sa tatay mo?" Habang sinasabi iyon ni Madam Angie ay pasulyap-sulyap ito kay Andy.

Ang totoo ay hindi pa nakakaalis si Aling Yolanda. Itinago muna ni Madam Angie sa isang hotel para magmukhang wala na sa bansa. Pero aalis talaga ang ginang, madali na lang dahil may passport na ito, konting ayos muna ito ng ibang mga papeles. At gastos lahat ni Madam Angie para lang matupad ang plano nito. Syempre pinatos agad iyon ni Aling Yolanda. Saudi na 'yon tapos makikita pa nito ang asawa, aarte pa ba siya?

Gusto namang pumalakpak ni Yolly. Ang galing pa lang umarte ni Madam Angie. Pang best actress din tulad ng nanay niya. Galing galing!

Napasinghap naman sa hangin si Andy. Alam niyang kinukonsensya lang siya ng dalawa kaya naman pumihit na siya patalikod para umalis.

"Walang mag-aalaga sa iyo ro'n, Yolly. Walang magpapakain sa 'yo. Kawawa ka lang sa bahay niyo, Yolly. Baka mamatay kang dilat ang mata. Panget 'yon." Nilakasan ni Madam Angie ang boses dahil nasa hagdan na ng bahay nila si Andy paakyat. Pinandilatan din nito si Yolly na sumagot agad.

Napangiwi si Yolly. Bahala na nga kung uubra ang acting niya. "Okay lang po, Tita. Kung mamamatay man akong dilat ang mata sa bahay ay iburol niyo na lang po ako at lagyan ng SORRY, ANDY ang kabaong ko."

Muntik nang mapahalagpak ng tawa si Yaya Chadeng sa sinabi niyang iyon. Buti at napigilan ng matanda ang tawa.

Napangiwi naman si Madam Angie. Parang may nilunok na maasim ito.

"Mali po ba?" pasimpleng bulong niya kay Madam Angie. Pang best actress na niya iyon na acting, eh. Promise.

Umikot ang mga eyeballs ni Andy bago nilingon si Yolly na mas masama ang tingin. "Aarte na nga lang, halatang-halata pa. Tss!" at usal niya sa sarili.

Nakangiwi namang ngumiti sa kanya si Yolly.

"Matitiis mo ba si Yolly, Anak?" tapos samo na naman ng Mommy niya.

Mga abnormal! sa loob-loob ni Andy at saka ipinagpatuloy na ang pag-akyat sa hagdan.

Naalarma ulit si Madam Angie. Tinapik-tapik nito ang balikat ni Yolly. Nang-uutos na magdrama pa ang dalaga.

"Ah, eh, Tita, sige aalis na po ako at huwag niyo na po akong pipigilan. Hayaan niyo na lang po ako para kay Andy, para hindi siya lalo magalit sa akin," malakas na boses na arte nga ulit ni Yolly.

Halos magkandahaba-haba ang leeg nila ni Madam Angie sa pagtingin kay Andy. Cross finger din sila at sign of the cross. Parehas umaasa na sana magbago ang isip ni Andy. Kaso ay nagtuloy-tuloy na talaga si Andy sa pagpasok sa silid nito. Wa epek ang acting nila. Hindi man lang naawa. Naku naman!

Nang marinig nila ang padabog na pagsara ng pinto ay lumaylay na ang balikat nila. Parang mga nalugi silang nagkatinginan sa isa't isa.

"Huwag po kayong mawalan ng pag-asa, Madam, Yolly. Talagang mainit po ang ulo ni Andy kanina pa," pampalubag-loob sa kanila ni Yaya Chadeng.

"Paano na 'yan?" Parang masakit ang ulong napahawak sa noo si Madam Angie. "Yolly, naman kasi dapat ginalingan mo ang arte mo."

Kamot siya sa kanyang batok. "Sorry po, pero sabi ko naman kasi hindi po uubra ang ganito. Uwi na lang po talaga ako."

Sunod-sunod ang naging iling ni Madam Angie. "No. Dito ka lang. Ako ang magsasabi kung titira ka dito o hindi."

"Oo nga, Yolly. Huwag kang mag-alala mamaya okay na 'yung si Andy. Dito ka lang. Sayang naman 'yung effort niyo," sabad na naman ni Yaya Chadeng sa kanila.

Curious na napatingin dito sina Yolly at Madam Angie.

"He-he! Kakampi niyo ako. Team Yolly and Andy ako," nakangiting thumbs up na klaripikasyon ni Yaya Chadeng.

Nagkatinginan sina Yolly at Madam Angie. Mayamaya ay impit silang napatili dahil sa katuwaan. Nadagdagan na naman ang mga kakampi nila kaya ang saya nila.

"Salamat, Yaya Chadeng." Hindi tuloy namalayan ni Yolly na napatayo siya sa wheelchair nang yumakap siya kay Yaya Chadeng bilang pasasalamat. Buti na lang at puros mababait ang mga taong nakapaligid kay Andy.

Laking gulat tuloy ng matanda na naituro ang paa ni Yolly saka sa Wheelchair. Wari ba'y nakakita ito ng himala na ang pilay ay biglang nakalakad.

Bahagyang natawa sina Yolly at Madam Angie.

"Arte lang," ani Madam Angie sa taga-alaga ng anak.

At nagtawanan na sila.

"Yaya!" Kaso ay malakas na boses ulit ni Andy.

Woaahhh! Naalarma silang tatlo. Taranta silang nag-unahang umupo sa wheelchair. Nag-agawan.

"Ako po d'yan!" patili pero mahina at hila ni Yolly kay Madam Angie. Si Madam Angie na kasi ang umupo sa wheelchair.

"Ay, oo nga!"

Buti na lang, saktong-sakto lang, na sa pagsilip ni Andy ay naayos nila ang sarili nila. Muntik na sila. Susme!

"'Ya, 'yung pagkain ko ipasok mo na lang sa silid ko," medyo nagtatakang sabi ng binata na pinasadahan sila ng tingin bago umalis ulit.

"Andy, dito na si Yolly, ha?" sinubukang pahabol ni Madam Angie sa anak na pakiusap.

"No!" subalit ay malakas at madiin pa ring sagot ni Andy.

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Where stories live. Discover now