"Sa 'yo? Eh, hindi ba't buntis ka? Paanong gagamitin mo 'yan?"

Napangiwi si Cristine, oo nga pala. "Uhm, oo nga po. I mean gagamitin ko po pagkatapos kong manganak," pero palusot pa rin niya.

Kaso hindi umubra iyon kay Aling Yolanda. "Kanino nga 'yan? Huwag mo akong pinagloloko na bata ka."

Kamot-ulo si Cristine pero hinding-hindi niya talaga ipapahamak si Yolly. "Sa akin po talaga, Tita."

"Sigurado ka?"

"Opo, Tita."

Tiningnan ni Aling Yolanda si Cristine nang mapanuring tingin. Hindi talaga ito naniniwala pero pagkuwa'y sabi nito, "Oh, siya maiwan na kita."

"Uuwi na po kayo?"

"Oo at baka dumating na 'yong pinsan mo sa bahay."

"Sama po ako?" kunwa'y ani Cristine kahit galing naman siya roon. Para lang hindi mahalata.

"Ikaw kung gusto mo?"

"Opo, para makita ko si Yolly. Ilang araw na rin pala mula noong pumunta ako sa bahay niyo."

"Sabagay. At baka hindi mo pa pala alam, eh, nagsasama na ngayon sina Andy at Yolly."

Kwentuhan silang magtiyahin habang naglalakad.

"Talaga po?" kunwa'y komento ni Cristine. "Kailan pa?"

"Mga ilang araw na. Eh, ikaw kumusta ang pagbubuntis mo? Ano'ng sabi ng nakabuntis sa 'yo?"

"Hindi nga po okay, eh. Buti pa si Yolly, Tita, dahil mabait si Andy sa kanya."

"Anong hindi okay?"

"Ayaw po ako panagutan ng boyfriend ko, Tita. Hindi raw siya naniniwala na buntis ako. Hindi pa raw siya handa na mag-asawa. Problemado nga po si Mama."

"Eh, tarantado pala ang lalaking iyon!" Nag-init agad ang ulo ni Aling Yolanda.

"Oo nga po, eh. Kailangan pa raw ng ebidensiya. G*go po talaga. Nagsisisi na po tuloy ako."

Napailing-iling si Aling Yolanda. "Basta, kahit na ano'ng mangyari ay huwag mong pababayaan ang anak mo. Blessing pa rin 'yan."

"Opo, Tita. Mahal ko na po ngayon ang baby ko. Kahit mahirap ay itutuloy ko po ito."

"Mabuti naman kung gano'n."

Saglit pa'y nakarating na sila sa bahay. Sa silid ay nakasilip sa may bintana si Yolly at kita niyang magkasama ang nanay niya at si Cristine na dumating.

Umasim ang kanyang mukha sabay sarado sa kurtina ng bintana. Naku po. Huwag naman sana siyang nilaglag ni Cristine.

"Yolly, 'andiyan ka na ba? Nandito ang pinsan mo."

"Opo, 'Nay. Cristine, pasok ka na lang. Nandito sa kuwarto ko."

Nagbukas nga ang silid niya at mabilis na pumasok doon si Cristine. Napasandal ito sa dahon ng pinto at napatutop ito sa dibdib. Ang totoo kasi ay grabe ang kaba nito. Grabe talaga!

"Ano'ng nangyari?" mahinang tanong niya sa pinsan.

"Muntik ka nang mabuking dahil sa napkin na 'to." Pabato na binigay sa kanya ni Cristine ang biniling pasador.

"Hindi mo sinabi?"

"Hindi, ah. Syempre dapat ikaw ang magsabi niyan sa kanila."

Nakahinga siya nang maluwag. Buti na lang at maasahan din talaga kahit paano ang kanyang pinsan.

SUMAPIT ANG GABI, umuwi na rin si Cristine dala ang PT na negative para itapon sa malayo.

Nagkulong naman si Yolly sa silid niya. Wala siyang kabalak-balak lumabas dahil pinag-iisipan niya kung ano'ng gagawin niya. Aamin ba siya agad kay Andy pagkauwi nito o hindi muna?

Stress na nagulo-gulo na naman niya ang kanyang buhok. Naku naman. Ang hirap naman. Kung bakit kasi hindi pa siya buntis talaga, eh. Okay na, eh. Okay na ang lahat. Ba't nagulo pa na ganito?

"Yolly, hindi ka pa ba nagugutom?" Kumatok ang nanay niya sa pinto ng kuwarto niya.

"Hindi pa po. Aantayin ko na lang po si Andy," sagot niya kahit ang totoo ay ipinagdadasal pa nga niyang huwag na munang umuwi ang binata. Hindi niya talaga alam kung paano kasi niya ito haharapin pa. Ngunit kahit anong dasal niya ay umuwi pa rin talaga si Andy sa bahay nila.

"Hi," bati agad nito sa kanya. "Sabi ni Nanay hindi ka pa kumakain? Are you not feeling okay?"

"H-hindi naman," sagot niya na tinalikuran ito sa pagkakahiga. Unan niya ang dalawang kamay.

"Then why haven't you eaten yet?"

"Wala lang." Hindi niya alam bakit na siya naluluha.

"Ah, siguro gusto mo ako ang magpakain sa 'yo, ano? Gusto mong maglambing sa akin, ano?"

"Hindi, ah. Wala lang talaga akong gana."

"Are you sure?"

"Oo nga."

Tumahimik na si Andy. Nagbihis na ito. "Siya nga pala," pero mayamaya ay sabi ulit nito, "samahan mo ako bukas."

"Saan?" Gano'n kakaiksi ang mga sagot niya.

"Sa ospital. Kaya ako late nakauwi ay dahil naatake sa puso ang Dad ko pero mild lang naman. Awa ng Diyos, naagapan kaya okay na siya kahit paano."

Naalala ni Yolly ang lalaking naatake rin ng puso kanina pero benalewala lang niya iyon.

"Ayoko," sabi na lang niya.

"Please samahan mo naman ako?" pagpipilit ni Andy habang sinusuot nito ang pambahay na t-shirt.

"Ayoko nga."

"Sige na, kasi nandoon 'yong mistress ni Daddy."

Nagulat siya kaya napalingon siya nang wala sa oras sa binata. Mapait na ngiti ang iginawad sa kanya ni Andy.

"Yeah, Dad has a mistress."

"Sorry pero iyon ba ang dahilan bakit naghiwalay ang parents mo?"

Bumuntong-hininga si Andy. "Oo, kaya sana samahan mo ako bukas?"

"Bakit kailangang kasama kasi ako?"

"Eh, kasi baka bigla ko siyang masakal. At least, may aawat sa akin."

Doon na siya napangiti at natawa naman si Andy.

"So, sasamahan mo na ako?" ta's pangungulit na naman nito.

Ewan niya pero tumango na siya, na tama lang siguro dahil baka iyon na ang last na makakasama pa niya ang binata. At least makilala rin naman niya kahit paano ang daddy ni Andy bago magwakas ang lahat sa kanila.

Muntik na talaga siyang maluha sa kaisipang iyon.

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Where stories live. Discover now