"Matutulog ka na agad?" takang tanong ni Andy sa kanya.

"Oo. Parang masama kasi ang pakiramdam ko," rason niya at tumalikod na siya.

Narinig pa niya ang sinabi ng nanay niya kay Andy. "Hayaan mo na. Ganyan talaga ang mga buntis. Mga antukin."

"Gano'n po ba," sabi naman ni Andy.

Kung ano pa ang pinag-usapan ng dalawa ay hindi na narinig pa ni Yolly dahil tuluyan na siyang pumasok sa silid niya. Naglatag siya agad sa sahig, humiga at namaluktot. Wala siyang ganang makipagtalo ngayon kay Andy kung saan sila hihiga kaya nagkusa na siya.

Nakailang buntong-hininga siya habang nakikipagtitigan sa kisame. Nakikini-kinita na kasi niya kung ano na naman ang mangyayari sa kanya sa school oras na pumasok siya bukas. Okay lang sana kung hindi siya buntis, eh.

Lumangitngit ang pinto. May pumasok at sigurado siyang si Andy na iyon. Ang tanga lang dahil bigla siyang pumikit.

Akala ba niya kakausapin niya ito? Naduwag na naman ba siya? Aisst!

Narinig niyang lumangitngit rin ang kama. Humiga siguro si Andy. Lalo naman siyang pumikit. Ang hindi niya alam ay gumagalaw-galaw naman ang kanyang eyeballs kahit nakapikit siya, at napansin iyon ni Andy kaya pigil na naman ng binata ang tawa.

"Tulog ka na?" pilyong tanong nito.

"Oo," at ang tanga niya lalo dahil sumagot siya. Naku naman!

Natawa nang tuluyan si Andy. "Gumising ka nga muna. Mag-usap tayo."

"Ayoko," matatag niyang sabi na pumikit lalo.

Ilang minuto na hindi nagsalita si Andy kaya naman kinabahan siya.

Nakatulog na agad? Naku naman, hindi man lang siya pinilit na makipag-usap.

"Wetewew!" Mayamaya pa'y biglang sumipol si Andy. Iyon pala ay pinagnanasahan na naman nito ang katawan niya kaya nananahimik.

Biglang mulat siya ng mga mata. "Bastos ka talaga, ano?!" ta's galit agad na bulyaw niya rito nang bumangon. Matik na nabato niya na naman ito ng unan.

Pasalamat ito at mabigat ang kabinet, kung hindi, nakuuu!

'Yung konting respeto niya kay Andy na sinasabi niya kanina, nakalimutan niya agad. Bastos, eh.

Ang lakas naman ng naging halakhak ni Andy. Gumugulong pa ito sa kama na tawang-tawa.

Nagpaningkit iyon lalo sa mga mata ni Yolly. Tumayo siya at 'yung lamp shade niya na ang iniamba niya rito. "Ano, huh?!"

"Oy!" Balikwas agad ng bangon si Andy at kumaripas nang alis ng kama. "Huwag 'yan masakit 'yan, Yolly!" anito na harang-harang ang mga kamay sa mukha nito. Tongno matigas na 'yung lampshade.

"Talagang ihahampas ko ito sa 'yo kapag hindi mo tinigilan ang pagmamanyak mo sa 'kin!" singhal niya.

"Joke lang 'yon! Aanhin ko naman ang katawan mo?"

"Talaga lang, ha?!"

"Oo nga. Inaasar lang kita para magdilat ka ng mata. See, it's effective." Totoo 'yon, inasar lang nito ang dalaga.

"Sure ka?"

"Oo nga kaya ibaba mo na 'yan at mag-usap tayo."

Kumibot-kibot ang mga labi ni Yolly. Saglit na nag-isip at mayamaya ay hahaba-haba ang nguso niyang ibinalik na nga niya ang lamp shade sa kinapapatungan.

"Ano bang pag-uusapan natin?" dikawasa'y tanong na niya kay Andy sa normal na boses.

Nakahinga naman nang maluwag si Andy. Napahawak pa ito sa dibdib. Nag-inhale at exhale bago nagsalita. "Tungkol nga ro'n sa pagpasok natin bukas. Okay lang ba talaga sa 'yo? Sayang naman kasi, eh."

Napahalukipkip siya saka umupo sa gilid ng kama. "Gusto ko naman kaso natatakot ako," at matapat niyang sabi.

Sumeryoso na silang dalawa.

"I know that's why I'm asking you."

"Kung nandoon pa sana si Leandro medyo panatag pa ako na papasok kasi tagapagtanggol ko 'yon, eh. Kaso wala na siya, eh," pagdadrama niya. Pero kung sana nakita niyang nakusot konti ang mukha ni Andy dahil sa pagbanggit niya sa pangalan ni Leandro ay magtataka siya. Ang kaso habang nagsasalita kasi siya ay sa sahig siya nakatingin kaya hindi niya iyon nakita.

"Pa'no kung pagkaisahan na naman nila ako dahil sa 'yo? Lalo na ngayon na malamang, eh, alam na nila na magkasama tayo sa iisang bahay dahil kay Cindy." Nang tumingin na siya sa mukha ni Andy ay blangko na ang ekspresyon ng mukha nito.

Nagkibit-balikat si Andy na sinalubong ang tingin niya. "Iyon lang naman kung magtitiwala ka ulit sa 'kin?"

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Puwede ko naman kasing palitan si Leandro na tagapagtanggol mo, eh, sabihin mo lang?"

"Weh?"

"Oo nga. Kasi alangan namang hahayaan kitang saktan pa nila, eh, dala-dala mo na ngayon ang magiging anak ko."

Natahimik siya, nga naman.

"Ano? Pasok na tayo bukas? Don't worry, I will take care of you and our baby."

"Paano mo naman magagawa 'yun?"

"Eh, di huwag kang aalis sa tabi ko. Lagi kang didikit sa 'kin."

"Paano 'yung ibang subject na hindi tayo magkaklase?"

"Text or call ka lang at ako'y agad na darating!" tiwalang-tiwala sa sariling sagot ni Andy. Nag-ala Superman pa ito, pinalaki nito ang dibdib kahit puro naman 'yon buto.

Natawa tuloy siya nang wala sa oras.

"Ganyan. Dapat always kang tatawa para masaya rin ang anak natin diyan sa tiyan mo."

"Tse!" pero suplada ulit niya rito.

Ngingiti-ngiti si Andy na tumabi sa kinauupuan niya at lakas-loob na kinuha nito ang isang kamay niya, masuyo iyong hinawakan. Iyon lang ang alam ni Andy na paraan para paniwalaan ni Yolly ang lahat ng sinasabi nito ngayon.

Napakislot si Yolly. Ginusto niyang bawiin ang kamay pero hinigpitan ni Andy ang pagkakahawak sa kamay niya.

"Ano'ng ginagawa mo?" naiilang na tanong niya sa binata.

"Huwag ka ngang maarte dahil kung titingnan ay mag-asawa na tayo ngayon."

"Mahiya ka nga sa sinasabi mo."

"Bakit? Hindi ba?"

Hinila pa rin niya ang kamay pero ayaw na talaga iyong bitawan ni Andy. "Ano ba? Ang arte mo talaga!"

"Bitawan mo kasi ang kamay ko. Nanananching ka lang, eh."

"Saglit lang kasi may sasabihin pa ako. Panira ka naman sa drama natin, eh."

"Ano ba kasi 'yon?"

Sumeryoso ulit si Andy at tumitig sa kanya. "Gusto ko lang sabihin na... nandito lang ako para sa 'yo at sa baby natin. Promise, hindi na kita ikakaila sa mga kaklase natin o sa ibang mga estudyante. Haharap ako sa kanila simula bukas at sa mga susunod pang mga araw na kasama ka sa tabi ko. Basta pagkatiwalaan mo lang ako at mangako ka rin na sasamahan mo ako sa laban na ito."

Hindi siya nakasagot dahil parang may bumara sa lalamunan niya. Nakipagtitigan lang siya kay Andy na awang ang kanyang mga labi.

Na-touch siya! Touch na touch! 

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Where stories live. Discover now