Andress 97 | Ang Babaylan ng Timog

Magsimula sa umpisa
                                    

"Wala sa plano ko na ubusin kayong lahat sa isang gabi lamang dahil alam kong imposibleng magawa ko iyon," simula ko kasabay ng paglakas ng kapangyarihan ipinapahiram sa akin ng libro.

"Kaya nga ang tanging layunin ko lamang sa gabing ito ay bawasan kayo at linisin ang Timog. Hindi sa inyo ang lupaing ito. Wala kayong karapatan sa bawat bayan at baryo na unang umusbong dito wala pa man kayo sa mundo. Lisanin ninyo ang Timog o ako mismo ang magpapaalis sa inyo sa pinakamasakit na paraan!"

Nakita ko ang pagbakas ng galit at muhi sa mukha ni Ahriman kasabay ng pagtapat ng kanyang tungkod sa akin. Inaasahan ko na magpapakawala siya ng kapangyarihan kaya't bago pa tumama sa akin ang itim na enerhiyang pinakawalan niya mula sa hawak na tungkod ay nakagawa na ako kaagad ng harang.

"Wala kang alam! Wala kang alam sa karapatan na sinasabi mo!" sigaw niya na punong-puno ng pait at diin.

Ngayon ko lang nakita ang ganitong galit at poot mula sa kanya, mukhang meron sa sinabi ko na nagpabalik ng emosyong matagal na niyang kinikimkim.

"Kung usapang katapatan lamang ay wala kang maibabala sa akin, Tagahawak! Hindi mo alam ang hirap at pasakit na aking pinagdaanan sa kamay ng mga taga-Timog!"

Ngayon na nasabi niya ang nga iyon, tila bumalik muli sa akin ang unang sandali ng kanyang pagpapakilala.

'Siya si Ahriman mula sa Timog. Isang itim na Babaylan.'

"Walang karapatan ang mga taga-rito na mamuhay ng tahimik at payapa dahil ang mga bagay na 'yun ang ipinagkait nila sa akin. Sino ba ako?! Sino ba ako, Tagahawak!? Ako lang naman ang simple at ordinaryong Babaylan ng maliit na Bbayan dati. Si Ahriman, isang Babaylan na manggagamot!" puno ng hinanakit niyang sigaw.

Nanatili lamang tikom ang aking bibig at mas pinili na pakinggan ang kanyang kwento.

"Ako ay isang simpleng Babaylan lamang mula sa isang maliit na bayan dito sa Timog; isang Babaylan na may kahusayan sa paggawa ng mga halamanggamot. Lahat ay lumalapit sa akin kapag kailangan nila ang aking tulong, ngunit no'ng ako na ang nangailangan ay wala man lang ni isa ang pumansin sa akin! Ang mga tao rito sa Timog ay walang utang na loob, Tagahawak! Humingi ako ng tulong sa kanila na ako'y idala sa mahusay na Maaram upang matignan ang aking karamdaman sa balat ngunit ano ang ginawa nila!? Pinagtulakan nila ako palayo, inalipusta, pinandidirihan, at pinaratangan na may dalang kamalasan! Matapos ang serbisyo na aking ibinigay sa aking munting bayan; matapos ang walang pag-iimbot kong tulong na ipinaabot sa kanila, 'yun pa ang naging ganti nila! Sa tingin mo, karapat-dapat ba ang mga taong tulad nila sa katahimikan at kapayapaan?! Karapat-dapat ba ang mga tulad nila sa kapatawaran at payapang pamumuhay?! Hindi, Tagahawak! Hindi!"

Punong-puno ng mabigat na emosyon, galit, poot at paghihirap ang aking nakita sa kanyang mga mata. Sa ilang sandali ay nakita ko ang isang Ahriman na dumaan din sa isang tila bangungot na nakaraan.

"Nang ako'y itapon nila sa isang kagubatan malayo sa aming bayan, tinanggap ko na sa aking sarili na kamatayan ang aking kahahatungan, walang tutulong sa akin at ako'y kinakain na ng aking karamdaman. Ngunit sa bawat pitik ng oras ay paulit-ulit lamang na ipinapaalala sa akin kung gaano kasama ang mga tao sa kabila ng tulong na ibinigay mo. Gumawa ka man ng mabuti kapag ikaw ay wala ng silbi ay magiging patapong-bagay ka na lamang."

Sandali siya'ng tumigil upang iwaksi ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. Maya-maya ay mahina itong natawa bago muling nagpatuloy.

"Pero alam mo kung ano ang gumising sa akin? Kung ano ang nagtulak sa akin upang maging ganito ngayon? 'Yun ay ang katotohanan. Katotohanan na ang mga tao ay hindi dapat pinagsisilbihan kundi inaalipin at pinapahirapan! Buong buhay ko ang inilaan ko sa aking tungkulin bilang Babaylan ng aming bayan. Ngunit nang wala na akong silbi ay ipinatapon na lamang ako na parang nabubulok na prutas. Sa mga sandali ng aking buhay, roon ko nahanap ang tunay na kahulugan ng buhay— ang maghiganti at ibalik sa mga tao ang ibinigay nila sa akin."

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon