Chapter 44

1.1K 86 32
                                    

"Ang lapad ng ngiti natin ah!" ang biro sa kaniya ni Carlos na siya namang totoo sa sandaling iyun. Pagkagaling niya kina Presley ay dumiretso siya sa bahay nina Carlos kung saan inabutan niya si Canaan at pinapunta naman niya sina Alaric at Rauke na sumunod naman kahit gabi na. Iyun lang kasi ulit ang pagkakataon na magkasama-sama silang muli para makapag-inuman pagkatapos ng bagyo at pagkatapos ng kaniyang bakasyon kasama si Presley. At sa sandaling iyun ay mayroon silang dapat na i-celebrate ng mga kaibigan. Ang mga ito ang lagi niyang kasama sa kalungkutan at siyempre ang mga ito rin ang kaniyang kasama sa kasiyahan at nasa tuktok siya ng kaniyang kaligayahan sa pagkakataon na iyun na kailangan niyang ibahagi sa kaniyang mga kaibigan.

Kaya naman bitbit ang beer at pulutan na kaniyang binili sa Pedrosa ay dumiretso siya kina Carlos at pumuwesto nga sila sa labas sa harapan ng bahay nito.

Kinagat niya ang kaniyang pang-ibabang labi habang pinipigilan ang malapad na ngiti at kilig na nadarama pero mas lalo lang siyang napangiti at halos mangisay na siya sa kilig nang maalala niya kung bakit sila naroon na magkakaibigan. Iba pala talaga kapag seroyosohan na, ang sabi ng kaniyang isipan. At wala siyang pinagsisisihan.

"Anak ng kabayong malandi! Kinikilig! Nagbakasyon lang silang dalawa ni Presley parang tineydiyer na inaapuyan ang puwet!" ang sabat naman na pambubuska ni Canaan.

"Sus! Palibhasa mga hindi pa kayo seryoso kaya hindi niyo alam ang pakiramdam ng inlababo," ang pagtatanggol naman sa kaniya ni Rauke na nagtaas pa ng lata ng beer para sa kaniya.

"Totoo," ang sabat naman ni Alaric na masaya rin sa buhay may asawa nito.

"Seryoso naman kami ah!" ang giit ni Carlos na tinaasan lang nila ng kilay.

"Umayos ka Carlos, sinasabi ko sa iyo kapag binalikan ka, laking problema mo," ang paalala ni Alaric sa kaibigan na nagkibit lang ng mga balikat nito.

"Kamusta nga pala si lolo Juanito?" ang kaniyang tanong kay Carlos at nawala ang ngiti sa labi ng kaibigan at napasulyap ang mga mata nito sa may itaas ng bahay.

"Pansin ko na...nanghihina na siya, ugh, napakatigas naman ng ulo! Sinabi ko na magpa-check-up na kami biglang nagiging parang leon! Kung magalit at makatanggi, wala lang daw ang nararamdaman niya, hindi ko raw...kailangan na mag-alala," ang sagot ni Carlos at mapapansin na unti-unting nawalan ng sigla ang boses nito at mababakas ang labis nitong pag-aalala sa lolo na katulad niya ay tumayo ring ama nito.

"Kung kailangan mo kami Carlos, alam mo naman na...nandito lang kami para sa iyo," ang seryosong sagot niya sa kaibigan. Tumangu-tango ito ngunit mabilis itong umiling at gumapang ang malapad na ngiti sa labi nito.

"Hindi tungkol sa akin ang gabing ito, bakit pala nagpatawag ka na naman ng inuman at may kilig ka pang nalalaman," ang sagot ni Carlos na iniba na ang usapan at ibinalik na iyun sa kaniya.

"Birthday ni Presley ngayon hindi ba? Bakit hindi kayo nagsi-selebreyt?" ang tanong ni Canaan na may pilyong ngiti sa labi nito kasabay ng mabilis na pagtaas-baba ng mga kilay nito sa kaniya.

Muli siyang napangiti at inilahad niya ang mga nangyari nang gabing iyun sa mga kaibigan at hindi niya maitago ang kasiyahan na kaniyang nadarama at mukhang naramdaman din iyun ng kaniyang mga kaibigan na malapad ang pagkakangiti sa mga labi nito.

"Malapit na ako...magpatali at maging isang mabuting asawa," ang kaniyang paglalahad sa mga kaibigan habang may malapad na ngiti sa kaniyang mga labi at mabilis na nagtaas-baba ang kaniyang mga kilay sabay angat niya sa hawak niyang lata ng beer.

"Amen!"

"Halleluja!" ang mga salitang kaniyang narinig sa kaniyang mga kaibigan at nagbanggaan ang mga hawak nilang lata at maririnig ang malalakas na tawanan at pagbati para sa kaniya.

COWBOYS : LUCAS MALVAR (Complete)Where stories live. Discover now