Chapter 28

1K 78 50
                                    

Inihinto ni Lucas ang kaniyang motorsiklo at bara-bara niyang ipinarada ito sa harapan ng kanilang bahay. Humahangos siyang naglakad sa harapan na patio at saka niya binuksan at malakas na itinulak ang mabigat na kahoy na pinto.

At malakas niyang isinara ito na lumikha ng malakas na ingay na ikinabigla ni nanay Lucing na nagpupunas ng buffet table kung saan nakadisplay ang kanilang mga litrato.

“Lucas!” ang malakas na pagbanggit nito sa kaniyang pangalan na may tono nang pagkagalit habang hawak ng isang kamay nito ang basahang tumigil sa pagpunas ng mga picture frame na naglalaman ng kaniyang musmos na mukha.

Hindi siya sumagot at dire-diretso siyang naglakad patungo sa silid na kaniyang nang opisina. Itinulak niya ang pinto at saka niya isinara iyun at sa malalaking hakbang ay naglakad siya palapit sa malalaking bintana at doon ay tumayo siya.

Itinukod niya ang kaniyang mga kamay sa gilid ng bintana at isang malalim na hininga ang kaniyang sinagap para malinisan ang kaniyang baga at ang kaniyang isipan. Naghahabol siya ng hininga na tila ba mas napagod siya sa pagkukumahog niya papalayo kay Presley kaysa sa ginawa niyang pagtihulog sa kabayo.

Naalala niya ang nangyari kanina. Ang dahilan kung bakit para siyang nakakita ng multo at nagmamadali siyang sumakay ng kaniyang motorsiklo para tumakbo papalayo kay Presley.

Isang inosenteng pagmamasahe lamang ng kaniyang mga kamay sa namumulikat na binti ni Presley ang kaniyang pakay at ang kaniyang ginawa. Pero habang tumatagal ang paghimas niya sa malambot na binti nito ay unti-unting bumagal ang paggalaw ng kaniyang mga kamay. At sa halip na lagyan niya ng diin ang pagpisil sa namimuntig nitong laman sa binti ay napansin na lamang niyang mabagal na ang paghagod ng kaniyang palad at daliri sa binti nito. At hindi na niya iyun minamasahe kundi hinahaplos na niya ang kalambutan nito.

At nang umangat ang kaniyang mukha mula sa kaniyang pagkakatungo ay sinalubong niya ang mga mata ni Presley. Malamlam ang mga mata nito at mapupungay na nakatuon sa kaniya.

“Lucas,” ang bulong nitong sambit sa kaniyang pangalan na tila ba hinaplos nito ang kaniyang puso.

Ngunit muling umalingawngaw sa kaniyang isipan ang mga sinabi ni Presley. Hinding-hindi siya kailanman nito magiging boyfriend, at ibig sabihin ay hindi kailanman na mamahalin siya nito. At iyun ay parang sampal na nagpabalik sa kaniya sa reyalidad na ang isang katulad ni Presley ay hindi niya kailanman maaabot.

Kung tama man ang sinabi ni Carlos tungkol sa pinangangalagaang papel ng mga Sevilla sa lipunan ay para siyang lupa na nangangarap na mahagkan ang langit.

Mas gusto niya pang masaktan sa pagkakahulog sa kabayo kaysa sa masaktan sa pagkahulog niya kay Presley. Alam niya ang damdamin ng isang taong hindi matanggap nang dahil sa katayuan sa buhay.

Isang malalim na hininga ang kaniyang nilanghap at mabilis niyang ibinuga. At saka niya binawi ang kaniyang mga kamay mula sa pagkakatukod at tinalikuran niya ang bintana para maglakad palapit sa isang mesa kung saan naroon ang litrato ng kaniyang mga magulang.

Sa harapan nito ay tumayo siya at napako ang kaniyang mga mata sa litrato na nasa picture frame. Unang natunton ng kaniyang mga mata ang magandang mukha ng kaniyang mama. Ang kulay kayumanggi nitong balat at mahaba nitong buhok ay nagbigay ng simpleng kagandahan na pinay na pinay sa kaniyang mama. Bilog ang mga mata nito na nakangiti sa litrato katulad ng mga labi nitong malapad na nakangiti.

Ang kaniya namang papa ay kasalungat ng kaniyang mama. Maputi ang balat nito at ang buhok naman nito ay katulad ng sa kaniya na alon-alon at kulay gintong trigo. Ang mga matang nakangiti rin ng kaniyang papa ay mas matingkad ang pagkaka-asul na singkulay ng mamahaling bato habang ang sa kaniya ay mapusyaw na singkulay naman ng kalangitan. At pareho ang kaniyang mama at papa na labis ang tuwa habang nakatingin sa harapan ng camera. At kahit pa sa litrato lamang ito ay mababakas ang labis na pagmamahalan ng dalawa.

COWBOYS : LUCAS MALVAR (Complete)Where stories live. Discover now